Chapter 44

1.3K 66 26
                                    

Makalipas ang dalawang linggo.

Malungkot na nakatayo si Aling Bising sa tabi ng bukas na bintana ng kaniyang kubo. Pinagmamasdan niya ang mga ibong palipat-lipat ng pagdapo sa mga sanga ng malaking puno ng acacia.

Mataas na ang araw. Mainit sa balat ang buga ng hangin, ngunit tila ba hindi nito mapawi ang nanlalamig niyang damdamin.

"Oh, bakit ka malungkot?"

Nilingon ni Aling Bising ang taong nagsalita sa kaniyang likuran, sabay hawak sa kamay nitong dumapo sa kaniyang balikat.

"Ah, eh," paos na sagot ni Aling Bising. "May naalala lang ako... Kung buhay lang sana..." hindi niya maituloy ang nais sabihin. "Gusto ko sanang makapiling ang apo ko," bumuntong hininga ang matanda. "Pero alam mo, sa kabila ng mga nangyari, nagpapasalamat pa rin ako't narito ka sa tabi ko."

"Nagpapasalamat rin ako na magkasama na tayo. Pero huwag kang mag-alala, darating ang panahon na makakapiling din natin si Juan. Gagawa ako ng paraan para magkasama-sama tayo."

Bahagyang ngumiti si Aling Bising sabay haplos sa pisngi ng kausap.

"Mabuti at natutuyo na ang sugat sa ulo mo, apo. At mabuti't hindi na nagsasakit ang ulo mo nitong mga huling araw. Magaling ang mga doktor na gumamot sa iyo. Tuluy-tuloy na ang pag-galing mo," wika ni Aling Bising.

"Oo nga, lola," tugon ni Isko.

Nang muling mag-awitan ang mga ibon, sabay na tinanaw ng mag-lola ang mga ito sa puno ng acacia.

* * *

Seryosong nanonood sina Luna at Nina ng balita sa TV sa loob ng bus. Malapit na sila sa Maynila, at malapit na rin silang bumaba.

Reporter (Mahaba ang mukha, payat, morenong lalaki na may katangkaran, edad na hindi bababa sa tatlumpung taong gulang):  Narito tayo sa isang liblib na barrio na kung tawagin ay Lunangayin. Sa likuran ko, makikita ang mga kapulisan at ang dalawamput-anim na katao na kanilang inaresto dahil sa mga krimeng kanilang nagawa sa mahabang panahon. Napag-alaman natin na sa lugar na ito, kada taon daw, isang buhay ang isinasakripisyo upang i-alay sa bukirin. Ito raw ang tradisyon na ginagawa sa tuwing sasapit ang kabilugan ng buwan sa tag-init. Nakakakilabot, pero ito raw ang nagpapasagana sa kanilang ani, at nagliligtas sa kanilang lugar mula sa mga kalamidad. At ang pasimuno't nag-uutos daw upang ito'y gawin, ay ang kanilang pinuno na kilala sa tawag na Mang Tonio.

Makahulugang sumulyap si Luna sa kapatid na katabi niya sa upuan. Naalala niya ang ekspres na sulat na ipinadala ni Nina sa pamilya ng kaibigan nitong si Mariel, at sa dati nitong Dean sa pinasukang Unibersidad sa Maynila, at ganoon din sa pinuno ng kapulisan sa munisipyo ng Pagudpud  – sampung araw nang nakalipas. Ang hakbang ng kapatid na isumbong ang nalalaman sa mga awtoridad at nararapat na pagsabihan ay paraan ni Nina upang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kaniyang kaibigan at ng minamahal na ina.

Ang huling mensaheng natanggap ni Nina mula kay Lisa (bago tuluyang pinutol ng kasambahay ang kanilang ugnayan – tungkol sa ama nilang nagpatiwakal sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili) ang nag-udyok sa dalaga upang ipagbigay-alam na sa kinauukulan ang kasamaan ng tradisyong ginawa ng mga tao sa Lunangayin. Nais na niyang ito'y mawakasan.

Reporter: (Lumapit ang reporter sa pinuno ng mga pulis): Sir, paano n'yo ho nalaman ang tungkol sa di-umano'y krimen ng mga taong ito?

Pulis (Maitim, singkit, maskulado, nasa edad apatnapung taong gulang pataas): May natanggap kaming sulat mula sa isang concerned citizen. Ang sabi'y imbestigahan daw namin ang lugar na ito dahil sa kakaibang tradisyon. Hindi namin binigyan ng agarang atensyon ito noong una, akala namin isa lang itong malaking biro dahil hindi namin mapaniwalaan ang nakadetalya sa sulat na 'yon. Nakasaad kasi roon ang nakakakilabot na ritwal na ginagawa ng mga tao sa barriong ito. Inisip namin, meron pa bang gagawa ng mga ganoong bagay sa panahon ngayon? Ngunit kinabukasan, matapos naming matanggap ang sulat, nakatanggap naman kami ng tawag mula sa departamento ng kapulisan sa Cavite – pinaaabot sa amin ang paghingi ng tulong ng isang pamilya sa paghahanap ng kanilang anak na nawawala noong nakaraang taon pa. Di-umano, ito'y pinaslang daw sa Lunangayin ayon sa bagong impormasyong kanilang nakuha. Bukod doon tumawag rin sa amin ang ating departamento sa Maynila – na nagsasabing imbestigan ang naturang barrio dahil sa natanggap nilang sumbong galing sa isang Dean ng Unibersidad tungkol sa hindi ordinaryong aktibidad ng lugar. Iyon ang naging hudyat para ituon namin ang aming buong atensyon sa kasong ito.

Reporter:  Eh, Sir. Paano naman nauwi sa pag-aresto ang dalawamput-anim na kalalakihan na taga rito?

Pulis:  Kung tutuusin, ang pinunta namin dito kaninang umaga ay para imbitahan lamang sa presinto ang ilan sa mga taga-rito, para mahingan ng paliwanag kung may nalalaman ba sila hinggil sa mga kahina-hinalang aktibidad. Kaya lang nung nakitaan namin ng kakaibang kilos ang mga magsasakang una naming tinanong, at nang biglang tumakbo ang isa sa kanila, doon na kami nagduda. Agad naming tinawagan ang aming back-up na nakaantabay talaga sa misyong ito.

Reporter: Sir, nahuli rin po ba yung sinasabi niyong gustong tumakas kanina?

Pulis: Oo. Pero hindi pa namin nahuhuli ang iba sa mga itinurong kasabwat nila. Mukhang natunugan kasi ng mga iyon ang tungkol sa isinagawa naming panghuhuli kung kaya't nakatakas. Pero hindi tumitigil ang mga kasamahan namin sa paghahanap sa mga iyon. Kung tutuusin, mabilis naman ang kilos ng ating mga kapulisan, kaya lang dahil sa dami nila't hindi namin kabisado ang lugar, may mga nakatakas. Sa maghapon naming kababantay –

"Oh, yung mga pasaherong bababa d'yan ng Balintawak-Camachile," biglang sigaw ng kundoktor mula sa harapan ng bus, "malapit-lapit na tayo. Bilisan lang ho ang kilos at pagbaba mamaya."

"Ate..." wika ni Luna sabay tingin sa kapatid.

"Oo. Teka lang," sagot ni Nina. Hindi maalis ang kaniyang mga mata sa TV.

Reporter: Ibig sabihin, Sir, kusang umamin ang mga taong ito sa inyo tungkol sa kakaibang ritwal na ginagawa nila?

Pulis:  Marahil dala ng takot kaya kusa silang umamin sa krimen nila. At iyon din ang dahilan kaya itinuro nila ang kanilang pinuno na sinasabi nilang pasimuno ng lahat.

Reporter:  Eh saan naman daw po nila dinadala yung mga biktima? Pati na rin yung sinasabi ng isang Dean na nawawalang estudyante sa kanilang Unibersidad sa Maynila?

Pulis:  Sa bundok ng Nayin.

Reporter:  Doon po ba 'yon sa sinasabing tagong yungib.

Pulis: Doon nga. Sa katunayan, bago pa man kami pumunta rito, may mga team na tayong naroon sa Nayin para mag-imbestiga. Bagama't liblib yung yungib, mayroon tayong sketch kung saan ang eksaktong lugar. Iyon ay base dun sa ipinadalang sulat sa amin.

Reporter: Eh, Sir. Pwede po ba naming malaman kung sino yung concerned citizen na sinasabi n'yo?

Pulis: Pasensiya na pero hindi ko maaaring sabihin. Ang tanging –"

"Balintawak-Camachile!" biglang sigaw ng kundoktor sabay hinto ng bus sa gilid ng kalsada.

Nang tumayo sina Luna, napatingin sila sa TV nang muling magsalita ang reporter.

Reporter:  Sa ating mga manonood, abangan lamang ang ating special coverage sa balitang ito. Aming uungkatin ang karumaldumal na tradisyong ito. Isa-isa nating aalamin ang mga kuwento sa likod ng mga namatay na biktima. At aming iinterbyuhin ang mga sangkot sa krimeng ito.

Iyon ang mga huling salita ng reporter na narinig nina Luna bago sila tuluyang nakababa ng bus kasabay ng maraming pasahero. Bitbit ang dalawang malalaking bag, mabilis silang naglakad kasabay ng mga taong nagmamadaling makasakay ng jeep.

"Monumento! Monumento!" sigaw ng isang barker sa kabilang panig ng kalsada sabay palo sa gilid ng jeep.

Sumakay rito sina Luna at umupo silang dalawa sa harapan. Kalong ang mga bag, halos hindi na sila makakilos sa kanilang upuan.

"Bayad ho. Dalawa," sabi ni Nina sa katabing driver.

Nang makuha niya ang sukli, biglang nagtanong si Luna.

"Ate, anong sasakyan natin pagbaba? Sasakay na ba tayo ng taxi diretsong Pier?"

"LRT muna. Baba tayo sa Doroteo. Dun na tayo magtaxi diretso ng Pier. Pero maaga-aga pa naman," tinignan ni Nina ang oras sa kaniyang relo. "Mamaya pa namang gabi ang alis ng sasakyan nating barko, kaya kumain muna tayo sa Monumento."

Tumango si Luna, at saka muling tumingin sa kalsadang magulo't puno ng sasakyan.

Sana, hindi magulo sa pupuntahan naming lugar. Sana... makapagsimula kami ni Ate ng maayos na buhay... sabi ni Luna sa kaniyang isipan.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon