Chapter 40

1.2K 55 19
                                    

Nagawang pigilan ni Luna ang emosyon. Pilit na itinuon ang pansin sa planong pagtakas. Kailangan niyang makalayo. Kailangan niyang iligtas ang sarili sa kinasangkutang disgrasya. Maaari siyang mahuli't ikulong sa kasalanang hindi niya sinasadya.

Layu-layo ang bahay sa lugar na iyon. Maaaring hindi agad mapansin ng mga kapit-bahay ang katawang nakabulagta sa daanan. Malaki ang tiyansang makakalayo si Luna bago pa madiskubre si Isko. Kaya walang sinayang na oras si Luna. Minadali niya ang pagpapatakbo ng sasakyan.

Lumipas ang segundo, minuto at oras, narating ni Luna ang Maynila nang hindi namamalayang paubos na ang gasolina ng pick-up. Nang mapansin niya ang kumukurap na pulang ilaw at ang arrow ng gas gauge na nasa empty level na, unti-unting niyang binagalan ang takbo at siya'y tumigil sa tabi.

Lumingon siya sa likod ng sasakyan at kunot noong hinanap ang kaniyang bag. Plano niyang iwan na lang ang pick-up at magbus na lamang para makauwi ng Pangasinan.

Naiwan ko yung bag ko sa kubo!

Doon lamang niya napagtantong tanging ang telepono lamang niya ang kaniyang nadala.

Wala ang kaniyang gamit, walang pitaka at wala ring pera. Doon niya naalalang tawagan ang kapatid. Ngunit dahil sa kaunti na lang din ang load ng kaniyang telepono, minabuti niyang itext na lamang si Nina.

Wala pang isang minuto ang lumipas nang makatanggap siya ng tawag mula sa kapatid.

"Nasaan ka?" nag-aalalang tanong ni Nina.

"Narito ako sa... sa Alabang, ate," nanginginig na sagot ni Luna. Nakaharap siya sa isang water refilling station na may nakalagay na address sa karatula nito.

"Hintayin mo ako d'yan. Darating ako't susunduin kita."

"Bilisan mo, ate. Natatakot ako..." mangiyak-ngiyak na sagot ni Luna.

"Oo, Luna. Kakausapin ko lang saglit yung kaibigan ko para rentahan yung sasakyan niya, ng sagayon mabilis ako makarating d'yan."

Hindi na napigilan ni Luna ang umiyak.

"Tahan na, Luna. Paalis na ako ng bahay ngayon. Humanap ka na lang muna ng masisilungan d'yan. Mabilis lang ako. Darating din ako agad."

Matapos nilang mag-usap, ibinulsa ni Luna ang telepono. Pinahid niya ng kaniyang kamay ang basang mukha. At habang nakatayo sa gilid ng maliit na tindahan sa may gilid ng kalsada, malungkot at nangangamba niyang pinagmasdan ang abalang kalye na puno ng mga nagmamadaling tao't sasakyan.

Bagama't pagod at gutom, nangibabaw pa rin ang magkahalong kaba at lumbay na nararamdaman ni Luna.

Gumugulo sa kaniyang isip ang kinasangkutan niyang krimen. Ang naiwan niyang gamit ay maaaring magsilbing ebidensya upang maiugnay siya sa nangyari kay Isko. Hindi malayong hanapin siya ng batas upang managot dito. Bukod doon, hindi rin mawala sa isipan niya ang kaniyang inang isinakripisyo't inialay sa bukirin, at ang amang ayon sa kapatid ay nasa masamang kundisyon dahil sa labis na pagdibdib nito sa nangyari.

Pinagsisisihan ni Luna ang pagtitiwala kay Isko. Sinira nito ang pamilya niya at sinira rin nito ang pagmamahal niya na unti-unti nang nabubuo para sa kaniya. Dahil matapos ang gabing magsiping sila, naramdaman ni Luna'ng mayroon na rin siyang munting pagtingin sa binata, hindi nga lamang niya iyon maipakita.

Ngunit ngayong naipaalam na sa kaniya ng kapatid ang nangyari sa mga magulang, wala na siyang ibang maramdaman pa para sa binata kung hindi labis na poot.

Dahan-dahang dumulas ang kaniyang likurang nakasandal sa pader ng tindahan. At unti-unti siyang napaupo sa bangketang sementado.

Ang Lihim ng LunangayinTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon