Kabanata 67

12.3K 635 1.2K
                                    

SUMAPIT ang hapon ay muling bumalik sa Fuerza de Santiago si Koronel Llerena. Naabutan naman ng Koronel na gising si Rafael sa loob ng piitan habang si Lucas sa katapat na piitan ay wala pa ring malay matapos gulpihin ng mga guwardiya sibil.

"Kilala kita kung sino ka, Rafael. Ikaw ang tunay na tagapagmana ni Don Praxedes." Walang palikaw-likaw na pahayag ng Koronel nang huminto sa tapat ng piitan ni Rafael.

Kaagad gumuhit ang pagtataka sa mukha ni Rafael saka tumayo sa kinauupuan upang harapin ang Koronel. Matagal nang alam ng binata na siya ang tunay na tagapagmana ng kanyang namayapang ama na si Don Praxedes matapos nitong mabasa ang nilalaman ng liham ni Cristina bago nito iyon iabot kay Lucas. Ngunit nagtataka si Rafael kung paano nalaman ng Koronel ang tungkol sa kanyang pagkatao.

"Paano mo nalaman na ako nga ang anak ni Don Praxedes?" Malamig at usisang tanong ni Rafael na tanging sila lamang ng Koronel ang makaririnig.

"Nabasa ko ang liham at kasalukuyang nasa aking pangangalaga. Hindi marahil napuna ni Lucas nang mahulog niya ang liham ng kanyang ina sa piitan noon ni Iñigo."

"Ano ngayon ang kailangan mo?" Masama ang tinging pinupukol ni Rafael sa Koronel.

"Hindi ako isang kalaban Rafael." Depensa ng Koronel nang mabatid ang iniisip ni Rafael. "Ako lamang ang iyong nag-iisang kapanalig dito."

"Paano kita magiging kapanalig gayong nasa panig ka ng isa ko pang karibal?" Walang katiwa-tiwalang tanong ng binata.

"Pumanig ako kay Iñigo para sa iyo upang tulungan kang makuha ang habilin ng iyong ama." Ang kaninang pagdududa sa mukha ni Rafael ay mabilis na naglaho matapos marinig ang paliwanag ng Koronel. "Subalit kasing tigas ng bato ang ulo ng iyong pinsan. Kahit makailang beses nang ginulpi, ayaw niya pa ring ipagtapat ang kinaroroonan ng habilin." Tukoy nito kay Lucas.

"Sa habilin kumakapit si Lucas upang manatili kaming buhay sa impyernong piitang ito. Lalong hindi rin sasabihin ni Lucas ang kanyang nalalaman sapagkat habol din niya ang kayamanan ng aking ama." May bahid ng galit ang tinig ni Rafael mula sa huling pangungusap na binanggit.

"May naiisip ka bang paraan kung paano ko mapapaamin ang iyong pinsan?"

"Si Choleng."

"Ano ang ibig mong ipakahulugan?" Salubong ang kilay na tanong ng Koronel.

"Siya ang kahinaan ni Lucas at hindi siya magdadalawang-isip na ipagtapat ang kanyang nalalaman kung gagamitin mo si Choleng laban sa kanya."

Labis ang pagmamahal ni Lucas kay Choleng. Kaya natitiyak ni Rafael na hindi matitiis ni Lucas na ipagtapat ang nalalaman kapalit ng kaligtasan ng babaeng labis nitong minamahal.


"CHOLENG? Ayos ka ba riyan?" Tanong ni Iñigo sa pagitan ng nararamdamang hapdi habang ang likod nito ay nakasandal sa rehas. Sapo-sapo pa rin ng kaliwang palad ni Iñigo ang kanang bahagi sa gilid ng tiyan nito na may pinsala. Katabi lamang ni Iñigo si Choleng na nakasandal din sa rehas.

Magkasamang binilanggo sa iisang piitan sina Choleng at Iñigo. Tanging mga lamparang nakasabit sa haligi na gawa sa arguijo ang nagbibigay liwanag sa buong paligid. Mula sa pinakasulok ay makikita roon ang mga pinagpatong-patong na malalaking bariles at hugis parisukat na mga lagayan na nagsisilbing imbakan ng mga pagkain at inumin gaya ng alak. May mga sako ring makikita sa paligid at mga makakapal na lubid na gawa sa abaka na ginagamit sa mga layag ng barko.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now