Chapter 35

1.3K 63 9
                                    

Maliwanag na ang silid nang magising si Berto. Ikawalang araw matapos ang gabi ng pag-aalay, tila ba ngayon pa lamang niya naramdaman ang lubos na pagkawala ng malakas na bisa ng kapugat. Matanda na s'ya, kaya marahil ramdam na niya ang labis na epekto ng mga matatapang na gamot.

Sa kaniyang pagbangon, muli niyang nakita ang mga nagkalat na damit ni Barbara. Naisip na naman niya ang asawa, at ang pagtakas ni Luna't mga kaibigan niya. Alam ni Bertong imposibleng makaalis si Luna kung wala ang tulong ni Isko. Kaya naman nag-uumapaw na ang galit n'ya sa binata.

Ginunitang muli ni Berto ang kuwento ni Barbara tungkol sa malaking pagtutol ni Luna'ng gawing Lunayin ang isa sa mga kaibigan nito. Binanggit pa ni Barbara noon na nakiusap si Luna'ng huwag ng idamay ang mga kaibigan niya, bagkus ay siya na lang ang ialay sa kabilugan ng buwan.

Doon nabatid ni Bertong imposibleng iwanan ni Luna ang isa sa mga kaibigan niya. Malakas ang kutob niyang naitakas ni Luna ang apat n'yang kaibigan.

Kung tumakas silang lahat, sino ang inialay noong nakaraang gabi? Sino ang Lunaying hinatid ni Isko sa bukid upang aking patayin?

Biglang naisip ni Bertong puntahang muli si Tonio upang magpatulong na pasukin ang bahay ni Isko. May hinala s'yang mayroon at mayroong maiiwang ebidensya sa bahay ng binata tungkol sa ginawa nitong pag-alis.

Sinamahan ni Tonio si Berto, kasama ang kapatas na si Karding at iba pa nilang mga kasamahan sa bukid patungo sa bahay ni Isko. Nang marating nila ito, pinilit nilang buksan ang busol sa harapang pinto ng bahay. Makailang beses nilang pinukpok ang hawakan ng pinto bago ito tuluyang nasira.

Hindi makikitaan ng anumang gulo ang loob ng bahay. Maayos ang mga unang nakapatong sa ibabaw ng sofa at maayos na nakabitin ang mga ilang larawan ng pamilya sa simentong dingding. Malinis ang kusina't hapagkainan. Walang mga gamit na plato't baso ang nasa lababo.

Ngunit sa pagbukas ng isang kuwarto sa dulo ng pasilyo, laking gulat ni Berto sa nasaksihan. Ang mga nawawalang damit ng asawa ay tumambad sa kaniyang harapan.

Bakit naririto sa silid ni Isko ang mga gamit ni Barbara?

Nakakalat sa sahig ang mga damit ni Barbara. Bukas ang pintuan ng aparador sa isang gilid malapit sa bintana. Bukas rin ang dalawang baul na walang laman, na tila ba galing sa ilalim ng kama. May ilan ring damit na pambatang lalaki ang nakalatag sa higaan.

Ang magulong kuwarto ng binata ang nakapagpatawag ng atensyon nilang lahat.

Ininspeksyon nila ang silid. Halos wala ng nakalagay sa aparador kun'di ang apat na pirasong t-shirt na nakasabit. Doon nakumpirma ni Berto ang malaking hinala ni Tonio na si Isko'y tumakas, kasama ang anak na si Luna't mga kaibigan nito. Ngunit hindi siya kumbinsidong kasama sa pagtakas na iyon ang kaniyang asawa dahil sa mga damit nitong naiwan sa silid ni Isko.

Nang lingunin ni Berto ang kaibigang si Tonio sa kaniyang likuran, halos lumundag ang puso niya sa lakas ng kaba. Hawak-hawak ni Tonio ang isa sa mga paboritong damit ni Barbara, at makikita sa hitsura ng kaibigan ang isang nakakakilabot na konklusyon.

"Berto, hindi ba't ang mga pambabaeng damit na ito'y mga kasuotan ng iyong asawa?" sabi ni Tonio. "Kung umalis si Barbara, bakit naiwan rito ang mga gamit niya? At bakit narito sa silid ni Isko? At kung tumakas si Isko kasama ang mga kaibigan ni Luna, sino ang inialay noong nakaraang gabi?"

Iyon ang mga huling katanungan ni Tonio bago humangos palabas ng bahay si Berto.

Makalipas ang kalahating oras, nakita na lamang ni Berto ang sarili sa loob ng madilim na yungib. Pilit na tinatanaw sa kadiliman ang mga nakaumbok na lupa sa malawak na paligid. Nang magliwanag ang flashlight na binuksan ni Tonio na nakatayo sa kaniyang likuran, tila ba namalikmata si Berto nang makita ang isang babaeng nakaputi na  mabilis na lumiko sa kanang bahagi ng yungib.

"Tara, dito tayo sa bandang kanan," pag-aaya ni Tonio kay Berto at sa mga kasama sa loob ng kweba. Tila ba hindi napansin ng mga kasama ni Berto ang nakita nya't wala siyang nakuhang reaksyon sa mga ito.

Mataas na ang sikat ng araw, ngunit wala ni maliit mang sinag ang nakakapasok sa loob ng kweba. Kasabay ng pag-usad nina Berto paloob sa malayong parte ng yungib ay ang paglakas ng kabog ng kaniyang dibdib. Habang lumalayo sa karimlan, lumalapit naman ang yakap ng malamig na hangin.

Nang huminto sila sa harapan ng isang umbok na lupa, inutusan ni Tonio si Karding at ang dalawa pa sa mga kasamahan nila na hukayin ito. Gamit ang mga dalang pala, mabilis na kumilos ang mga naatasang maghukay, kung kaya't hindi nagtagal ay lumitaw ang isang bangkay na nakabalot sa maduming banig. Umalingasaw ang mabahong amoy sa kanilang paligid nang buksan na ang banig at puting kumot na bumabalot sa katawan nito.

Nanginig na dumistansya ang mga tao sa bangkay nang makumpirmang si Barbara at wala ng iba ang nakalibing sa puntod na iyon. Nangangatal namang lumapit si Berto rito, dama ang magkahalong awa, pagsisisi, pighati at galit sa mga sandaling iyon. Habang lumuluhod sa lupa, pilit niyang pinipigilan ang pagluha. Ngunit nang mahawakan ang malamig na mukha ng kaniyang asawa, kusa itong  pumatak. Sa likod ng kaniyang katahimikan, nagsusumigaw naman ang poot na kaniyang nararamdaman. Hirap siyang harapin ang kalunus-lunos na sinapit ng minamahal.

Hindi nagtagal at napakiusapan rin siya ni Toniong ibalot nang muli ang asawa sa kumot at banig, at muli nang ibalik sa hukay upang mabigyan na ng katahimikan ang katawang lupa ni Barbara.

"Nariyan na 'yan, Berto. Wala na tayong magagawa. Hindi na natin maibabalik ang buhay niya kaya tanggapin na lang natin ang kaniyang pagkawala. Hayaan na lang nating gampanan ng kaniyang espirito ang kaniyang tungkulin."

Nais sana ni Bertong ilipat ang katawan ng asawa sa puntod kung saan nakalibing ang mga karaniwang tao sa Lunangayin. Ngunit dahil sa naging isang alay si Barbara, hindi niya ito maaaring gawin.

Nakakarimarim ang masangsang na amoy ng bangkay. Iyon marahil ang isa sa mga dahilan kung bakit mabilis na naisaayos ng mga kasamahan ni Berto ang katawan ni Barbara pabalik sa hukay.

Matapos iyon ay tahimik na lumabas ng kweba ang mga tao. Bagamat nakalanghap na sila ng sariwang hangin at natanaw na ang likas na liwanag, tila ba hindi nagbago ang lungkot sa kanilang mga mukha. Dama sa buong paligid ang dalamhati ng bawat isa.

"Berto," wika ni Tonio, sabay tapik ng marahan sa balikat ng kaibigan. "Naiintindihan namin ang iyong hinagpis, at kami, sampu ng mga kasamahan natin sa bukid ay nakikiramay sa nangyaring trahedya sa iyong buhay. Ang isipin mo na lamang ngayon ay, sa kabila ng trahedya, nagkaroon ng saysay ang pagkamatay ni Barbara. Sapagkat ang buhay niya ay hindi nasayang nang inialay ito sa mahal nating Lunangayin."

Hindi maintindihan ni Berto ang sarili sa mga salitang narinig. Ramdam niya ang lukso ng galit sa kaniyang dibdib, ngunit pilit namang sumasang-ayon ang kaniyang isip sa narinig.

Gusto n'yang magwala, suntukin sa mukha ang kaibigan at tumakbo ng mabilis patungo sa kawalan. Ngunit tila ba nakagapos ang kaniyang mga kamay, at mabigat ang kaniyang mga paa, na wala siyang ibang magawa kun'di ang lumakad na lang ng dahan-dahan palayo sa mga tao – palayo sa yungib ng Nayin at mga Lunayin.

Nang marating ni Berto ang kanilang tahanan, dumiretso s'ya sa kuwarto ng hindi inda ang pagod sa malayong paglalakad at gutom ng sikmura. Manhid na ang kaniyang pisikal na katawan, tanging ang hapdi na lamang ng malalim na sugat na naiwan sa kaniyang puso ang kaniyang nararamdaman.

Tinungo niya ang aparador at kinuha mula sa itaas na bahagi nito ang isang metal na kahon. Sa kaniyang pag-upo sa silyang kahoy sa tapat ng tokador, binuksan niya ang kahon. Isang baril ang laman nito at ito'y inilapag niya katabi ng pulang rosario sa ibabaw ng tokador. Sa buong maghapon, wala siyang ginawa kun'di pagmasdan ang metal na armas. Nakaupo lamang siyang nakatitig sa baril hanggang abutin na siya ng magdamag.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon