Chapter 30

1.3K 62 1
                                    

Hapon na nang magising si Berto. Pawisan ang kaniyang mukha at katawan ng dahil sa init. Dahan-dahan siyang bumangon at umupo sa malambot na sofang kaniyang hinigaan.

Tahimik ang sala na nakakubli sa mga nakasarang bintana't nakatabing na kurtina. Itinukod niya ang kaniyang siko sa kaniyang hita't hinawakan ang ulong bahagyang kumikirot. Tinawag niya sa mahinang boses ang kaniyang asawa ngunit wala siyang narinig na imik. Pinilit niyang lakasan ang tinig nang muling tawagin si Barbara gayun din si Lino, ngunit nanatili pa ring tahimik ang buong paligid.

Dahan-dahang tumayo si Berto. Medyo pasuray-suray siya nang tinungo ang kusina. Matapos buksan ang maliit na kabinet sa itaas ng lababo at kunin ang isang kahon ng gamot, nagsalin siya ng tubig sa baso at lumakad patungo sa lamesa. Nang mailapag ang mga dala, hinila niya ang silya sa ilalim ng lamesa at naupo rito. Matapos inumin ang isang tabletang nasa kahon, marahan niyang hinilot ang kaniyang ulo at siya'y pumikit, at muli, tinawag niya ang kaniyang asawa't anak.

Bakit hindi sila sumasagot?

"Rita, Lisa," tinawag niya ang dalawang kasambahay habang hilot-hilot pa rin ang kaniyang ulo.

Bakit walang sumasagot? Kunot noong minulat ni Berto ang kaniyang mga mata at inilapag ang mga kamay sa lamesa, saka umupo ng tuwid. Nasaan sila? Nasaan ang mga tao rito? Inilibot niya ang paningin ngunit wala siyang masilip ni isang anino.

Bagama't pumipintig-pintig pa rin ang sentido, tumayo siya at binuksan ang pintuan ng likod-bahay.

Naningkit ang mga mata ni Berto sa bahagyang pagkasilaw sa liwanag sa labas ng bahay. Nang makita niyang walang tao, agad niyang isinara ang pintuan. Muli niyang tinungo ang sala at naupo sa sofa.

Kailangan ko pa ng kaunting pahinga.

Bago muling humiga si Berto, binuksan niya ang kurtina't bintana sa may gilid ng sofa. Iniwas niya ang kaniyang mukha na matamaan ng liwanag. Bagama't may kainitan ang pumasok na hangin, nagdulot ito ng kaunting ginhawa sa kaniyang pakiramdam.

Sa pagpikit ng kaniyang mga mata, nang mailapat na niya ang likod sa malambot na upuan, mabilis na pumasok sa kaniyang isipan ang mga alalahanin.

Nasaan ang aking asawa? Si Lino? Si Luna? saglit na natigilan si Berto at naalala ang mga kaibigan ni Luna. Ano kaya ang ginawa ni Tonio sa mga natirang kaibigan ng aking anak? Sinunod kaya ni Isko ang bilin kong huwag nang makisali pa sa kung anong plano ni Tonio sa mga iyon at lumayo na lang sa kaniya?...

Maraming bagay ang gumugulo sa isipan ni Berto. Batid niyang hindi ito makabubuti sa kasalukuyan niyang kalagayan. Tila ba nakadagdag pa ito sa pananakit ng kaniyang ulo. Kung kaya naman pinilit niya ang sariling alisin muna ang pagkabahala sa kaniyang isipan.

Makalipas ang ilang minuto, bahagyang gumaan ang kaniyang pakiramdam. Sa paghinga niya ng maluwag, nasabi niya sa kaniyang sarili na mabuti't naisipin niyang uminom ng gamot. Kahit papaano'y nakatulong ito.

"Berto..."

Nagulat si Berto sa malumanay na tinig na narinig.

Barbara!

Bigla niyang minulat ang kaniyang mga mata. Ngunit dahil sa sinag ng araw sa bintana na tumama sa kaniyang mukha, agad din niyang ipinikit ang mga ito.

"Oh, nariyan ka na pala," wika ni Berto sabay patong ng braso sa kaniyang mga nakapikit na mata upang protektahan sa liwanag. "Kanina pa kita tinatawag ah. Saan ka ba galing?" nanatili siyang nakahiga habang kausap ang asawa.

"Berto..."

"Si Lino ba? Nasaan ba ang batang 'yon? Kanina ko pa din siya tinatawag," usal pa ni Berto. "Siya nga pala, Barbara, nagugutom ako. Maaari mo ba akong ipaghain ng pagkain?"

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon