Chapter 26

1.3K 59 10
                                    

"Delikado ang plano mo, Luna," balisang sagot ni Nina. "Maaaring mapahamak ang mga kaibigan mo kung isasakay mo sila ng bus sa ganito nilang kalagayan," sabay na tiningnan ng magkapatid ang mga walang malay na pasahero ni Luna. "Hindi ka nakakasiguro kung mabuting tao ang kundoktor at driver ng bus, ganun din ang mga pasaherong sasakay. Paano na lang kung..." hindi na itinuloy ni Nina ang nais sabihin.

Naisip ni Luna ang tinutukoy ng kapatid. Wala na siyang nagawa kung hindi ang huminga ng malalim at saglit na manahimik. Ngunit hindi rin nagtagal at muling nagsalita si Luna.

"Ate, paano ka nakarating dito? Nag bus ka ba?" usisa n'ya.

"Hindi. Nirentahan ko ang sasakyan ng kakilala ko. Yung mini van na nasa kabilang kalsada," itinuro ni Nina ang nakaparadang itim na sasakyan na nasa ilalim ng puno. "Yun ang dala ko."

Tumango si Luna at muling nakaisip ng plano.

"Ate, ganito na lang. Bantayan mo na lang dito ang mga kaibigan ko at ako na lang ang babalik sa barrio upang hanapin si inay gamit ang sasakyan mo."

"Ha?" gulat na tugon ni Nina. "Paano na lang kung may makakita sayo –"

"Ate," pagpuputol ni Luna. "Walang nakakaalam ng pagtakas ko sa barrio kun'di si Isko lang. Kaya kahit may makakita sa akin –"

"Hindi ka nakakasiguro!" mariing pagtutol ni Nina. "Paano kung may nakadiskubre na ng ginawa mo? Hindi malayong malaman yon agad ng buong barrio. At sabihin mo nga sa akin? Paano mo hahanapin ang inay?"

Naisip ni Luna ang malaking punto ang kapatid. Paano nga naman niya hahanapin ang ina, gayong noong umalis siya ay wala siyang ideya kung nasaan ito. Paano nga kung may nakaalam na ng ginawa niya? Paano kung walang nagawang paraan si Isko para sa Lunayin – na hindi malayong mangyari? Paano na si Isko? At paano na rin ang kanilang ina?

"Hindi rin malayong pinaghahanap ka na rin ng mga tao ngayon, at ang mga kaibigan mo" dagdag ni Nina sabay tingin sa paligid. "Mas mabuting lumayo na tayo ngayon dito."

"Pero paano si inay?" pag-aalalang tanong ni Luna.

"Tawagan mo si Isko at –"

"Pero," pagpuputol ni Luna. "Hindi ko alam ang telepono n'ya. Sa taranta ko kanina, ni hindi ko man lang nagawang kunin ang numero n'ya. Pero nangako siya sa akin na tatawagan n'ya ako sa susunod na araw upang balitaan ng tungkol kay inay."

Huminga ng malalim si Nina. "Wala na tayong magagawa pa sa ngayon kun'di ang pagtiwalaan ang pangako sa'yo ni Isko. Hintayin na lang natin ang tawag n'ya at ipanalanging mahanap at maitakas n'ya ang inay." Muling sumulyap si Nina sa paligid. "Halika na. Kailangan na nating umalis. Sundan mo na lang ang sasakyan ko."

Muling binuhay ni Luna ang makina ng sasakyan. Nang sumampa sa kalsada ang mini van ni Nina at unti-unting umusad, sinundan ito ni Luna.

Doon naisip ni Luna'ng sa kabila ng dinaranas niya sa gabing iyon, mapalad pa rin siya dahil kasama niya ang kaniyang ate sa panahong kinakailangan n'ya ng karamay. Nagpapasalamat siya't ang daang tinahak niya palayo ng barrio ay naglandas sa muling pagkikita nilang magkapatid.

Binaybay nila ang daan na karaniwang tinatahak ng mga bus patungong Maynila. Makalipas ang isang oras, bumagal ang takbo ng mini van at ng pick-up. Huminto sila sa tapat ng isang bukas na tindahan. Bumaba ng sasakyan si Nina at pinuntahan si Luna na nanatili sa loob ng pick-up.

"Bakit tayo huminto dito, ate?" tanong ni Luna nang buksan niya ang bintana ng pick-up at dumungaw mula rito si Nina.

"Bibili lang ako ng alak," sagot ni Nina habang nakatayo sa labas ng sasakyan ni Luna.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon