Kabanata 03

37.8K 2.1K 605
                                    

PAALALA: Ang kabanatang ito ay naglalaman ng sensitibong tagpo, karahasan, at mga salitang hindi naaangkop sa murang isipan ng mga bumabasa. Patnubay ng magulang ang kailangan. Maraming salamat!



SA MULING pagmulat ng mga mata ni Choleng ay tumambad sa kanya ang isang malawak na kalsada kung saan ay maraming nagpaparoon-parito na mga taong naka-camisa de chino, baro't saya, Victorian gown, may mga kalesa, at kutsero rin siyang nakikita na may sakay-sakay na mga dugong-bughaw at mga guwardiya sibil na pakalat-kalat sa paligid na tila nagbabantay sa mga kaganapan sa pook na iyon.

Sa kabilang dako naman ay may nakikita siyang mga Tsino na naglalako ng kani-kanilang paninda. Meron din siyang nakitang mga paring Pransiskano, Dominikano, at Agustino na naglalakad mula sa di-kalayuan na mukhang kagagaling lang sa simbahan.

Lahat na yata ng mura sa mundo ay nasabi na ng isip ni Choleng.

"A-Anong lugar ito?" Palinga-linga si Choleng sa kanyang paligid. "Na saan ako?"

Wala na kasi ang truck na kaunti na lang ay babasag sa kanyang mukha. Hindi na rin niya makita ang kanilang paaralan. Wala na rin sa paligid si Rachelle! Na saang lupalop na ba siya ng mundo?

Dinadaan-daanan si Choleng ng mga taong may halong pang-uyam, pagtataka, disgusto, at kung ano-ano pang mga expression ang nakita niya sa kanyang mga nakasasalamuha. Tila ba unang beses lang ng mga tao na makakita ng isang gaya niyang maganda─charing!

Nagsimula na rin ang bulung-bulungan sa kanyang paligid. Halatang siya ang mainit na paksa ng mga chismosa.

"¿Quien es ella?" (Who is she?)

"Ella es una extranjera." (Is she a foreigner?)

"¿Por qué está vestida así?" (Why is she dressed like that?)

Shucks! Aaminin niya, makapal talaga ang kanyang mukha sa lahat ng bagay. Pero dahil talk of the town siya ngayon ay nagsisimula nang makaramdam si Choleng ng hiya sa mga taong nakapaligid sa kanya.

Hindi niya batid kung saan siya patutungo. Hindi rin niya batid kung na saang pook siya ng mga sandaling na iyon. Wala siyang ibang makita kundi makasaysayang mga sinaunang bahay ng Espanya, bahay na bato, simbahan, at mga lumang kasuotan ng mga taong nabuhay noong ika-labingsiyam na siglo.

"Sandali po, Ale." Hinarang agad ni Choleng ang isang babaeng sa tantiya niya ay nasa tatlumpu't lima pataas na ang edad.

Nakasuot ang babae ng puting baro at kulay kastanyas ang saya na ang laylayan niyon ay sumasayad na sa lupa. Kung pagbabasehan ang kasuotan nitong payak na baro't saya lang, masasabi niyang nabibilang sa mababang uri ang babae. Iyon ay batay lamang sa mga nababasa niya tungkol sa mga kasuotan ng mga Pilipino noong panahon pa ng pananakop ng mga Kastila.

May susong din na bilao sa ibabaw ng ulo ang babae na may lamang iba't ibang gulay at prutas na inilalako nito. May kasama rin itong paslit na nasa pitong taong gulang na nakasuot ng kulay kayumangging kamiso at puting patadyong. Nakahawak ang bata sa saya ng babae kaya palagay ni Choleng na mag-ina ang dalawa.

"Ale, pasensiya na po. Itatanong ko lang kung ano pong lugar ito?"

Mababanaag sa mukha ng babae ang pag-aalinlangan na kumausap ng taong hindi kakilala. Ngunit tumugon pa rin ang babae sa kanyang katanungan. "Ikaw ay nasa Calle Ezpleta, Binibini."

"Po? Calle Ezpleta?" Hindi siya pamilyar sa pangalan ng pook na binanggit sa kanya ng babae.

"Isa ang Calle Ezpleta na sakop ng Maynila." Pagbibigay-linaw sa kanya ng babae.

"Ibig sabihin, nasa NCR pa pala ako." Kausap ni Choleng sa kanyang sarili.

Isang wirdong tingin ang ipinukol sa kanya ng babae saka nagmamadaling umalis sa kanyang harap kasama ang paslit. Tila natakot sa kanya ang mag-ina na daig pa niya ang maysakit nang iwasan siya. Grabehan lang.

El Gobernador General De Mi CorazónNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ