Kabanata 40

21.4K 1.1K 784
                                    

DON Rejinaldo Juarez y Rueda, ang anak na lalaki ng namayapang Duke ng Madrid na si Don El Cid Queseda y Rueda at ng asawa nitong si Donya Blanca Immaculada Juarez y Rueda. Limang taong gulang pa lamang noon si Lucas nang mapasakamay ni Don Rejinaldo ang titulo bilang Duke. Masasabi niyang isang mabuting tao ang namayapang Don dahil naging saksi siya kung paano ito tumutulong sa mahihirap na mamamayan sa Madrid. Ngunit, ni minsan ay hindi sumagi sa isip ni Lucas na si Don Praxedes ang unang anak ni Don El Cid mula sa unang babaeng nakarelasyon nito noon. Wala naman kasing nababanggit noon sa magkapatid ang kanilang ama na mayroon itong dugong maharlika.

Ayon sa nalaman niyang salaysay mula sa abogadong si Señor Eguia, umibig daw noon si Don El Cid sa isang tagapagsilbi ng pamilya Rueda na si Anunsación. May nangyari sa pagitan ng dalawa na lalong nagpaigting sa pag-iibigan ng mga ito nang magbunga ang kanilang pagmamahalan. Ngunit isang araw, natuklasan ang lihim na relasyon ng dalawa ng mga magulang ni Don El Cid mula sa isa pang babaeng tagapagsilbi na matalik na kaibigan naman ni Anunsación na mayroon ding paghanga sa binatang Don.

Pinalayas ang babaeng iniibig ni Don El Cid sa pamamahay ng Rueda at kasabay niyon ay ang malaking anunsyo na ikakasal ang binatang Don sa babaeng napili ng mga magulang nito kay Blanca Immaculada na anak naman ng Duke ng Parma sa Italya.

Lumipas ang mga buwan ay nagluwal ng anak na lalaki si Anunsación at mag-isa nitong itinaguyod ang musmos pa lamang noon na si Praxedes hanggang sa magbinatilyo ito. Dahil sa kahirapan ng buhay ay unti-unting naubos ang salaping naitatabi ng ina ni Praxedes. Hindi maatim ni Anunsación na makita ang anak nito na naghihirap sa kabila ng katotohanan na ang anak nito ang higit na may karapatang magtamasa ng marangyang buhay bilang unang anak ni Don El Cid. Kaya't naglakas ito ng loob upang balikan ang dati nitong kasintahan na nang mga panahong yaon ay may sarili nang pamilya. Subalit hinadlangan iyon ng maybahay ng Don.

Hindi pumayag si Donya Blanca na makilala ni Don El Cid ang anak nitong si Praxedes at papaslangin silang mag-ina kung ipagpipilitan pa ni Anunsación ang nais nitong kilalaning tagapagmana si Praxedes. Sa pangamba na maaaring kaharapin ng anak ni Anunsación ay nagpasya itong huwag na lamang ipilit ang nais nito. Hanggang isang araw ay nakilala ng ina ni Praxedes si Don Prudencio—isang mayamang manggagamot—na inibig nito. Wala namang naging suliranin sa mga magulang ng binata si Anunsación dahil tanggap naman ng mga ito kung sino ito at si Praxedes, bilang anak nito. Magmula niyon ay mayroon ng pamilyang kinilala si Praxedes at nagkaroon ng maalwan na buhay.

"Ang pahayag sa akin ng iyong kapatid Don Praxedes ay nais niyang itama ang pagkakamali na ginawa ng kanilang pamilya sa iyo. Ikaw ang unang anak ni Don El Cid kaya nararapat lamang na ipasa niya sa iyo ang titulo bilang Duke ng Madrid. Nalaman ni Don Rejinaldo na mayroon siyang kapatid sa ama nang hindi iyon sinasadyang mabanggit sa kanya ni Donya Blanca. Kaya ginamit niya ang kanyang salapi upang ikaw ay ipahanap nang aksidenteng masawi ang asawa ng anak niyang panganay na babae na napipisil sana niyang papalit sa kanya." Salaysay ni Señor Eguia kay Don Praxedes matapos nitong lagdaan ang kasulatan.

Tahimik lamang na nakikinig sa usapan ng dalawa si Donya Cruzita habang katabi nito ang asawa sa sofa sa sala ng hacienda. Mababasa sa mukha ng Donya na hindi nito inasahan ang balitang yaon dahil maging ang ginang man ay walang kaalam-alam na isang Duke pala ang napangasawa nito.

"Wala na sa akin iyon at wala akong anumang galit kay Don Rejinaldo. Naging maayos naman ang aking pamumuhay magmula nang kupkupin kaming mag-ina ng aking amain."

"Tiyak kong maligaya na ang inyong kapatid sapagkat tinanggap mo ang kanyang huling kahilingan."

"Maraming salamat din Señor Eguia dahil nag-abala ka pang pumunta rito sa Las Islas Filipinas upang ako ay iyong hanapin. Makakaasa ka na pamumunuan ko nang maayos ang Madrid gaya ng pamumunong ginawa ng aking kapatid nang siya ay nabubuhay pa. Hihintayin ko munang maikasal ang aking anak na panganay bago bumalik sa Madrid upang isaayos ang mga dapat isaayos sa bayan na iyon."

El Gobernador General De Mi Corazónजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें