Chapter 38

1.3K 47 14
                                    

"Aaminin ko, nabigo ako sa planong itakas ang iyong ina. Nung oras na nakaalis ka kasama ang mga kaibigan mo, bumalik agad ako noon sa loob ng bahay n'yo. Gusto kong makasiguro kung wala nga roon ang inay mo kaya naman pinuntahan ko ang mga silid sa kabilang panig ng pasilyo. At doon, hindi ko inaasahan na matatagpuan ko sa dulong kuwarto ang inay mong natutulog. Sinubukan ko siyang gisingin ngunit hindi siya tumutugon sa mga tawag at paggalaw ko sa kaniya. Tingin ko noo'y pinainom siya ng mintam."

Hindi maitago ni Luna ang pagkagulat sa narinig, ang pagdududa'y tumakbo sa kaniyang pag-iisip.

Bakit papainumin ng mintam ang inay?

"Binuhat ko siya at dinala sa ibaba. Plano ko nang idiretso siya sa bahay namin upang itakas bitbit ang kumot na pinaglagyan ko ng kaniyang mga damit, ngunit ang pagdating ni mang Karding at pangingialam nito'y naging hadlang sa plano kong pagtakas sa iyong ina. Maaaring dahil sa tagal ko na makabalik sa bukid, naghinala ang mga tao't pinasundan na ako upang alamin ang nangyayari. At sa pagdating ni mang Karding na iyon sa bahay n'yo, wala na akong nagawa nang maaktuhan niya akong itinatakas ang iyong ina – kundi aminin sa kaniya ang pagtulong ko sa pagtakas n'yo." Dahan-dahang lumakad si Isko palapit kay Luna. Nang mga isang metro na lamang ang layo niya sa dalaga, huminto siya at muling nagsalita.

"Nagalit si mang Karding. Ang sabi niya, tatanggap daw ako ng malaking parusa dahil sa ginawa ko. Dahil sa gigil, sinubukan niya akong suntukin, mabuti na lang at nakaiwas ako. Nung itinulak ko siya, kumaripas na ako ng takbo. Hindi ko na nagawang isama sa pagtakas ang inay mo na ipinalapag sa'kin ni mang Karding sa sofa nung nag-usap kami. Sa pagtakbo ko, hindi ko na namalayang bitbit ko pala ang mga damit ng iyong inay. Pagdating ko ng bahay, nagmadali akong hakutin ang mga gamit ko at ilang gamit ng kapatid ko. Delikado na ang buhay ko sa barrio dahil sa nangyari kaya naman hindi ko na pinatagal pa ang pagtigil ko sa bahay. Matapos kong mag-impake, dali-dali kong isinakay ang mga gamit sa sasakyan. Sa taranta ko, noon ko naalalang hindi ko pa pala kasama ang kapatid ko, kaya naman bumalik ako sa loob ng bahay. Buong akala ko'y naroon lang sa bahay ang kapatid ko, nalimutan kong nagsabi nga pala si nanay Angela'ng dadalhin niya muna sa kanila si Juan upang doon na muna magpalipas ng gabi. Para naman daw may kasama ang bata sa magdamag dahil alam nilang abala ako sa pag-aasikaso sa mga bilin ng iyong itay. Iyon ang dahilan kung bakit hindi ko na rin nagawang itakas ang kapatid ko." Mabilis na lumapit si Isko kay Luna at hinawakan ang mga pawis na kamay nito. "Patawarin mo ako, Luna. Hindi ko natupad ang pangako ko," puno ng pagsisisi ang tinig ng binata.

Hindi maintindihan ni Luna ang sarili. Magkahalong galit, lungkot at pagsisisi ang kaniyang nadarama. Pilit niyang inuunawa ang dahilang inilahad ni Isko – na nagsikap itong itakas ang ina ngunit siya'y bigo.

Kasalanan ko ito... Iniasa ko sa'yo ang lahat... Hindi magawang ibuka ni Luna ang bibig upang magsalita. Nangilid na lamang ang kaniyang mga luha habang nakatingin sa binatang kaharap.  Sana'y hinanap ko si inay habang inililikas mo ang mga kaibigan ko. Sana'y hindi ako agad na umalis... Kasama ko sana ngayon si inay kung hindi ako nagpadala sa takot.

"Naiintindihan ko ang galit mo sa akin dahil sa hindi ko pagtatapat ng lahat sa simula pa lang," malungkot na wika ni Isko. "Hindi ko intensyon na saktan ka sa mga pangakong hindi ko natupad... Pero maniwala ka sana, Luna, sinubukan kong iligtas ang iyong inay..."

Bumagsak ng tuluyan ang mga luhang nais pigilan ni Luna. Mabilis na pumasok sa kaniyang isipan ang kapahamakang maaaring sapitin ng ina.

Niyakap ni Isko si Luna, at hinilig ng dalaga ang basang mukha sa dibdib ng binata.

"Luna," bulong ni Isko. "Huwag ka sanang magalit kung dinala kita rito sa kabila ng katotohanang hindi ko kasama ang iyong ina."

Biglang kumunot ang noo ni Luna at galit na dumistansya sa binata.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon