Kabanata 57

14.2K 686 651
                                    

"DERIO, nariyan ba ang Koronel sa loob?" Bungad na tanong ni Iñigo kay Derio nang huminto sa paglalakad si Asturia at walang kahirap-hirap na bumaba mula sa ibabaw ng alagang kabayo.

Si Derio naman ay kalalabas lamang mula sa loob ng Cuartel Guardia Civil nang tawagin ni Iñigo.

"Mula nang magbukas ang kuwartel ay hindi pa dumarating ang Koronel dito." Tugon ni Derio nang makalapit kay Iñigo. "Mayroon ka bang ipag-uutos, Heneral?"

Umiling si Iñigo. "Wala naman. Nagbaka sakali lamang ako na maaaring naririto ang Koronel. Mayroon kasi kaming usapan kahapon na sasamahan niya akong mamasyal sa gubat. Subalit hindi naman siya dumating sa aming pook-tagpuan kaya kami na lamang ni Asturia ang namasyal kanina."

"Marahil ay may iba pang pinuntahan ang Koronel."

"Maaari. Palagi naman siyang hindi sumisipot sa iba naming usapan kapag mayroon siyang mahalagang bagay na inaasikaso."

"Palagi na lamang kayo ang magkasama ng Koronel." Puna ni Derio. "Minsan ay napagkakamalan ko na kayong mag-ama dahil siya na lamang ang iyong palaging kasa-kasama kaysa sa inyong ama."

"Iyon ba? Kunsabagay. Tama ka sa iyong napapansin. Saka naikuwento nga niya noon sa akin na mayroon siyang unica hija. Ngunit nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng kanyang maybahay. Nakipaghiwalay sa Koronel ang kanyang maybahay at isinama sa pag-alis ang kanyang unica hija. Kaya hindi ko masisisi ang Koronel kung bakit sa akin niya ibinubuhos ang buo niyang pansin para sa isang anak. Hindi ko man siya kaano-ano ay higit ko pa siyang ama kaysa sa tunay kong ama." May kapaklaan ang tinig ni Iñigo nang banggitin ang sarili nitong ama.

"Sa nakikita ko sa iyong mukha, Heneral, ay tila mayroon kang kinakaharap ngayong suliranin. Mayroon ba kayong hindi pagkakaunawaan ng iyong ama?" Usisa ni Derio na hindi naiwasang maglabas ng saloobin ni Iñigo.

"Hanggang ngayon ay masama pa rin ang loob ko sa aking ama nang panigan niya noon si Tenyente Ruiz." Tukoy ni Iñigo sa nagdaang gulo sa merkado na kung saan ay nabaril nito si Tenyente Ruiz upang ipagtanggol si Lolita nang paluhain ng huli ang babaeng kanyang pinakamamahal. "Hindi ko alam kung ano ang ibig palabasin ni Tenyente Ruiz ngunit halata namang gumagawa siya ng paraan upang agawin si Lolita sa Gobernador-Heneral. Hindi ako manhid upang hindi iyon mapansin lalo na at nakikita ko sa mga mata ni Lolita na tila mayroon siyang pagtingin sa Tenyente na iyon."

"Mula sa iyong tinuran ay kapuna-puna na tila ikaw, Heneral, ang higit na apektado kaysa sa inyong kapatid. Mayroon ka rin bang pagtingin sa anak ni Don Francisco?"

"Uuwi na ako." Tanging tugon na lamang ni Iñigo upang iwasan ang tanong ni Derio. "Kailangan ko pang pakain si Asturia. Kanina pa nagugutom ang aking alaga."

Tinawanan lamang siya ni Derio.

"Lo tomaré como un sí." (I'll take that as a yes.)

"Kung sinisimulan mo na kaya ang iyong trabaho kaysa daldalin ako?" Pananakot na lamang ni Iñigo.

"Oras ngayon ng aking pahinga kaya maaari akong dumaldal." Buong pagmamalaking anunsiyo nito.

Kaya naman pala kay lakas ng loob na ako ay pagtawanan. Naiinis na sambit ng isip ni Iñigo habang abala siyang igiya sa ibang direksyon ang kanyang kabayo.

Gaya kanina ay hindi nahirapan si Iñigo na sumampang muli sa ibabaw ni Asturia at nagpaalam kay Derio na siya ay babalik na sa kanilang hacienda. Naghabilin din siya kay Derio na ipaalam kay Koronel Llerena na siya ay dumaan sa kuwartel bago binagtas ang daan pabalik sa kanilang hacienda.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now