Chapter 24

1.3K 69 11
                                    

Nagulat si Luna sa malakas na kalabog na kaniyang narinig.

Ano iyon? Tanong niya sa isip sa biglang pagmulat ng maga niyang mga mata. Nang muli niyang masilayan si Marvin sa kaniyang tabi, doon niya naisip na nakatulog pala siya - dala marahil ng pagod sa pag-iyak. Binitiwan ni Luna ang kamay ng binata at dahan-dahang umupo.

Napatingin si Luna sa bukas na bintana at napansin ang dumidilim na paligid. Hindi niya mawari kung makulimlim lang ang panahon o dapit-hapon na. Nabigla na lamang siya nang pagtingin niya sa bilog na orasang nakasabit sa dingding, nakatutok ang maliit na kamay ng orasan sa sais.

Ala sais na?

Napabalikwas siya nang muling marinig ang kalabog. Batid niyang ito'y nanggaling sa katabing kuwarto kung kaya't agad siyang lumabas at tinungo ang silid ng mga babaeng kaibigan.

Kilabot ang gumapang sa katawan ni Luna nang makita niya mula sa pintuan ang paglapag ni Isko sa kaibigang si Sabel sa nakalatag na puting kumot sa sahig.

"Layuan mo siya! Layuan mo ang kaibigan ko!" sigaw ni Luna sabay sugod sa binata.

Tila ba hindi nabigla si Isko sa biglang pagdating ni Luna at sa galit na tinig nito. Para bang inasahan na niya ang pagdating at reaksyon ng dalaga.

Nang makalapit si Luna kay Isko, itinulak niya ito.

"Sinabi nang lumayo ka!" Nang hindi natinag ang binata sa kinatatayuan, muling inilapat ni Luna ang mga galit na kamay sa dibdib ni Isko.

"Wala kang karapatang galawin ang mga kaibigan ko!" nanggigigil na sabi ni Luna. Hindi niya tinigilang itulak si Isko hanggang mailayo ito.

"Tama na, Luna!"

Nabigla si Luna sa pasigaw na tugon ni Isko.

"Tama na!" pigil na galit na sabi ni Isko. Mahigpit niyang hinawakan ang galang-galangan ni Luna na siyang nagpahina sa mga kamay ng dalaga. "Hindi ko gustong mapahamak ang mga kaibigan mo. Pero anong magagawa ko? Ako ang napag-utusan ng itay mo. Sumusunod lang ako sa utos niya." madiin niyang wika.

Ang matalim na tingin ni Luna ay unti-unting lumamlam sa narinig na paliwanag.

Ang itay... sabi niya sa isip, at bigla siyang nakaramdam ng panghihina.

Dahil dito, unti-unting lumuwag ang mahigpit na hawak ni Isko sa kaniya. Sa pagtitig ni Luna sa mga mata ng binata, pumatak ang kaniyang mga luha.

"Lu – Luna," madamdaming sambit ni Isko, at tuluyan na niyang binitiwan ang kamay ng dalaga.

"Ako na lang, Isko – Ako na lang – ang dalhin mo – sa itay," mahinang sabi ni Luna sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.

"Hindi pwede, Luna. Hindi ako papayag," bulong ni Isko.

Hinaplos niya ang malungkot na mukha ni Luna at marahan niyang binalot ang dalaga sa kaniyang malakas na bisig.

Tila ba nawala ang galit ni Luna sa binata, at hinayaan na lamang niya ang pagyakap nito. Hinayaan niyang lumapat ang kaniyang basang pisngi sa malapad na dibdib ni Isko. Sa pagkakataong iyon, naramdaman niya ang tapat na simpatya ng lalaki. Sa pagkakataong iyon, tila ba nakahanap siya ng kakampi sa katauhan ni Isko. Sa maikling sandali, lumukob ang katahimikan.

"Tulungan mo ako, Isko," bulong ni Luna. "Tulungan mo ako."

"Ngunit," pag-aalinlangan ng binata. "Paano?" hinaplos niya ang likod ni Luna at idinikit ang mukha sa mabangong buhok nito.

"Tulungan mo akong itakas ang mga kaibigan ko," tumingala si Luna at tumitig sa mga gulat na mata ng binata. Nang hindi umimik si Isko, muling yumuko si Luna at isinubsob ang mukha sa dibdib nito. "Paki-usap... nakikiusap ako. Handa akong suklian ng kahit anong hilingin mo ang pagtulong na ito."

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon