Kabanata 11

31.4K 1.7K 583
                                    

NAKABALIK na sina Choleng sa Hacienda Rueda. Sumalubong din sa kanilang pagdating ang mga tagapagsilbi na lipos ng pag-alala lalo na si Clarita. Kumalat na kasi ang aliwaswas sa buong Maynila ang naganap na insidente sa liwasan. Kaya ganoon na lamang ang pagkabahala ni Clarita kay Choleng. Subalit ang nakapagtataka roon ay higit na matindi pa ang pag-aalala ni Clarita kay Lucas.

"Kumusta naman ang Gobernador-Heneral, Binibini? Hindi naman malala ang naganap sa kanya, hindi ba?" Nababahalang tanong ni Clarita kay Choleng nang ihatid siya nito sa loob ng kanyang silid upang makapagbihis na rin ng kanyang kasuotan. Mabuti na lamang at nakauwi rin si Clarita sa Hacienda Rueda galing sa simbahan matapos mag-walkout ni Choleng.

"Ah, ayos naman siya. Nagkasugat lang siya sa kamay niya nang tamaan siya ng palaso. Pero 'wag kang mag-alala dahil hindi naman malala." Tugon ni Choleng habang naroroon siya sa likod ng French panel screen divider at abala siyang nagbibihis ng bago niyang baro't saya. Si Clarita naman ay nasa kabilang panig ng divider habang hawak nito ang marumi niyang kasuotan.

Hindi naman nagtagal ay narinig ni Choleng na tila ba nakahinga nang maluwag si Clarita mula sa kanyang ipinahayag. Mayamaya rin ay lumabas na si Choleng mula sa likod ng divider suot ang bago at malinis na baro't saya upang harapin si Clarita.

"Mabuti naman. Labis akong nagbahala sa inyo ng Senyorito nang mabalitaan namin dito sa hacienda ang naganap na kaguluhan sa liwasan."

"Maraming salamat sa pag-aalala mo. Pero parang kay Lucas ka yata mas nag-alala nang husto kaysa sa akin." Nakangiti at pakunwaring nagtatampong puna ni Choleng matapos niyang kunin kay Clarita ang alampay saka ipinatong iyon sa ibabaw ng kanyang balikat.

Mabilis umiwas ng tingin sa kanya si Clarita. Naku, naku, naku naman! Ang mga ganyang diskarte, eh, batid na ni Choleng.

"P-Paumanhin, Binibini." Paghingi nito ng paumanhin sa kanya. "Siya ang Gobernador-Heneral kaya ganoon na lamang ang nadaramang bagabag sa aking puso para sa kanyang kaligtasan."

"Hindi mo na kailangang humingi ng paumanhin. Natural lang na mag-alala ka lalo na kung crush mo naman ang Gobernador-Heneral." Nakangiting komento ni Choleng.

"Ha? Ano pong krash, Binibini?" Salubong ang kilay na usisa sa kanya ni Clarita.

"Sa Tagalog, paghanga."

Mabilis napasinghap si Clarita na sinamahan pa iyon ng pagtakip ng palad sa bibig. Halata sa mukha ng tagapagsilbi na hindi nito inasahan na iyon ang sasabihin ni Choleng.

"N-Naku, Binibini. Wala akong anumang paghanga sa Gobernador-Heneral." Sinabayan pa iyon ni Clarita ng pag-iling.

"Ano ka ba? Okay lang 'yan! Wala namang masama kung magka-crush ka kay Lucas. Guwapo naman siya, cute, matangkad, at mabango. Kaya sinong babae ang hindi magkakagusto sa kanya?" Wika pa niya kay Clarita habang hindi mapigilan ni Choleng ang mapangiti sa tuwing nagugunita ng kanyang isip ang munting tagpong naganap sa kanilang ni Lucas matapos nilang magpagulong-gulong sa damuhan.

"Kasing pula ng kamatis ang iyong magkabilang pisngi. Hindi kaya, ikaw marahil, Binibini, ang may krash sa Gobernador-Heneral?" This time, si Clarita na ngayon ang nanunukso kay Choleng.

"Ssshh! 'Wag kang maingay, Clarita! Wala ring laglagan!" Mabilis na saway at pag-amin na rin ni Choleng.

"Tunay ngang krash mo ang Gobernador-Heneral?" Hindi na mawala-wala ang ngiti sa mamula-mulang labi ni Clarita.

"Bakit? Ikaw lang ba ang puwedeng magka-crush sa kanya? Saka, secret lang natin ito, ha? Ang ibig kong sabihin, lihim lang natin ito. Baka barilin na talaga ako ni Lucas kapag nalaman niyang crush ko siya. Eh, ang lolo mo naman, mukhang wafakels sa ganda ko kaya lihim lang natin ito, ha? Okay?"

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now