Kabanata 63

11.8K 622 576
                                    

"MGA KASAMA! May mga paparating!" Malakas na sabi ng isang guwardiya sibil na kasalukuyang nagsisilbing bantay sa tarangkahan ng Puerta Real.

Nabalam ang masayang kuwentuhan ng iba pang bantay ng tarangkahan nang balingan nila ang direksyon ng Paseo de la Luneta kung saan ay natanaw ng lahat ang tumatakbong pulutong ng mga manggagawang polista. Lahat sila ay armado ng itak, espada, at baril maging ang kanilang kasuotan ay may bahid na rin ng mga tilamsik ng dugo. Kaya ang mga taong namamasyal sa liwasan ay kanya-kanya nang takbuhan at hiyawan sa labis na takot at pangamba.

Sa tantiya ng mga nakatanaw na guwardiya sibil ay maaaring nagmula pa sa ibang pook ang mga manggagawang polista. Kaya natitiyak ng lahat na ang mga hawak na sandatang iyon ay nagmula pa sa mga kapwa nila guwardiya sibil na pinaslang ng mga paparating na manggagawa! Higit pang nabahala ang mga guwardiya sibil sapagkat pinangungunahan ang pagsalakay na iyon ng mga taong pinatutugis ng Gobernador-Heneral.

Ang pangkat nina Joaquin!

Kaagad namang binalingan ng isang bantay ang kanyang kasamahan.

"Magmadali ka! Ipaalam mo ito ngayon kay Tenyente Manriquez na may nagaganap na pag-aaklas at humingi ka rin ng karagdagang guwardiya sibil! Sisikapin naming hindi sila makapapasok sa loob ng Intramuros!"

"Siyang masusunod!"

Mabilis na binuksan ang tarangkahan upang papasukin ang kapwa bantay at maihatid ang ulat na iyon sa kanilang Tenyente. Sa muling pagsara ng tarangkahan ay kaagad namang naghanda ang mga naiwang bantay. Lumikha ng linya ang mga bantay at humilera sila sa tapat ng tarangkahan saka tinutok ang kanilang mga hawak na riple sa direksyon ng mga papalapit na manggagawa.

"Fuego!" (Fire!) Malakas na utos ng isa nilang bantay bago kinalabit ang gatilyo ng kanilang mga baril.

Alingawngaw nang magkakasunod na mga putok ng baril ang sunod na naghari sa buong kapaligiran. Kaagad namang may tinamaan ng mga bala sa hanay ng mga manggagawa. Datapwat hindi iyon naging dahilan upang makaramdamn ng takot at pangamba ang mga manggagawa. Naging indikasyon din iyon upang higit na mamayani ang poot sa kanilang dibdib at ipamalas ang paghihiganti ng isang api!

Mula sa panig nina Joaquin ay nagpaulan din ng mga bala ang mga manggagawang may hawak-hawak na mahahabang baril sa direksyon ng Puerta Real. Lalong nabahala ang mga bantay ng tarangkahan sapagkat nagawa ng mga manggagawa na paslangin ang kalahati sa kanilang bilang. May iba rin sa mga bantay ay mabilis naubusan ng mga kargadang bala. Kaya walang nagawa ang mga bantay kundi umalis sa kanilang linya at maglabas ng kani-kanilang espada upang salubungin ang mga nag-aaklas.

Sa isang iglap ay nagsimula ang malaking kaguluhan sa tapat ng Intramuros nang magbanggaan na ang pangkat ng mga manggagawa at pangkat ng mga guwardiya sibil. Tunog ng kalansing ng mga bakal na espada, putok ng mga baril, at hiyawan ng mga nagkakagulong tao ang naghari sa buong paligid. Saksak, suntok, sipa, at tadyak ang tinamo sa hanay ng mga guwardiya sibil. Ang iba sa kanila ay matinding pinsala at sugat ang tinamo. Subalit higit na malaki ang bahagdan ng mga nasawi sa panig ng mga bantay. Naging dahilan din iyon upang humina ang depensa sa tapat ng tarangkahan.

Kaya naman matagumpay na nabuksan ng mga manggagawa ang tarangkahan ng Puerta Real at sinimulang pasukin ang loob ng Intramuros. Lahat ng mga guwardiya sibil na pagala-gala sa loob ng Intramuros ay nagitla sa pagpasok ng mga manggagawa. Kaya hindi agad nakaporma ang mga guwardiya sibil upang depensahan ang kanilang mga sarili. Mabilis agad dumanak ang dugo nang sumalubong sa kanila ang mga bala ng baril, saksak, at iba pang mga nakamamatay na pag-atake sa iba't ibang bahagi ng katawan ng mga guwardiya sibil.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now