Kabanata 53

14K 717 224
                                    

PORMAL nang isinalin ang titulo ng pumanaw na si Don Praxedes sa pangalan ng ikalawa at bunsong anak ni Donya Cruzita kinabukasan matapos mailibing kahapon ang Gobernador-Heneral. Walang pag-aalinlangang nilagdaan ni Heneral Rueda ang inihandang dokumento ng abogado ni Don Rejinaldo na si Señor Eguia at magmula sa araw na iyon ay isa nang ganap na Duke ng Madrid si Heneral Rueda.

"Malugod akong nagpapasalamat na iyong pinaunlakan ang munti kong paanyaya upang ganap na mapag-usapan ang tungkol sa bagay na ito." Wika ni Señor Eguia matapos nitong makipagkamay kay Heneral Rueda.

"Walang anuman, Señor Eguia. Ako man ay humihingi rin ng paumanhin kung bakit natagalang maisaayos ang tungkol dito. Maraming mga hindi inaasahang kaganapan ang nangyari sa aming pamilya. Matagal-tagal ka ring naghintay na maaprubahan ang pribadong pagpupulong na ito na nauuwi rin sa wala sapagkat palagi iyong tinatanggihan ng aking hermano."

Isang mapang-unawang tango ang naging tugon ni Señor Eguia sa Heneral.

"Hindi ko naman dinamdam ang tungkol sa bagay na iyon. Nauunawaan ko ang damdamin ng iyong kapatid. Alam kong masakit na maagang kinuha ng langit sa inyong pamilya ang iyong ama at ginagalang ko ang kanyang naging pasya." Mayamaya ay napalitan ang damdamin sa mukha ng abogado ang nangyari sa panganay na kapatid ng Heneral.

Kalungkutan para sa pumanaw na Gobernador-Heneral at habag para sa pamilya ng Heneral.

"Ako man ay nanghihinayang sa nangyari sa Gobernador-Heneral. Alam kong hindi kaaya-aya at kawalang paggalang itong aking ginagawa ngunit tungkulin ko pa rin bilang abogado ni Don Rejinaldo na maibagay sa inyong pamilya ang karapatan upang pamunuan ang Madrid."

"Nauunawaan ko ang ibig ninyong mangyari at nagpapasalamat ako na kinilala kami ni Don Rejinaldo bilang bahagi ng pamilya."

May ilang mga bagay pang tinalakay si Señor Eguia sa Heneral nang sa gitna ng pag-uusap ng dalawa ay nakarinig sila nang may kalakasang katok mula sa labas ng opisina-na si Lucas ang gumagamit noon-at kasunod niyon ay ang tinig ni Koronel Llerena na tila ba mayroon itong mahalagang bagay na sasabihin.

"Heneral, ako ito. Si Koronel Llerena. Maaari ba akong pumasok sa loob?"

"Adelante." Walang alinlangang tugon kaagad ng Heneral.

Hindi nagtagal ay tuluyang bumukas ang pinto ng opisina. Pumasok sa loob si Koronel Llerena.

"Bakit ikaw ay naparito, Koronel? Mayroon na bang balita tungkol sa mga taong nakasagupa ng aking hermano?"

Maliban sa paghahanap kay Ludivila ay ipinagkatiwala rin ng Heneral kay Koronel Llerena ang pagtugis sa mga nakalaban ng Gobernador-Heneral.

"Paumanhin, Heneral. Subalit hanggang sa mga oras na ito ay wala pang nahuhuli ni isa man sa kanilang mga nakalaban. Ngunit patuloy pa rin sa pangangalap ng impormasyon ang aking mga tauhan tungkol sa mga taong iyon."

"¿Qué tal Ludivila?" (How about Ludivila?) "Mayroon na ba kayong alam kung saan matutunton ang pook na kanyang pinagkukublihan?"

"Ikinalukungkot ko ring ipaalam na wala pa rin kaming makuhang anumang impormasyon kung saan maaaring nagkukubli si Ludivila-"

"Ilang linggo na ang nakalilipas datapwat wala pa rin ang akong nakukuhang kongkretong ulat mula sa iyo, Koronel." Naroroon sa tinig ni Heneral Rueda ang pagkainip at pagtitimping makapanigaw. "Sawang-sawa na ako sa paulit-ulit na ulat na aking natatanggap at habang lumilipas ang mga araw, unti-unti ring umiiksi ang pisi ng aking pasensiya." Mayroon nang panganib sa tinig ng Heneral.

"Ginagawa naman namin ang aming makakaya upang malutas ang suliraning ito-"

"¡Entonces hazlo más rápido!" (Then make it faster!) "Ang huling habilin ng aking ama ang pinag-uusapan dito at kinakailangan iyong mabawi ng aming pamilya bago mahuli ang lahat!"

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now