Chapter 39

1.2K 59 9
                                    

Hindi malaman ni Luna ang gagawin sa mga sandaling iyon. Para bang bigla na lamang siyang nilukuban ng apoy at biglang nagliyab sa galit ang kaniyang puso. Binuhay ng alab na iyon ang sariling kanina lamang ay pinaralisa ng kalungkutan. Bumilis ang kaniyang paghinga't umikom ang kaniyang kaliwang kamay, habang ang kanan nama'y humigpit ang hawak sa telepono.

Hindi na nagawang sumagot pa ni Luna sa kapatid. Nagpadala siya sa lukso ng galit at siya'y dali-daling lumabas ng silid.

Naabutan niya si Isko'ng nakatulala sa hapag-kainan. Ang mga pagkaing inihain ay halos hindi nabawasan. Tila ba sinasaluhan ng binata ang pagluluksang nadarama ni Luna.

Dahan-dahang bumaling ng tingin si Isko kay Luna na nakatayo sa labas ng silid.

"Luna..." malungkot na wika nito at siya'y dahan-dahang tumayo. Ang mukha niya ay puno ng kapanglawan at ang mga mata niya'y tila ba humihingi ng kapatawaran.

"Anong ginawa mo sa inay ko!" sigaw ni Luna sa binata.

"Anong... anong ibig mong sabihin?" gulat na tugon ni Isko

"Sinungaling ka, Isko! Sinungaling ka!" kumawala ang galit sa dibdib ni Luna. "Pinatay mo ang inay ko! Pinatay mo sya!" hindi napigilan ni Luna ang muling pagpatak ng mga luha.

"Anong sinasabi mo?" umiiling na tugon ni Isko. "Hindi kita maintindihan. Bakit ko naman papatayin ang iyong inay –"

"'Wag ka nang magmaang-maangan pa!" pagpuputol ni Luna sa nais sabihin ni Isko. "Ang ate ko na ang nagsabi," itinaas niya ang kamay na may hawak na telepono't nanggagalaiting ipinakita ito. "Tumawag siya sa barrio at nalaman niya ang ginawa mo. Dinala mo ang inay sa bukid upang maging Lunayin! Ikaw ang dahilan kung bakit s'ya namatay!" hinabol niya ang kaniyang paghinga.

"Hindi..." mabilis ang pag-iling ni Isko. "Hindi totoo yan. Kasinungalingan ang paratang na 'yan –"

"Hindi sinungaling ang ate ko!"

"Hindi totoo ang bintang na 'yan, Luna. Maniwala ka sa'kin," unti-unting lumakad si Isko palapit kay Luna.

"'Wag kang lumapit! 'Wag kang lumapit!" hiyaw ni Luna.

"Luna, hindi ko magagawang ipahamak ang iyong pamilya," huminto si Isko sa paglakad nang malapit na siya sa kinatatayuan ni Luna. "Kahit pa sila ang dahilan ng pagkamatay ng mga magulang ko, hindi ko magagawang gumanti sa magulang ng taong mahal ko."

"Anong ibig mong sabihin?" hindi makapaniwala si Luna sa tinuran ng binata. "Ang mga magulang ko ang nagsumbong –"

"Oo, Luna," payak na sagot ni Isko.

"Hindi totoo 'yan!" nanggagalaiting bigkas ni Luna. "Ikaw ang sinungaling! Nagawa mo nang magsinungaling sa akin nung una. Hindi mo na ako magagawang linlangin sa pagkakataong ito! Lumayo ka sa'kin! Lumayo ka!" halos nakasandal na sa bukas na bintana si Luna dahil wala na siyang aatrasan pa.

Ngunit laking gulat na lamang niya nang bigla siyang hilain ni Isko palayo sa bintana at biglang yakapin.

"Bitiwan mo 'ko! Bitiwan mo 'ko!" pilit na pumipiglas si Luna mula sa pagkakayakap ni Isko. Malakas ang mga bisig na nakabalot sa kaniyang katawan, kung kaya't hindi niya kayang kumawala.

"Tama na, Luna. Tama na," pagpipigil ni Isko, at habang nagtatagal, paghigpit ng pahigpit ang yakap niya sa dalaga.

"Bitiwan mo 'ko! Nasasaktan ako!" muling sigaw ni Luna. "Sinasaktan mo ako!"

"Hindi kita sinasaktan," tugon ni Isko. Pilit niyang pinipigilan ang pagsisikap ni Luna'ng kumawala.

"Sinasaktan mo ako..." wika ni Luna sabay iyak. Ramdam niya ang unti-unting panghihina dala ng paulit-ulit niyang pagpipiglas.

"Hindi, Luna. Hindi kita magagawang saktan," sagot ni Isko sa tinig na para bang nabubulunan.

Nang kumalma ng bahagya si Luna, naramdaman niya ang dahan-dahang pagluwag ng yakap ni Isko. Sinamantala niya ang pagkakataong iyon at tinapakan niya ng madiin ang paa ni Isko. Malakas na lumangitngit ang kawayang sahig na para bang masisira.

Napahiyaw si Isko at nabitiwan  niya ang dalaga. Mabilis namang kumilos si Luna't itinulak ang binata papalayo sa kaniya. Nawalan ng balanse si Isko at napaupo ito sa mahabang silya.

Tumakbo palabas si Luna tangan-tangan ang teleponong mahigpit pa rin niyang hawak. Ang pagbaba niya sa kahoy na hagdan ay nakapagpabagal sa kaniyang galaw. Nang maisuot niya ang sandalyas na iniwan sa ilalim ng hagdan, agad siyang tumakbo.

Kailangan kong makalayo agad dito!

Mabato ang daan. Hirap si Lunang bagtasin ang mahirap na daan sa ilalim ng matinding sikat ng araw. Hindi pa siya lubusang nakakalayo nang maabutan siya ni Isko dahil sa bilis ng pagkilos nito.

Batid ni Lunang mangyayari iyon, kung kaya't inihanda niya ang sarili sa ganung sitwasyon. Nang mahawakan siya ni Isko sa kanang braso, agad siyang huminto't inumang ang kaniyang siko. Tinaman niya ang sikmura ni Isko't piniglas ang kaniyang braso. Mabilis niyang itinulak ang binata ng buo niyang lakas patagilid, at sa pangalawang pagkakataon, nawalan muli ng balanse si Isko. Mabigat ang pagtumba niya sa kaniyang tagiliran at tumama ang sentido niya sa malaking bato sa gilid ng daan.

Biglang tumahimik ang paligid. Ang mabilis na kilos ni Luna'y biglang bumagal. Ang pagsayaw ng mga dahon sa puno'y biglang huminto, habang dahan-dahan namang dumaloy ang dugo sa ulo ni Isko sa lupang kinabagsakan.

Dagliang bumalik sa alaala ni Luna ang mga eksenang kaniyang nasaksihan sa bukirin ng Lunangayin tuwing kabilugan ng buwan sa tag-init. Ang dugong tuloy-tuloy na umaagos mula sa ulo ni Isko't dumidilig sa mabatong lupa ay tulad rin ng mga dugo ng Lunayin na bumasa sa lupa ng bukirin.

Pinagmasdan ni Luna ang walang malay na si Isko. Hindi tulad kanina, hindi na niya alintana ang init ng araw na tumatagos sa kaniyang balat. Hindi niya maintindihan ang sarili kung bakit tila ba nagdudulot ng kakaibang kaluguran ang panoorin ang dugong sinisipsip ng lupa. Ito ba'y dahil nananalaytay sa kaniyang ugat ang pagiging tunay na Lunangayining handang kumitil ng buhay para sa kapakanan ng kaniyang lugar?

Ang matinis na paghuni ng ibong dumapo sa bubungan ng sasakyan ni Isko ay pumukaw ng pansin ni Luna. Ibinaling niya ang tingin dito at napansing ito rin ang ibong dumapo sa bintana kanina. Ang paghalik ng mainit na hangin sa kaniyang pisngi ay para bang nagpagising sa kaniyang lumilipad na isip. Doon, bigla niyang naisip ang alanganing sitwasyong kaniyang kinakaharap.

Napatay ko si Isko. Hindi na ako dapat pang magtagal dito.

Mabilis siyang lumakad patungo sa pick-up na hindi nalalayo sa kaniyang pwesto. Sinubukan niyang buksan ang pintuan nito ngunit ito'y naka-lock. Muli niyang tiningnan si Isko. Inisip na maaaring nasa bulsa ng binata ang susi ng sasakyan, kung kaya't nilapitan niyang muli ito at dinukot ang kanang bulsa.

Hindi siya nabigo sa paghanap ng susi. Nang makuha niya ito, tumakbo siya sa sasakyan at agad na binuksan ito. Nagmamadaling sumakay si Luna. Ang tangan niyang telepono sa kamay ay inilapag niya sa katabing upuan. Pinaandar niya ang sasakyan. Bumwelta sa di kalayuan at tinahak ang daan palabas ng lugar na iyon.

Habang papalayo, mula sa gilid ng salamin ng sasakyan, sinulyapan niyang muli ang katawan ni Isko'ng nakahandusay sa batuhan. Bago tuluyang itinuon ang atensyon sa binabaybay na daan, ilang patak ng luha ang tumulo mula sa kaniyang mga mata.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon