Chapter 4

1.9K 96 20
                                    

Mataas na ang araw nang magising si Luna. Ang kaniyang silid ay puno ng liwanag dahil sa sikat ng araw na pumapasok sa bukas niyang bintana. Pagod na bumangon ang dalaga at tamad na tinungo ang malaking aparador. Sa tagal ng panahong hindi niya pag-uwi sa barrio, nanibago siya sa mahabang biyahe kagabi.

Pagkakuha ni Luna ng shorts, t-shirt, panloob na damit at tuwalya, lumabas siya sa kaniyang silid at bumaba ng hagdan. Papungaspungas siya ng kaniyang mga mata ng dumiretso sa banyo na nasa labas at likuran ng kanilang bahay. Noon pa man, ugali na niya ang paliligo sa umaga. Ito ang panimula niya sa bawat araw. Ginigising ng malamig na tubig ang antok pa niyang diwa.

Matapos maligo, pumasok ng muli sa bahay si Luna at inilagay ang maruming damit sa isang basket malapit sa pintuan ng kusina. Pagkatapos ay tinungo na niya ang sala. Habang naglalakad at abala sa pagpupunas ng kaniyang buhok, hindi niya inaasahang makabangga si Marvin. Napayakap na lang siya rito ng mawalan siya ng balanse.

"Ay, sorry!" sabay sabi ng dalawa. Nangingiting umayos ng tayo si Luna sabay sabing, "Hindi kita nakita," na siya rin namang kasabay na bigkas ni Marvin.

"Paano mo naman kasi ako makikita eh natatakpan ng buhok mo ang mukha mo," pabirong sabi ni Marvin sabay hawi sa basang buhok ni Luna at inayos ito ng bahagya.

"Pinupunasan ko kasi," nahihiyang sabi ni Luna. "Eh ikaw, bakit hindi mo naman ako iniwasan."

"Eh nakayuko kasi ako't nagtatanggal ng muta," sabi naman ni Marvin, at sabay na nagtawanan ang dalawa.

Pagkadaka'y, bahagyang tumingala si Luna at napatitig sa mga mapungay na mata ni Marvin.

May muta pa nga s'ya, natatawang sabi ni Luna sa isipan. Hay nako, napabuntong hininga ang dalaga, sa dinami-dami ng lalaki oh, bakit ikaw pa? Pilit niyang itinatanggi ang nararamdaman sa binata, ngunit sa tuwing sila'y magkakalapit, hindi niya lubusang maikubli ang totoong saloobin.

Biglang bumilis ang tibok ng dibdib ni Luna nang dahan-dahang nilapit ni Marvin ang kaniyang kamay sa pisngi nito. Nang hawak na ni Marvin ang pisngi ni Luna, pumikit ang dalaga. Dinama ni Luna ang malambot na palad na nakadampi sa kaniyang mukha. Pakiramdam niya'y biglang tumigil ang ikot ng mundo.

"Luna," wika ni Marvin. Ang malamig nitong tinig ay tila ba anghel na bumubulong sa hangin. "Hindi ka nagbanlaw ng maayos. May sabon ka pa sa tainga, oh."

Biglang minulat ni Luna ang kaniyang mga mata. "Ha?" sabay hawak sa kaniyang tainga. "Ah, oo nga ano," nahihiyang sagot ng dalaga nang makapa ang kapiranggot at malambot na sabon. Ngumiti si Marvin habang nililinis ni Luna ng tuwalya ang tainga.

"S'ya nga pala, gising na ba si Randy?" biglaang tanong ni Luna, pilit na iniiba ang usapan.

"Kagigising lang. Sabi ko nga katukin na yung mga girls para makapaghanda na rin sa lakad. Teka, saan ba punta natin ngayon?"

"Pupunta tayo sa talon. Hindi siya gaanong kalayuan. Mga kalahating oras lang ang biyahe," sagot ni Luna. "Pagbalik nina inay, doon tayo aalis," sinulyapan ni Luna ang bilog na orasang nakasabit sa dingding ng sala. "Mag aalas-onse na pala. Kumain na muna tayo. May luto ng pagkain sa kusina."

"Nasaan nga pala ang mga magulang at kapatid mo?"

"Nasa bukid sila ng ganitong mga oras. Kapag ganitong anihan, abala sila masyado sa pag-aasikaso sa bukid. Pero matapos silang makapananghalian doon babalik sina inay dito sa bahay para maghanda naman ng pang-miryenda ng mga tauhan."

"Masipag pala magluto ang nanay mo. Buti kaya n'ya maghanda ng pang-maramihan," pahayag ni Marvin.

"May mga kasama kami dito sa bahay. Sila ang talagang nag-aasikaso sa lahat. Si inay lang ang nagtuturo kung anong dapat gawin. Pero lahat sila ngayon ay nasa bukid. Pagsumasapit kasi ang anihan, halos lahat ng tao ay nasa bukid."

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon