Chapter 14

1.5K 75 13
                                    

Ikaw ang ligaya ko, panaligan mo, O giliw ko
Ngayon at kailan pa man
Ang aking pag ibig, di magbabago

Ang kundimang awiting ito ang bumungad kina Luna sa pintuan ng kusina. Bumitiw siya kay Marvin pagkapasok ng kusina, ngunit  nakita niya ang mabilis na mata ni Tina na tila ba napansin ang pangyayari. May kabang pumasok sa kaniyang dibdib, nag-aalalang baka magalit sa kaniya ang kaibigan dahil sa nakita.

"Naku, ang tagal n'yo," wika ni Sabel kina Luna at Marvin habang papalapit. Walang kamalay-malay ang tatlo sa saglit na gulong kinasangkutan nina Luna sa labas. "Mauubos na ni Randy ang pagkain. Hi, Lino. Happy birthday," bati ni Sabel ng mapansin si Lino na pilit nagtatago sa likuran ng kapatid.

"Appy ber–dey!" sabi ni Randy habang sumusubo ng kanin. Samantalang si Tina ay ngumiti lamang sa bata.

Biglang tumakbo papuntang sala si Lino.

"Lino!" ang tanging nasambit ni Luna.

"Uy, ma–po na kyo. K–main na ta–yo," pag-aaya ni Randy habang ngumunguya.

"Kumain? Eh kanina ka pa kumakain d'yan," sabat ni Sabel sabay tapik sa braso ng kasintahan.

"Sige, mauna na kayo. Maya-maya na ako. Sasabay na lang ako kina inay," tugon ni Luna. "Teka at pupuntahan ko lang ang kapatid ko."

Tinungong ni Luna ang sala ngunit wala roon ang kapatid. Ang naabutan lamang niya roon ay si Rita na abala sa pagpupunas ng lamesita sa gilid ng sofa. Lumabas siya sa beranda at nakitang naglalakad palabas ng bakuran si Lino.

"Lino!" sigaw ni Luna.

Huminto ang bata at lumingon. At si Luna nama'y lumakad ng mabilis patungo sa kapatid.

Nang marating ni Luna ang kinaroroonan ni Lino, kinuha niya ang kamay ng bata at marahan itong hinila papunta sa lilim ng mga ipil-ipil.

"Lino, pasensiya ka na sa nangyari kanina," panimula ni Luna. Yumuko siya at pinagmasdan ang malungkot na mukha ng kapatid. "Alam kong natakot ka sa inasal ko," bumuntong hininga ang dalaga. "Nagulat lang kasi ako sa sinabi sa'yo ni Isko. Yung tungkol sa butong ibinigay niya sa'yo? Um... Naniwala ka ba sa sinabi niya? Yung..." hindi magawang ituloy ni Luna ang gustong sabihin.

"Yun nanay ko daw yon?" inosenteng tanong ni Lino. "Di man toto yon. E pano manyari yon e tampu pa daliri ni nanay. Taka, tawa-tawa pa nga ti kuya Itko nun tabi nya takin yon eh. Di ba biro lan yon?" nalilito niyang tanong.

"Ah, oo. Nagbibiro lang sya," alanganing sagot ni Luna.

"Eh bat ka galit kanya? Nitulak mo pat ya?"

"Ha? Eh kase," tumingin sa malayo si Luna.

"Ambait naman kuya Itko ah. Nibigyan nya pa ko galo, oh." Muling ipinakita ni Lino sa kapatid ang hawak na laruan.

"Oo, mabait naman," mahinang tugon ni Luna nang siya ay muling tumingin sa kapatid. "Pero 'wag ka basta-basta maniniwala sa mga sinasabi niya ha? Kasi mahilig magbiro 'yon. Hindi totoo yung mga iba niyang sinasabi."

"Oh, bakit nariyan kayo?"

Lumingon si Luna sa kaniyang likuran at nakita ang mga magulang. Hindi niya napansin ang kanilang pagdating dahil sa lumilipad niyang isip.

"Nariyan na ho pala kayo," bati ni Luna. Tumayo siya ng maayos at hinarap ang mga magulang.

Tinanggal ng kaniyang ama ang soot na salakot at pinunasan ng kamay ang noong puno ng pawis. "Tayo na sa loob at mainit dito."

Sabay-sabay na bumalik ang apat sa bahay.

"Rita!" sigaw ni Barbara pagpasok ng beranda. "Rita!" Tinanggal nito ang soot na salakot at ipinaypay sa kaniyang nangingintab na mukha. Samantalang naupo naman sa mahabang bangko sina Lino at Berto.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon