Kabanata 07

33.7K 1.9K 668
                                    

"AY BONGGA! Ngayon ko lang na-appreciate itong famous traditional dress ng Pilipinas. Grabe, ang ganda ko─este nitong suot ko." Manghang-manghang puri ni Choleng sa kanyang sarili─ay! Sa suot-suot pala niyang kabogerang baro't saya habang pinagmamasdan ang kanyang sarili sa full-length size mirror. Nakatitiyak rin si Choleng na binili pa ang salamin na iyon galing sa ibang bansa ang maganda ang detalye ng pagkakaukit ng mga disenyo sa palibot niyon.

Nagpapasalamat din siya sa genes ng kanyang mga magulang sapagkat namana niya ang maganda niyang height kaya lalong nabigyan ng hustisya ang kasuotan─ay mali! Tila maaari na niya iyong tawaging gown sapagkat umabot hanggang sahig ang haba ng saya na kanyang suot. Maaari na rin niyang ipangrampa ang kasuotang iyon sa isang patimpalak ng pagandahan. Iyong tipong mapapa-pak ganern ang makakikita sa kanya.

Ang suot niyang baro ay gawa sa manipis na himaymay ng pinya na ang magkabilang manggas niyon ay umabot sa kalahati ng kanyang mga bisig. Sa loob ng baro ay makikita ang panloob na puting kamison (corpiño). Sa ibabaw ng baro ay nakapatong naman ang alampay (pañuelo) na ginagamit panaklob upang takpan ang iba pang lantad na bahagi ng katawan gaya ng dibdib at leeg. Nalaman niya kay Clarita na kalimitang yari sa abaka, himaymay ng pinya, at kanyamaso ang mga baro na isinusuot ng kababaihan.

Ang suot naman niyang saya ay umabot sa sahig ang haba niyon. Ang bawat patayong guhit sa saya ay kulay krema at kulay kayumanggi. Sa ilalim ng kanyang saya ay mayroon pa siyang panloob na tinatawag na inaguas (slip). Kinabitan din ni Clarita ng kulay itim na tapis (sobrefalda) ang kanyang saya upang maging dagdag na palamuti. Mayroon din siyang suot na gintong hikaw (criolla), mahaba na detalyadong kuwintas (tambourine), at bulaklaking bakya.

Ngayong naka-overall OOTD na siya, masasabi ni Choleng na napakainit pala ng kasuotan ng kababaihan noon! Sa dami ng dapat isuot, ang dami ring lalabahan! Sa labis na init ay binuklat ni Choleng ang kanyang abaniko upang kahit paano ay makaranas ng hangin ang kanyang katawan at maibsan ang init na nadarama. Mabuti na lamang nakabukas ang durungawan sa kanyang silid kaya kahit paano may hangin ding pumapasok sa loob.

"Bagay na bagay sa iyo ang magandang kasuotan na iyan, Binibini. Hindi ko akalain na kakasya sa iyo ang kasuotang iyan sapagkat tinantiya ko lamang ang iyong sukat bago ko binili iyan." Masayang pahayag ni Clarita habang pinagmamasdan si Choleng.

"Salamat, Clarita. Don't worry, bibigyan kita ng jacket."

"Ha? Ano iyong dyaket? Nakakain ba iyon, Binibini?" Salubong ang kilay na tanong nito sa kanya.

"Ahm...ang ibig kong sabihin, ililibre na lang kita ng pagkain dahil pinuri mo ako kahit na matagal ko nang alam na ah-uhm! Ang felasboomboom ko."

"Fesla..?" Kakatwang sambit ni Clarita na halatang hindi nasundan ang sinabi niya.

"Naku, Clarita. 'Wag mo na lang intindihin ang mga pinagsasasabi ko. Expression ko lang iyon kapag natutuwa ako."

Narinig niyang tumawa nang mahinhin ang tagapagsilbi. Ugaling Pilipina talaga ang kilos ni Clarita. Pinong-pino na ultimo pagtawa nito ay pigil na pigil. Tila walang kalayaan. Parang ang Pilipinas sa panahon na kinalalagyan niya ngayon. Walang kalayaan. Parang jowa lang din, nakasasakal! Sarap pumaslang!

Ngunit sa huli ay pinigilan na lang ni Choleng ang sarili na magbigay ng kanyang opinyon. Wala siya sa kanyang katayuan upang humusga agad sapagkat hindi pa niya lubusang nakikilala ang totoong kalagayan ng Pilipinas sa panahon ng Kastila. Kaya chill-chill muna ang beauty niya kahit hindi halatang uwing-uwi na siya sa totoo niyang panahon.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon