Chapter 34

1.4K 61 16
                                    

Ikatlong araw, matapos ang gabi ng pag-aalay. Sa pagbukang-liwayway, kasabay ng pagtilaok ng mga manok, tahimik na nakaupo si Berto sa harapan ng tokador sa kanilang kuwarto. Ang namumugto niyang mga mata ay nakatitig sa baril na nakapatong dito, katabi ng pulang rosario ng kaniyang asawa.

Plano niyang hanapin si Isko, ngunit hindi niya alam ang eksaktong lugar nito. Ang tangi lang niyang alam ay ang kaunting impormasyong ibinahagi ng namayapang si Mona (ina ni Isko) sa kaniyang asawang si Barbara.

Saan sa Laguna? Saan nagtatago ang Isko'ng 'yon!

Isang linggo bago namatay ang mga magulang ni Isko, ibinunyag ni Mona kay Barbara ang isang lihim na matagal na itinago ng kanilang pamilya. Ang ina ng tatay ni Isko na pinalabas ng kanilang pamilya na namatay sa sakit ay buhay pa! At ito'y nagtatago lamang sa Laguna.

Napaniwala nina Mona ang mga tao sa barrio nang ibalita nilang namatay na ang mahal niyang biyenan nung huli itong ipinasok sa ospital. Sa loob ng halos isang taong pagpapanggap nitong may malubhang karamdaman, naging matagumpay ang ginawa nilang pagpapatakas dito.

Nakipagkasundo noon sina Mona sa isang taong nakilala nila sa ospital, na ilayo ang ina kapalit ng malaking salapi. Ginawa nila ito upang iligtas ang ina sa nalalapit na kabilugan ng buwan sa tag-init. Apatnapung taon na noon ang biyenan ni Mona at siya na ang nakatakdang ialay sa bukid. Malaki ang pagtutol rito ng asawa ni Mona kung kaya't nag-isip sila ng kakaibang paraan upang matakasan ng ina ang tradisyon. Ang mabusisi at metikulosong planong iyon sa matagal na panahon ay naging matagumpay nang tuluyang mailayo ang ina sa Lunangayin.

Labis ang pagkabigla ni Berto nang ikuwento iyon sa kaniya ni Barbara. Ayon pa rito, ang abo na labi raw ng biyenan ni Mona na inuwi noon sa barrio ay abo ng ibang tao.

Nang sinabi ni Mona sa mga taga-barrio na utos mula sa doktor ang pagsunog sa bangkay ng ina, dahil sa pagkamatay nito sa malubhang sakit, agad itong pinaniwalaan ng mga tao.

Nagawang ipagtapat ni Mona ang lahat kay Barbara upang lubos na maintindihan nito ang pagnanais na tumakas at upang makuha ng ganap ang tiwala niya – dahil isang malaking pabor ang nais nilang hilingin kina Barbara at Berto. Sa nalalapit na buwan noong panahong iyon, tutuntong na sa edad kwarenta si Mona, at nais ng asawa nitong mailigtas si Mona sa pagiging Lunayin. At bukod doon, nais na nilang muling makapiling ang nawalay na ina. Sa tingin nina Mona, iyon na ang tamang panahon upang ang pamilya nila'y muling magbuklod.

Ang malaking pabor na ito ay ang tungkol sa pagtakas ng buo nilang pamilya – si Mona't ang asawa n'ya at ang dalawang anak nila. Nais nina Mona'ng makakuha ng malaking salapi upang gamitin sa kanilang pagtakas at bagong simula. At ang pagbebenta ng kanilang ari-arian sa pamilya nina Luna ang naisip nilang paraan.

Bagama't malaki ang pagtutol ni Berto sa hinihinging pabor dahil sa ito'y mapanganib hindi lang para kina Mona kung hindi para na rin sa pamilya niya, sa bandang huli, napapayag rin siya ni Barbara.

Kung tayo ang nasa sitwasyon nila, papayag ka bang ialay ang buhay ko? Kakayanin mo bang patayin ang asawa mo?

Ang mga katagang iyon ni Barbara ay parang makalawang na punyal na tumagos sa puso ni Berto. Ang kalawang ay tila ba lason na papatay sa kaniyang pagkatao.

Sa paraang iyon, napaintindi ni Barbara kay Berto ang bigat na dinadala ng pamila ni Mona. Ang pasakit na nag-aantay sa maiiwang pamilya kapag si Mona ay sumakabilang buhay na.

Bagama't pumayag si Berto sa pagtulong, hindi naman niya sinang-ayunan ang nais ni Mona tungkol sa paghingi ng malaking salapi kapalit ng kanilang mga pag-aari. Alam niyang magiging kahina-hinala kung biglang mapapasakanila ito at siguradong makukuwestiyon ito ng mga tao. Kung kaya't ang tangi lamang niyang naalok ay ang magbigay ng maliit lamang na halaga.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon