Kabanata 08

32.7K 1.7K 792
                                    

NASA kama si Choleng at abala siya sa pagtipa sa notepad sa kanyang phone. Wala kasi siyang mapagkaabalahan kaysa naman gugulin niya ang kanyang buong araw sa pagtunganga at pagbibilang ng tupa sa kanyang isip ay naisipan niyang magtipa-tipa muna sa notepad. Mabuti na lamang ay nadala niya sa panahong iyon ang kanyang power bank at naka-set sa lower power mode ang kanyang phone. Kaya kahit paano nakatitipid siya sa battery sa panahong iyon na wala pang napagkukunan ng kuryente. Tatlong araw na siyang nasa loob ng silid na iyon. Hindi pa siya lumalabas sapagkat masakit pa rin ang kanyang paa.

Ngunit ngayong nakalalakad na siya nang maayos ay wala pa rin siyang ganang lumabas sa kanyang silid. Hindi naman sa bampira siya na takot sa sikat ng araw, tinatamad lamang talaga siyang lumabas sapagkat wala namang kainte-interesante siyang nakikita sa labas ng Hacienda Rueda maliban na lamang kay Lucas. Ang lalaki lamang na iyon ang pinagkakainteresan niya sapagkat ang binatang iyon mismo ang kanyang proyekto. Sa mga sandaling iyon ay gumagawa siya ng talatanungan sa kanyang notepad. Kailangan niyang maihanda ang mga katanungan na iyon para kay Lucas.

Wala kasi sa aklat ng kasaysayan ng Pilipinas ang talambuhay ng binata. Kaya nais niyang makilala nang lubos ang kanilang Gobernador-Heneral. Oo, isasama na rin ni Choleng ang kanyang sarili sapagkat nasa taong 1855 na siya. Kaya pansamantala, si Lucas muna ang kikilalanin niyang pinuno ng Pilipinas. Hindi naman nagtagal ay natapos na rin ni Choleng ang ginagawa niyang mga tanong. Saka niya muling pinasadahan ng basa iyon upang suriin kung wasto ba ang kanyang naitalang mga katanungan:

1. What's your name again?

2. How old are you?

3. What is your favorite color?

4. How many exes do you have?

5. What type of a woman do you like?

6. Do you believe in love?

7. Eh, sa love at first sight?

8. How will you find yourself in the future?

9. Do you feel to be recognized as a hero in the future?

10. Maganda ba 'ko? (Please explain your answer in maximum of 100 words.)

"Bakit parang walang kabuluhan yata itong mga tanong ko?" Kunot-noong napapatanong na kausap ni Choleng sa kanyang sarili.

Oo nga. Lalo na iyong huling katanungan. Tanong ng kulang sa pansin. Saka bakit ba karamihan sa kanyang mga tanong, eh, puro sa love life ng binata? Pake ba niya sa love life ni Lucas? Dapat ang tinatanong niya sa kanilang Gobernador-Heneral ay may kabuluhan. Iyong may kapupulutan ng aral. Iyong karapat-dapat makatanggap ng uno. Hindi iyong puro kabebehan lamang. Magiging bibe talaga ang kanyang marka sa Philippine History kapag ganoong pagsasaliksik ang ipapasa niya sa kanilang Professor. Daig pa kasi niya ang isang paparazzi kung mang-usisa sa pribadong buhay ni Lucas. Baka mabaril pa siya nang wala sa oras kapag tinanong niya ang mga iyon sa kanilang Gobernador-Heneral.

"Hay! Baguhin ko na nga lang."

Isinara na rin ni Choleng ang kanyang notepad sa phone bago uli nagbukas ng bagong notepad at habang nasa kalagitnaan siya ng pakikipagtunggali sa kanyang makulit at magulong isip ay saka naman napukaw ang kanyang pansin ng isang katok mula sa labas ng pinto ng silid.

"Pasok!" Pagbibigay pahintulot ni Choleng na hindi inaalis ang kanyang pansin sa phone.

Saka kumusta na rin kaya ang kanyang kapatid maging ang mga magulang niya? Tatlong araw na ang lumipas kaya batid ni Choleng na labis nang nag-aalala ang pamilya niya sa kanya. Wala naman siyang magawa upang makabalik sa kanila sapagkat na-stuck siya sa panahon ng Espanyol. Kawawa naman siya!

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now