Kabanata 58

15K 701 648
                                    

KAMATAYAN sa pamamagitan ng pagbigti. Iyon ang ipinasang hatol ng punong hukom ng Real Audiencia makalipas ang limang araw matapos mapatunayang guilty sa tatlong mabibigat na kaso si Iñigo. Naging matibay na pundasyon sa ginawang huling pasya ng punong hukom ang mga naging pahayag ni Ludivila bilang punong saksi kung paano namatay si Don Praxedes, isinama rin sa ulat ang naging pahayag ni Joaquin bilang patunay na si Iñigo ang mastermind sa naganap na pang-a-ambush kina Lucas sa sitio Polo at ang pinag-ugatan ng lahat, ang habilin ni Don Praxedes na mariing nagpapatunay sa motibo ni Iñigo kung bakit nito nagawa ang krimen laban sa ama nito.

Matapos bawian ng ranggo si Iñigo ay binawi rin sa binata ang titulo nito mula kay Don Praxedes. Kaagad ipinawalang bisa ni Señor Eguia ang kasulatang nilagdaan noon ni Iñigo kaya wala nang natirang kahit ano ang dating heneral. Ang anunsiyong iyon ay mabilis na kumalat sa buong Maynila. Nailathala na rin sa mga peryodiko na isasagawa ang pagbitay kay Iñigo sa liwasan sa harap ng publiko bukas ng alas dose impunto ng hapon.

Hindi makatao. Iyon ang tanging komento ni Choleng sa kanyang sarili. Alam niyang masakit para sa parte ni Lucas lalo na kay Donya Cruzita na tanggapin ang hatol ng hukuman. Sabihin man niyang si Iñigo ang naging dahilan kung bakit sila noon nag-away ni Lucas nang dahil sa siniraan siya ng dating heneral para palabasing siya ang umutos na ipabaril si Rafael ay hindi niya naiwasang makadama ng awa para kay Iñigo. Palagi mang pinag-iinitan ni Iñigo si Rafael, masasabi naman niyang kahit paano may kabutihan naman ang kapatid ni Lucas.

Pero kahit napatunayan na ng hukuman na si Iñigo ay nagkasala, hindi pa rin siya tinitigilan ng makulit na ideyang ilang araw na ring bumubuliglig sa kanyang isip. Hindi nagawang burahin niyon ang pagdududang nararamdaman ni Choleng na maaaring may iba pang tao ang nasa likod ng mga nangyayari. Iyon ang dahilan kung bakit nagpaalam siya kay Clarita na pupunta siya sa palasyo. Hindi para manggulo kundi ang makausap si Lucas tungkol sa bagay na iyon.

Isa pa, kailangan din niyang malaman kung gaano ba kalalim ang ugnayan nina Don Praxedes at Don Rejinaldo noong malaman niyang may kapatid pala sa ama sina Lucas at Iñigo. Palagi ring sumasagi sa isip ni Choleng ang pangalan sa handle ng gintong punyal na ginamit na sandata sa pagpatay kay Don Praxedes. Naisip kasi ni Choleng na baka nasa side ng pamilya ni Don Rejinaldo ang salarin kung mula pa ang patalim na iyon sa angkan ni Donya Blanca.

"Wala ba kayong nakita roon?" Iyon agad ang narinig ni Choleng nang tumapat siya sa nakabukas na pinto ng opisina ni Lucas sa loob ng palasyo.

Bahagya lamang ang pagkakasara ng pinto kaya kitang-kita niyang kausap ni Lucas ang apat na guwardiya sibil.

"Paumanhin, Gobernador-Heneral. Subalit wala kaming nakita na kahit ano." Tugon ng unang guwardiya sa gawing kaliwa.

"Kung inyong mamarapatin ay isasangguni na lamang namin ang tungkol doon sa tagapangasiwa ng kalinisan ng piitan." Sabi naman ng pangalawa sa kaliwa.

"Karamihan sa mga naglilinis ng mga kalat sa piitan ay mga indio na walang kakayahang bumasa o sumulat. Maaaring inakala nilang isa iyong kalat at walang alinlangang itinapon sa basurahan." Sabi naman ng ikatlong guwardiya sa kanan.

"Magbibigay tagubilin na lamang ako upang ipahanap sa mga alipin ang tungkol doon—"

"Hindi!" Maagap na tutol ni Lucas sa huling guwardiyang nagsalita. "Ang ibig kong sabihin ay ako na lamang ang maghahanap. Sige na. Bumalik na kayo sa inyong mga gawain. Huwag na lamang ninyong ipagsabi kahit kanino ang dahilan kung bakit ko kayo ipinatawag. Maliwanag ba?"

"Masusunod, Gobernador-Heneral."

Hindi naman tumagal ay isa-isa nang lumabas mula sa loob ng opisina ang apat na guwardiya sibil na tikom ang mga bibig at tahimik na umalis.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now