Chapter 16

1.5K 68 12
                                    

Ang tradisyon sa Lunangayin ay nagsimula mahigit limampung taon na ang nakalipas. Ito ay pinamunuan ng mga angkan na nagmamay-ari ng malalaking lupain sa barrio. Nabibilang dito ang pamilya nina Luna, Isko, mag-asawang Tonio at Angela, at mga malalapit nilang ka-anak. Ang mga magsasakang tauhan sa bukid ay may partisipasyon din sa tradisyon. Sa mga ordinaryong taon, sila ang nakatakdang mag-alay ng Lunayin. Kapalit nito ang masaganang pamumuhay ng kanilang pamilya sa loob ng buong taon. Ang kasaganahan sa pagkain, damit, pangunahing pangangailangan at kaunting luho ay ipagkakaloob ng may-ari ng lupang kanilang sinasaka.

Pinaniniwalaan na ang pag-aalay ng Lunayin ay nakakataboy ng kalamidad, salot, at kamalasan. Ayon sa kanilang mga ninuno, ang pagdidilig ng dugo ng mga Lunayin sa bukid ay paraan upang ang kanilang mga espirito ay kumapit sa lupain. Ito ang magsisilbing bantay laban sa mga likas na sakuna at mga hindi maipaliwanag o hindi likas na pangyayari.

Bawat taon, sa tuwing matatapos ang anihan sa tag-init, isang buhay ang iniaalay sa lupain ng barrio na tinatawag nilang Lunayin. Ang mga tinatakdang Lunayin ay mga babae lamang. Ang angking kakayahan ng mga babae na magbigay ng bagong buhay sa mundo ang nagsisilbing dahilan nito. Ang kaniyang dugo ay idinidilig sa isang bahagi ng lupa sa bukid, matapos nito ay papaagusin ang tubig ng irigasyon upang kumalat ang dugo sa tuyong lupa. Ang dugo nila ay itinuturing na pataba, na magpaparami at magbibigay ng magandang bunga sa mga ani.

Ayon sa salaysay ng mga matatanda sa barrio, nag-ugat ang tradisyon sa isang pangyayaring naganap noong gabi ng kabilugan ng buwan.

Isang gabi sa panahon ng tag-init, makalipas ang ilang araw matapos ang hindi masaganang anihan, mayroong isang babaeng naligaw sa barrio. Sa tahimik na bukirin, sa ilalim ng bilog na buwan, madirinig ang napakalakas niyang sigaw at nakakakilabot niyang ungol. Walang sinuman ang naglakas loob sa barrio upang lumabas at alamin ang nangyayari sa babae. Nanatili ang lahat sa kani-kanilang tahanan na tila ba takot sa maaaring idulot ng hindi pangkaraniwang nagaganap sa gitna ng bukirin. Matapos ang ilang oras, nang muling nanumbalik sa katahimikan ang paligid, dahan-dahang nagsilabasan ang mga kalalakihan at tahimik na tinungo ang gitna ng bukid. Bukod sa mga magsasaka, kasama rin doon sina Krisanto (ama ng lolo ni Berto), Isagani (ama ng lolo ni Tonio), Igme (ninuno ni Isko), at ilan pang nagmamay-ari ng lupain sa barrio. May mga dala silang sulo, sibat at gulok. Karaniwan sa mga ganoong oras, ang mga tao sa barrio ay mahimbing nang natutulog, ngunit sa pagkakataong iyon, nanatiling mulat ang kanilang mga mata at diwa.

Sa kalagitnaan ng bukid, natagpuan nila ang isang babaeng walang buhay na nakahandusay sa lupa. Pinalibutan nila ito. Sa paglapit ng mga sulo sa katawan ng babae, kagulat-gulat na imahe ang tumambad sa kanila.

Duguan ang nakatihayang babae. Mulat ang kaniyang mga mata na tila ba pinagmamasdan ang bilog na buwan. Ang kaniyang mga maruming daliring kumahig sa lupa ay para bang naghahanap ng makakapitan. Ang kaniyang paggapang habang lumalabas ang dugo sa katawan ay bakas sa mahabang bahid ng dugo sa lupa. Isang maliit na nilalang na wala ring buhay ang kanilang natagpuan sa pagitan ng mga binti ng babae. Ang pusod nitong nakapalupot sa kaniyang leeg ay nakakabit pa sa pwerta ng ina. Ang babae ay isang buntis na naabutan ng hirap na panganganak sa gitna ng bukirin.

Masuka-suka ang ilang kalalakihan sa nasaksihan. Ang iba ay lumayo, nagtakip ng ilong, ngunit ang iba naman ay lumapit ng husto upang ang babae ay makita ng wasto. Hindi pamilyar ang mukha ng babae. Ang maputi nitong balat ay hindi natutulad sa mga morenong kulay ng mga tao sa Lunangayin. Ang babae ay napapadpad lamang, ngunit hindi nila matanto kung paano iyon napunta sa kanilang tahimik na lugar na malayo sa siyudad.

Ang Lunangayin ay hindi nasasakop ng kahit anong distrito. Ang lugar na ito ay tago, at ang pangalang Lunangayin ay hindi nakarehistro sa mapa. Walang nakakaalam dito kun'di ang mga taga rito lamang na binubuo ng maliit na populasyon. Kaya naman isang palaisipan ang pagpadpad ng babaeng iyon sa kanilang barrio.

Pinamunuan ni Krisanto ang pag-uutos sa pagsasaayos ng bangkay ng babae at ng sanggol nito. Ibinalot sa magkahiwalay na kumot ang mga patay at ito'y itinabi, habang ang dugo na nagmantsa sa lupa ay pinaagusan ng tubig galing sa tangkeng kahoy na imbakan – na ginagamit sa irigasyon. Sa kagustuhang malinisan ang lupa, maraming tubig ang tinapon.

Isinuhestiyon ni Isagani ang maagang preparasyon para sa susunod na taniman. Upang hindi maaksaya ang naubos na tubig sa imbakan, minungkahi niya ang tuluyang pagbasa sa buong kabukiran. Ito ay paraan upang ihanda ang lupa para sa pagbubungkal.

Sinang-ayunan ito ng mga may-ari ng bukirin at mga magsasaka. Kaya naman kinabukasan, bago pa man sumikat ang araw, nakahanda na sila sa gagawing preparasyon. Habang abala ang mga tao sa bukid, si Krisanto at ang apat na magsasaka ay patungo naman sa yungib ng Nayin. Doon nila ililibing ang labi ng mag-inang namatay.

Ang yungib ay nasa liblib na parte ng bundok Nayin. Masukal ang daan patungo rito, kung kaya't nasisiguro nina Krisanto at iba pa na maililihim ang paglibing sa babae at sanggol na namatay sa bukirin. Ang desisyong itago ang mga bangkay ay napagkasunduan sa kadahilanang hindi nais ng mga taga barrio na maakusahan sila ng masama o kung ano man. Dahil sa oras na madiskubre ang mag-ina – na namatay sa Lunangayin – ng mga awtoridad o mga taong puspos ang paghahanap dito, kapahamakan lamang maaaring idulot nito sa kanila.

Pinasok nina Krisanto ang madilim na yungib. Tanging ang sulong hawak niya at ng isa pang kasama ang siyang nagbibigay liwanag sa paligid. Ang maluwag at malamig na kweba ay may sahig na lupa. Angkop para sa kanilang pakay.

Hinukay nila ang lupa sa bandang gitna ng yungib, nang ito'y may naaayong lalim na, sinimulan na nila ang pagsasaayos sa mga labi. Dahan-dahang inilapag ang katawan ng inang nakabalot sa madugong kumot na dinoble ng banig. At sa ibabaw nito, ipinatong ang kaniyang sanggol. Habang sila'y tinatabunan ng lupa, nagtulos si Krisanto ng dalawang kandila sa may malaking batong malapit dito.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon