Chapter 8

1.5K 78 17
                                    

Kinabukasan, maagang gumayak ang magkakaibigan. Pagsapit ng alas nuebe, nakahanda na sila sa pag-alis papunta sa dalampasigan.

"Gaano kalayo yung pupuntahan nating beach?" tanong ni Tina kay Luna pagkalabas nila ng bahay.

"Mga dalawang oras ang biyahe," sagot ni Luna habang naglalakad sila patungo sa pick-up.

"Malayo-layo rin pala 'yon ano? Ako na lang ang magdi-drive," alok ni Marvin.

"May internet kaya doon?" biglang tanong ni Sabel. "Grabe, ganito pala ang pakiramdam pag matagal na di ka nakapag-online. Nakakabaliw!"

"Pasensiya na, Sabel," paumanhin ni Luna. "Pero wala rin kasing internet sa pupuntahan natin."

"Okey lang 'yan, sweet!" biglang sagot ni Randy. "Ang mahalaga naman magkasama tayong dalawa kahit walang internet, 'di ba?"

"Talaga lang ha!" pang-aasar na sabat ni Marvin sabay tawa.

Hindi siya pinansin ni Randy, bagkus ay hinawakan nito ang kamay ni Sabel kasabay ng pagkurap-kurap ng kaniyang mga mata na animoy batang nagpapacute at nagpapatawa.

"Ang cute cute mo talaga!" sabi ni Marvin at gigil na pinisil ang pisngi ni Randy.

"Aray naman!" sabi ni Randy sabay hawi sa kamay ni Marvin.

Masaya ang kuwentuhan ng lima habang tinatahak - sakay ng pick-up - ang mahabang daan patungo sa dalampasigan. Ito ang mamimiss ni Luna pag lumisan na bukas ang mga kaibigan.

Hindi alam ni Luna kung paano sasabihin sa apat na kailangan na nilang umalis bukas. Ayaw pa sana niya, gusto pa sana niyang makasama ang mga ito, ngunit bukas na ng gabi ang kabilugan ng buwan. Ang gabi na itinakda.

Paglipas ng dalawang oras, narating ng magkakaibigan ang dalampasigan na tinutukoy ni Luna.

"Dito na ba?" tanong ni Sabel nang ipinahinto ni Luna kay Marvin ang sasakyan.

"Oo, dito na natin iiwan ang sasakyan," sagot ni Luna. "Hindi na pwedeng dalhin pa ito hanggang doon sa may buhanginan. Mahihirapan ang sasakyan."

Bumaba ang lima bitbit ang kani-kanilang mga gamit. Samantalang tig-isang binuhat nina Randy at Marvin ang dalawang basket ng pagkain.

Naglakad sila patungo sa mapunong parte ng dalampasigan. At sa ilalim ng puno, naglatag sila ng banig at doon inilapag ang kanilang mga gamit at pagkain.

"Hindi ba delikadong pumuwesto dito sa ilalim ng niyugan?" tanong ni Randy.

"Ah, hindi," sagot ni Luna sabay tingala sa itaas ng puno. "Hindi ito puno ng niyog. Tignan mo. Isang uri ito ng palm tree na hindi namumunga."

"Oo nga ano," sabat ni Sabel nang tumingala siya sa mga puno. "Kakaiba naman itong mga punong ito. Mukha silang mga puno ng niyog sa biglang tingin."

"Oo nga," sang-ayon ni Randy.

"Tina, paki hila naman iyang dulo ng banig papunta riyan," pakisuyo ni Luna.

"Hindi ba mawawala ang mga gamit natin pag-iniwan dito?" tanong ni Randy.

"Hindi naman siguro," sagot ni Marvin. "Tignan mo oh, tayo lang ang tao." Luminga-linga ang dalawang binata sa paligid.

"Oo nga ano," wika ni Randy. "Sadyang ganito ba talaga dito, Luna?"

"Oo," sagot ni Luna habang inaayos ang mga gamit at basket sa banig. "Hindi masyadong dinarayo ng mga tao ang lugar na ito dahil medyo malayo na ito sa mga resort. Tapos wala pang palikuran dito na pwedeng gamitin ng mga tao pagkatapos magswimming. Walang mabibilhan ng pagkain, walang cottage. Karaniwang nagpupunta rito ay 'yung mga gustong magcamping sa tabing dagat."

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon