Chapter 37

1.3K 58 12
                                    

Hindi maitago ang saya ni Isko sa ngiting namumutawi sa kaniyang mga labi simula sa pag-alis nila ng inn noong umaga hangang sa paglalakbay nila ni Luna patungong Laguna. Bagama't ang tugon ni Luna sa bawat sulyap niya rito ay kapiranggot na ngiti, lubos pa rin ang kaligayahang hatid nito sa kaniya. Para bang idinuduyan sa ulap ang kaniyang puso, at sumasayaw sa hangin ang kaniyang damdamin hatid na rin ng masasayang awiting tinutugtog sa bukas na radyo.

Nahihiya lang s'ya siguro sa'kin dahil sa nangyari sa amin kagabi, kaya siguro parang pigil ang kaniyang ngiti at hindi niya ako magawang tingnan ng diretso. Lihim na natawa si Isko sa kaniyang naisip. Sa wakas, napasaakin ka rin Luna. Kay tagal kong hinintay ang pagkakataong kusa mong ipagkaloob ang sarili mo sa akin.

Sa tagal ng biyahe ng dalawa, halos hindi naringgan ni Isko ng imik ang dalaga. Tumugon lamang ng napakaikling sagot si Luna noong yayain niya itong mananghalian sa kantinang kanilang hinintuan.

"Ikaw na lang. Busog pa kasi ako," mahinang wika ni Luna sabay baling ng tingin sa mga sasakyang tumatakbo sa kalsada.

Dahil doon, napagdesisyunan ni Isko'ng bumili na lamang ng pagkaing maiuuwi. Alam niyang hindi magtatagal at gugutumin din ang kasama kung kaya't minabuti niyang ganun na lang ang gawin. Matapos niyang magbayad at kunin ang mga nakasupot na pagkain, bumalik siya sa sasakyan at inilagay sa likuran ang binili katabi ng bag ni Luna.

Nang sumakay muli si Isko, napansin niya ang tila ba pag-iwas ni Luna'ng magtama ang kanilang paningin.

Ganito lang talaga siguro matapos ang unang beses ng pagsisiping. Baka natural lang siguro sa mga babae ang mahiya pagkatapos na may mangyari. Mamaya pagdating sa bahay, baka maging ayos na din ang lahat. Baka gusto lang din niya sigurong lambingin ko siya. Yung tipong papangakuan ko siyang pananagutan ko siya. Natawa si Isko sa isipan. Pero teka, kailangan ko pa bang gawin 'yon? Alam naman niyang hindi ko siya iiwan.

Sinimulan nang patakbuhin ni Isko ang pick-up. Ang malamig na hangin mula sa aircon ng sasakyan ay naghatid ng ginhawa sa uminit niyang pakiramdam dala ng init sa labas. Ngunit ang pananatiling walang imik ni Luna ay nagdulot sa kaniya ng bahagyang pagkabalisa.

Mabuti na rin siguro ito, para hindi na s'ya mag-usisa pa at magtanung-tanong ng tungkol sa kaniyang ina. Hindi ko rin naman alam ang isasagot ko pag nagkataon.

Hindi nagtagal at narating nila ang isang makipot na daan papasok sa talahiban. Dahan dahang iniliko rito ni Isko ang sasakyan at tinahak ang malubak at malupang kalsada. Mataas ang mga damo sa magkabilang gilid ng daan. Ang maliit na kalsada ay sapat lamang upang makadaan ang isang sasakyan. Kung may makakasalubong man ito, nararapat lang na umatras ang isa hangang umabot sa maluwag-luwag na lugar upang magbigay daan sa pumapasok na sasakyan.

Habang papalapit sina Isko sa patutunguhan, unti-unti siyang sinalakay ng kaba. Hindi magtatagal at mararating na nila ang tinataguan niyang lugar. Hindi magtatagal at malalaman na rin ni Luna'ng hindi niya kasama ang ina nito.

Hindi malaman ng binata kung paano sisimulan kay Luna ang pagpapaliwanag. Batid niyang kahit anong sabihin niya, galit ang siguradong matatanggap niya mula sa dalaga.

Kaya naman minabuti na lang ni Isko'ng ituon na muna ang pansin sa pagmamaneho.

Mamaya na lang habang nanananghalian. Doon ko pag-iisipan ko kung ano ba ang dapat kong unahing sabihin kay Luna.

Matapos ang anim na oras na biyahe, inihinto ni Isko ang pick-up (hindi kalayuan sa isang bahay kubo). Mahaba-haba rin ang tinakbo ng sasakyan sa talahiban bago bumungad ang mga kabahayan. Sa lugar na ito, mabibilang lamang sa daliri ang mga layu-layong kabahayang makikita. At kabilang dito ang tahanang tinutuluyan ni Isko na nakatirik sa pinakamalayong parte ng naturang maliit na komunidad.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon