Chapter 5

1.7K 86 5
                                    

"Uy, nakahain na!" sabik na sabi ni Randy habang pinagmamasdan ang hapag na puno ng pagkain. "Tamang-tama gutom na talaga ako." Umupo si Randy sabay kuha sa isang stick ng inihaw na baboy.

"Teka lang, Randy. Hintayin muna natin si Marvin para kumpleto na tayo," sabi ni Tina.

"Oh, heto na pala si Marvin eh," wika ni Sabel sa kaibigang papalapit sa kanila.

"Wow naman ang sweet!" panunukso ni Randy kay Marvin na may hawak na pulang rosas.

Iniabot ni Marvin ang bulaklak sa kasintahan sabay halik sa noo nito.

"Yeehee!" kilig na biro nina Randy at Sabel.

Bagamat nakangiti, pinili ni Luna'ng maging abala sa paglalagay ng tubig sa mga baso. Sa kabila ng kaniyang ngiti, may bahid ng lungkot na makikita sa kaniyang mga mata.

"Saan mo nakuha ito?" tanong ni Tina. Nagniningning ang kaniyang mukha sa tuwa.

"Sa hardin nina Luna," sagot ni Marvin.

"Ang ganda nito, Luna!" puri ni Tina.

"Uy, ikuha mo rin ako," lambing na sabi ni Sabel kay Randy.

"O oh, hmm-maya. Pag kat-pos ko k-main," tugon ni Randy habang nginunguya ang kasusubo lamang na kanin at adobong manok.

"Aba pare, dahan-dahan lang sa pagkain. May bukas pa," biro ni Marvin habang nauupo sa tabi ng kasintahan.

Masayang pinagsaluhan ng magkakaibigan ang masarap ang pananghalian. May karne, gulay at kaning may dahon ng pandan ang nasa lamesa. Nang matapos kumain, tinulungan nina Tina at Sabel si Luna sa pagliligpit.

"Luna," sabi ni Sabel. "Pa'no nga pala kayo nagchacharge ng cellphone? Lowbat na kasi ako, hindi na ako makakapagselfie mamaya sa pamamasyal natin." Tinakpan ni Sabel ng pinggan ang mga natirang ulam.

"Ako rin," sabat ni Tina. "Lowbat na rin ako. Saan ba pwedeng magcharge?" Pinunasan ni Tina ng basang basahan ang kahoy na lamesa.

"Nagchacharge kami ng cellphone gamit ang battery ng sasakyan. Yung dalawang battery sa may sala ang gamit namin," sagot ni Luna. "Kaya lang mabagal yung pagcharge sa battery kaya medyo matagal. Kung gusto n'yo iwan n'yo na lang muna rito sa bahay yung mga phone n'yo. Yung phone ko na lang muna ang gamitin natin mamaya. Mahigit kalahati pa ang battery non. Hindi ko naman kasi masyado nagamit kahapon."

"Ang galing naman," wika ni Sabel. "Akala ko sa loob lang ng kotse pwedeng magcharge. Pwede rin pa lang direct mismo sa battery."

"Oo, pati nga yung TV sa sala napapagana ng battery ng sasakyan," sabi ni Luna.

"Ah, akala ko display lang yung TV n'yo," tumawa si Sabel.

Matapos malinisan ng tatlo ang mga pinagkainan, umakyat si Tina sa kanilang silid bitbit ang rosas. Dala-dala naman niya sa kaniyang pagbaba ang dalawang bag na nakasabit sa magkabila niyang balikat.

"Heto na yung bag mo, Sabel," wika ni Tina, sabay abot sa gamit ni Sabel. Umupo siya sa tabi ni Sabel na nakadekwatro sa malambot na sofa. "Nariyan yung phone mo 'di ba?"

"Oo, narito nga. Salamat!"

"Luna, eto na yung mga phone namin," iniabot nina Sabel at Tina ang kanilang telepono sa kaibigan. Nakita ito nina Randy at Marvin.

"Teka, pa'no yung sa'min?" tanong ni Randy sabay lapit.

"Mamayang hapon na lang yung sa inyo pagbalik natin," sagot ni Luna. "Dalawang phone lang kasi ang kayang icharge ng sabay ng battery namin."

Umupo sina Marvin at Randy sa tabi ni Luna at nakiusyoso sa ginagawa ng dalaga.

Nang maikabit ni Luna ang mga telepono sa baterya, narinig nito mula sa labas ng bahay ang tinig ng batang lalake na tinatawag ang kaniyang pangalan.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon