Chapter 42

1.3K 58 15
                                    

Sa malaking kamalig, habang nakaupo't nagpapahinga si Tonio sa silyang tumba-tumba, pumasok si Karding na may malaking ngiti sa mukha.

"Magandang hapon ho, Mang Tonio," bati nito sa amo.

"Oh ikaw pala, Karding," sagot ni Tonio. "Anong kailangan mo?" patuloy siya sa pag-ugoy ng upuan. Ang malaki niyang mga paa, suot ang maruming tsinelas, ay tuloy lang sa pagpadyak sa sementong sahig.

"Eh, ibabalita ko lang sa inyo yung lagay ni Berto," sabi ni Karding sabay nguya ng paborito niyang nganga.

"Oh, ano na nga pa lang lagay niya?" bumagal ang pagduyan ng upuan ni Tonio.

"Magandang balita," masayang panimula ni Karding. "Mukang hindi magtatagal at susunod na rin si Berto sa asawa niya."

"Karding!" mariing wika ni Tonio sa mahinang tinig. Napatigil siya sa pag-ugoy ng kaniyang silya. "Hinaan mo ang boses mo! Baka may makarinig sa'yo!"

"Ah, eh, pasensiya na ho," pakamot-ulong paumanhin ni Karding. "Nabigla lang ako sa tuwa. Biro n'yo, umayon ang tadhana para sa'tin. Sino bang mag-aakalang mauuwi sa ganito ang lahat. Ang plano lang natin nung una ay ang mapaalis si Isko. Tapos ngayon –"

"Tumigil ka!" inis na sabi ni Tonio sabay tayo sa kinauupuan. Muling pumasok sa kaniyang isipan ang mga bagay na pinagplanuhan nila ng kapatas niyang si Karding.

Si Tonio ang nagsuhestiyon kay Berto upang atasan si Isko para sa pagkuha ng Lunayin sa kanilang bahay at pagbihag sa mga natirang kaibigan ni Luna. Naisip ni Tonio'ng dahil sa pagtingin ni Isko kay Luna, hindi magagawa ng binatang tanggihan si Luna oras na humingi ito ng tulong upang itakas ang kaniyang mga kaibigan. At iyon ang magiging dahilan upang maisipan rin ni Isko'ng tumakas na rin sa barrio – iyon ang orihinal na gustong mangyari ni Tonio. Ngunit ang planong iyon ay maaaring mangyari lamang kung mananatiling gising si Luna (upang siya'y makahingi ng tulong kay Isko) at hindi mapapainom ng mintam.

Naging pabor ang lahat sa plano ni Tonio nang hindi napainom ng pampatulog si Luna. Ang impormasyon ukol dito ay napag-alaman niya kay Karding na pinsan ni Rita.

Ang pagtatagal ni Isko sa tahanan nina Berto upang kunin ang Lunayin noong gabi ng pag-aalay ay naging hudyat upang isakatuparan na nina Tonio ang plano. Pinapunta n'yang mag-isa si Karding kina Berto upang maaktuhan si Isko sa pagtulong nito kay Luna. Bagama't hindi naabutan ni Karding ang pagtakas ni Luna kasama ang mga kaibigan nito, nahuli naman niya ang balak ni Isko'ng itakas si Barbara.

Dala ng takot, kaba at taranta ni Isko, napaamin siya ni Karding sa ginawa niyang pagtulong kina Luna. Ito ang nakitang pagkakataon ni Karding upang takutin si Isko sa parusang naghihintay sa ginawa niyang kataksilan. Tagumpay ang plano nina Tonio nang tumakbo't tumakas si Isko ng mag-isa. Ang pag-iwan sa kapatid nitong si Juan ay kasama rin sa balak ni Tonio, kaya naman sinadya ni Angela ang pagkuha kay Juan at pagdala nito sa kanila.

Ngunit ang pagiging Lunayin ni Barbara ay hindi kailanma'y magagawang iutos ni Tonio. Ito'y solong pakana lamang ni Karding. Ang buong akala ni Tonio nang makita ang nakabalot na Lunaying dinala ni Karding sa bukid ay, ito'y isa sa mga kaibigan ni Luna na matagumpay na nakuha ni Karding na hindi naisama sa pagtakas nina Luna.

Matapos isagawa ang pag-aalay, doon kinausap ni Karding ang kaniyang amo at ipinaliwanag ang kaniyang ginawa. Hindi makapaniwala si Tonio sa sinabi ni Karding. Sa mga sandaling iyon, galit ang naramdaman ni Tonio sa kapatas. Gusto niyang kitilin ang buhay ni Karding upang pagbayaran ang kahindik-hindik na ginawa nito sa asawa ng kaibigan. Ngunit dahil sa napakalaki ng pakinabang niya sa taong iyon – na siyang katiwala niya sa malawak niyang bukirin – hindi niya nagawang saktan ang kapatas. Pinigilan niya ang poot na gustong kumawala sa kaniyang dibdib.

Paliwanag ni Karding: nang tumakbo si Isko't makita niyang walang malay si Barbara sa sofa, nakita niya ang oportunidad na iyon upang gawing Lunayin si Barbara, yaman rin lang na nakatakas na ang dapat nilang ialay sa gabing iyon.

"Dapat ka pa ngang matuwa sa ginawa ko," pagmamalaki ni Karding kay Tonio noong gabi ng kanilang pag-uusap matapos ang pag-aalay. "Dahil tiyak, ang kamatayan ni Barbara ay magiging napakalaking dagok sa buhay ni Berto. Malaki ang posibilidad na hindi kayanin ni Berto ang mga nangyari sa buhay niya at mas gugustuhin na lang niyang mamatay na rin. Ayaw mo ba non? Pag namatay siya sa'yo na mapupunta ang ari-arian ng pamilya niya dahil wala ang mga anak niya. Tiyak namang sa'yo mapupunta ang karapatang alagaan ang bunso nina Berto dahil kahit pa sabihing malayo kayong magkamag-anak eh kadugo mo pa rin si Berto. Dapat lang na sa'yo mapunta si Lino. At dahil don, siguradong sa'yo na ang ari-arian ng pamilya ni Berto."

Malaki ang punto ni Karding. Kaya nga nila pinlano ang paglisan ni Isko sa barrio ay dahil sa gusto ni Tonio'ng maangkin ang malawak nitong lupain na mas malaki pa sa kaniyang ari-arian. Dahil sila ang kumupkop sa magkapatid noong namatay ang mga magulang nila, sa porder lamang nila nararapat mapunta ang naiwang kapatid ni Isko. At dahil don, walang kuwestiyong sila na ang kukuha ng mga ari-ariang naiwan ni Isko.

"Ano ba talaga ang sinadya mo rito," may bahid na ng galit ang tinig ni Tonio.

"'Wag ka namang magalit. Gusto ko lang naman ibalita ang lagay ni Berto," tugon ni Karding sabay dura ng katas ng nganga. "At saka... gusto ko lang ipaalala sa'yo yung pangako mo sa'kin. Yung parte ng lupang makukuha ko sa oras na magawa ko ang plano."

Huminga ng malalim si Tonio at saka muling nagsalita.

"Hindi mo na dapat inaalala 'yan. May isang salita ako. Tutuparin ko ang mga pangako ko sa'yo," ibinulsa ni Tonio ang kaniyang mga kamay. "Kung wala ka nang sasabihin pa, makakaalis ka na."

Nang makaalis si Karding, dahan-dahang lumakad palabas ng kamalig si Tonio. Palubog na ang araw, at ang kalangitan ay mistulang kahel sa katingkaran. Ang mga ibon ay biglang nagliparan nang biglang nagsayawan ang mga dahon sa puno dahil sa dagling pagdaan ng hangin.

Tumingala si Tonio, at pinagmasdan ang kalawakan. Doon, nagbalik tanaw siya sa kaniyang nakaraan. Naalala niya ang masasayang araw noong bata pa siya – sa tuwing lulubog ang araw sa bukirin na kasama niya sina Berto at iba pang mga kaibigan. Masaya silang naglalaro at naghahabulan sa pilapil kahit pa tagaktak ang pawis sa kanilang katawan.

Ngunit ang mga kasiyahang iyon ay matagal nang naglaho. Sa nagdaang panahon, marami nang nagbago. Hindi man niya iyon maibabalik, mananatili iyon na nakaukit. Sa puso't isipan niya'y hindi maaalis.

Sa muling pag-ihip ng hangin, ibinulong ni Tonio,

"Mapatawad n'yo sana ako, Barbara... Berto... hindi ko sinasadya..."

Mapayapa ang kalangitang nakatanaw sa nagsisising si Tonio.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon