Epilogo 1.2

2.2K 108 115
                                    

Napahinto si Luna sa narinig.

May tumawag ba sa akin? Tanong niya sa sarili sabay lingon. Nakita niya ang mga estudyanteng nagbibiruan na nakasunod sa kaniya.

"Maayong hapon, Ma'am Mina," bati ng matangkad na estudyante ng mapaharap siya rito.

"Maayong hapon, Barry," nakangiting sagot ni Luna. Biglang naghiyawan ang mga kaklase ng binatilyo at ito'y napakamot sa kalbong ulo.

Sa tuwing makikita ni Luna si Barry – ang labing-pitong taong gulang na estudyante na nasa ika-anim na baitang pa lamang – isa lang ang kaniyang naaalala... si Isko. Sapagkat ang katangiang pisikal ni Barry ay hindi nalalayo kay Isko.

Tila ba nahiya si Barry sa pangangantiyaw ng mga nakababatang kaklase kung kaya't bigla na lang siyang nagpaalam kay Luna at lumiko sa kabilang daanan. Ang mga kasama niya'y nagtatawanang sumunod sa kaniya.

Muling nagpatuloy sa paglakad si Luna yakap ang ilang pirasong libro sa kaniyang kaliwang kamay. Maingat siyang tumawid sa kalsada at narating niya ang kabilang kalye ng maayos. Ngunit dahil sa pagbangga sa kaniya ng mga batang nagtatakbuhan sa gilid ng daan, nabitiwan niya ang mga hawak na aklat.

Grabe naman itong mga batang ito, dito pa talaga naglalaro sa gilid ng kalsada. Hindi na natakot sa mga sasakyang dumaraan, Inis na sabi ni Luna sa sarili.

Yumuko siya at isa-isang dinampot ang mga gamit. Mabuti na lang at hindi makipot ang suot niyang uniporme, kung hindi nahirapan na siya sa pagyuko.

Sa kaniyang pagtayo, matapos makuha lahat ng gamit, napatulala na lamang siya ng hindi inaasahan. Sa kabilang panig ng kalsada, nakita niya ang isang pamilyar na mukhang nakatitig sa kaniya.

I... Isko? Buong pagtataka niyang tanong sa isipan. Ang mga mata niya'y nakapako sa binatang nakatayo't nakangiti.

Lumukso ang kaniyang puso, at biglang bumilis ang pintig nito nang makita niya ang binatang tumawid ng daan.

Hala, papunta na siya sa akin! Ramdam ni Luna ang biglang paghilab ng sikmura dahil sa kaba. Parang gusto tuloy niyang magbanyo bigla.

Humugot ng isang malalim na hinga si Luna upang mapakalma ang sarili, at saka tiningala ang binata na tumayo sa kaniyang harapan.

"I... Isko?"

"Ako nga," masayang tugon ni Isko. Ang mga kamay niyang urong sulong ay tila ba gustong dumapo sa mga pisngi ni Luna.

"Pa... paanong?..."

"Mahabang kuwento," tugon ni Isko sa hindi maituloy na tanong ni Luna. "Teka, saan ba ang tungo mo? Ihahatid na kita. Pwede ko bang dalhin ang mga gamit mo?" Inilahad niya ang kaniyang mga kamay sa harapan ni Luna.

"Ah," usal ni Luna, at iniabot niya kay Isko ang mga bitbit ng walang pagtutol.

"Kailangan ba nating sumakay ng jeep?" tanong ni Isko habang inaayos ang mga librong buhat. "Luna?"

"Ha?" biglang kinurap-kurap ni Luna ang mga mata at umiling-iling. Ginigising niya ang sarili sa pagkabigla sa nangyayari.

"Sasakay ba tayo ng jeep?" muling tanong ni Isko, hindi maalis ang ngiti sa kaniyang mga labi.

Saglit na napatitig si Luna sa mamula-mulang labi ni Isko. Muling nagbalik sa kaniyang alaala ang unang halik. Bagama't hindi iyon ang halik na kaniyang pinangarap, hindi niya maitatanggi na iyon ay isang alaalang hindi niya malilimutan.

"Ah, hindi. Maglalakad lang tayo," sagot ni Luna. Sa paghugot niya ng malalim na hinga upang kalmahin muli ang sarili, napansin niya ang tila ba nahihiyang ngiting sumilay sa mukha ni Isko.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon