Chapter 36

1.3K 66 14
                                    

Alas diyes ng umaga. Ikatlong araw matapos ang gabi ng pagtakas ni Luna sa barrio. Hindi mapakali si Nina sa kinauupuan habang hinihintay sa terminal ang bus na sasakyan pababa ng Baguio. Ang kaniyang mga mugtong mata ay palipat-lipat ng tingin sa kaniyang telepono at sa mga sasakyang dumarating.

Biglaan ang alis niyang iyon. Dapat ay kinabukasan pa ang balik niya sa Pangasinan kasama ang amo, ngunit napaaga nang siya'y magpaalam sa amo dahil sa isang masamang balitang kaniyang napag-alaman.

Matapos mag-agahan nang araw na iyon, sinubukang tawagan ni Nina ang kasambahay nilang si Lisa sa barrio. Kahit makailang beses ng nagpalit ng numero si Nina, hindi pa rin niya binubura ang mga dati ng nakalistang numero sa kaniyang telepono.

Noong una, nagdalawang isip pa si Ninang kausapin si Lisa.

Tama bang kausapin ko si manang Lisa? Hindi kaya mapahamak lalo ang pamilya ko sa gagawin kong ito? Paano kung may makaalam sa pag-uusap namin ni manang at isumbong iyon kay mang Tonio – sabihing tumawag ako't nagtatanong sa lagay ni inay, maaaring parusahan nila ang pamilya ko't si manang Lisa. Siguradong alam na ng lahat ngayon sa barrio na tumakas kami ni Luna. Maaaring isipin nilang ang pakikipag-ugnayan ko ay para kumbinsihin ang inay sa pagtakas gaya ng ginawa namin ni Luna. At dahil don, maaring mapahamak ang inay ko't madamay sina manang... Pero paano ko naman makukumpirma ang tungkol kay inay kung hindi ko ito gagawin?

Dahil sa kabang dulot na hatid ng sulat ng kaniyang ina – Ang sulat na may petsang Disyembre noong nakaraang taon. Ang sulat na itinago ng dating kasera ng bahay sa dating tinutuluyan niya sa Baguio. Ang sulat na iniabot sa kaniya ng kaserang iyon na sinadya niyang puntahan upang magbayad sa matagal na niyang utang dito. At ang sulat na kagabi lamang niya nabasa – at dahil sa mensahe ni Luna kagabi tungkol sa pagsama nito kay Isko upang puntahan ang ina sa Laguna, minabuti niyang lakasan ang loob upang tawagan si Lisa at makibalita sa kaniyang ina.

Ang liham ng kaniyang ina ay nagsasaad ng labis na kalungkutan sa desisyon ni Ninang hindi na muling bumalik pa sa Lunangayin dala ng malaking galit sa ama. At ang hindi pag-uwi ni Nina noong nakaraang pasko ay nagpatibay sa pagnanais nitong tuluyan nang lumayo.

Napakalaki ng galit ni Nina sa ama na hindi niya magagawang mapagbigyan ang hiling ng ina sa sulat nito na patawarin ang ama. Para bang muling nabuhay ang poot sa kaniyang puso sa mga sandaling iyon. Ngunit nang mabasa ni Nina ang ikalawang pahina ng liham, unti-unti namang binalot ng labis na kalungkutan ang kaniyang puso.

Inilahad ni Barbara ang pagsalungat nito sa plano ng anak na itakas siya sa barrio, sa kabila ng mga nabuong plano ni Nina – na sinabi niya sa ina noong huli silang nag-usap sa telepono. Malinaw na inihayag ni Barbara sa liham ang nais nitong manatili sa Lunangayin at ipagpatuloy ang pamumuhay sa barrio kasama si Berto. Sa kabila ng paninindigan ni Berto sa hindi makataong tradisyon, patuloy pa ring susuportahan ni Barbara ang asawa sa mga desisyon nito kahit labag pa sa kaniyang kalooban. Hindi iyon dahil sa obligasyon niya bilang asawa. Iyon ay dahil lamang sa lubos na pagmamahal niya sa asawa.

Matapos mabasa ni Nina kagabi ang sulat ng ina, agad niyang tinawagan si Luna. Ngunit bigo siyang makausap ang kapatid dahil sa hindi nito pagsagot sa kaniyang mga tawag. Nais niyang sabihin kay Luna na hindi magagawang itakas ni Isko ang kanilang ina dahil sa desisyon nitong manatili sa Lunangayin. Nais niya ring sabihing huwag ng umasa ang kapatid na matutupad ni Isko ang pangako nito sa kaniya.

Ngunit nang makatanggap siya ng mensahe kay Luna na nagsasabing kasama niya sa mga sandaling iyon si Isko upang puntahan ang ina sa Laguna, siya'y labis na nabigla. Hindi niya alam kung paniniwalaan ba ang mensaheng iyon ng kapatid. Puno ng pagdududa ang kaniyang isip. Sinubukan niyang tawagang muli si Luna sa mga sandaling iyon, ngunit tila ba nakasara na ang telepono ng kapatid at hindi niya ito matawagan.

Kinaumagahan, nang hindi pa rin makontak ni Nina ang kapatid, bigla na lamang pumasok sa kaniyang isipan na tawagan si Lisa sa barrio. Bagama't isa itong mapangahas na hakbang na maaaring magdulot ng kapahamakan sa kaniyang pamilya at sa pinagkakatiwalaang kasambahay, ito lamang ang nakikita niyang paraan upang malaman ang kalagayan ng ina. Kaya naman matapos ang matamlay na agahan, naglakas loob siyang kausapin si Lisa.

Parang nilukuban ng unos ang nadurog na damdamin ni Nina nang malungkot na ibinalita ni Lisa ang tungkol sa hindi inaasahang pagpanaw ng kanilang ina at ang buong detalye nito. Sa isang iglap, tumigil sa pag-inog ang mundo ng dalaga. At nang kaniya namang malaman ang masamang nangyari sa ama, ang puso niyang pinatigas ng poot ay tila nalusaw sa awa, at ang tinatagong pagmamahal sa ama'y unti-unting sumibol ng madiligan ng luha.

Ayon kay Lisa, dala ng labis na hinagpis, pagod at hindi pagkain sa loob ng ilang araw na lumipas, bumigay ang katawan ni Berto. Nung umagang iyon, natagpuan niya at ni Rita ang amo na walang malay na nakabulagta sa sahig ng kaniyang silid. Agad nilang tinawag ang manggagamot sa barrio – na ang tanging alam ay magbigay ng lunas sa mga sakit gamit ang mga halamang gamot at tradisyunal na paraan. Ang sabi ng naturang manggagamot, kapag hindi tumugon ang katawan ni Berto sa mga binigay na pangunahing lunas, kinakailangan na raw itong dalhin sa ospital.

Hindi na napigilan ni Nina ang sariling sumuko sa labis na kalungkutang hatid ng masamang balita. Bumuhos ang luha sa kaniyang kandungan matapos maibaba ang telepono't kausapin si Lisa sa maikling sandali. Dala nang takot ng kasambahay na mapahamak sa maaaring idulot ng pakikipag-usap niya kay Nina, sinabihan niya itong huwag nang muling tumawag sa kaniya.

Sa mga oras na iyon, nais ni Ninang umuwi ng barrio't makita ang kalagayan ng pamilya. Nais niyang masilip ang kundisyon ng kaniyang ama, ang kalagayan ng naiwang kapatid, at ang puntod ng kaniyang ina sa yungib ng Nayin. Nais niyang ipagluksa ang mga masamang naganap sa piling ng mga taong mahalaga sa kaniyang buhay. Ngunit paano? Tiyak niyang isang kapahamakan lamang ang nag-hihintay sa kaniyang pagbabalik. Batid niya ang nakaabang na panganib dala ng kataksilang ginawa niya sa Lunangayin at sa kaniyang pamilya.

Muling pinindot ni Nina ang numero ni Luna, ngunit bigo pa rin siyang matawagan ito.

'The number you have dialed is not in service...' iyon ang paulit-ulit na tugon sa bawat subok ni Ninang tawagan ang kapatid.

Luna! Nasaan ka na?

Habang tumatagal, bumibilis ang kaba sa kaniyang dibdib. Lumalakas ang kutob niyang may hindi magandang nangyayari sa kapatid.

Si Isko!

Si Isko ang dahilan ng pagkamatay ng kaniyang ina at dahilan ng masamang kalagayan ng kaniyang ama. Si Isko na tumulong kay Luna at sumagip sa mga kaibigan ng kapatid ay naging bayani naman sa paningin ni Luna. Si Isko na ngayon ay kasama ng kapatid, ay ang totoong panganib na dapat malaman ni Luna. Ngunit paano?

Makalipas ang ilang saglit, dumating na ang bus na hinihintay ni Nina. Sumakay siya ritong hindi alam ang susunod na gagawin.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon