Kabanata 65

12K 600 934
                                    

NARATING nina Choleng ang pook kung saan natagpuan ang tinutukoy na katawan ng duguang babae. May ilang mga tao ang naroroon at nagkukumpul-kumpulan upang makita ang natagpuang katawan. Nagmamadali namang hinawi ni Rafael ang mga nakaharang na tao. Sumunod sina Choleng kay Rafael at huminto rin sila nang makita ang kalunos-lunos na sinapit ng babae.

Nakasubsob ang duguang katawan ng babae sa damuhan. Nadadaganan din ng katawan ng babae ang mga halamang naroroon. Gulo-gulo at wala na sa magandang ayos ang pagkakapusod ng buhok ng babae habang ang ibang nakawalang hibla ay tumatabing sa mukha nito. Malaki rin ang punit ng kasuotan ng babae sa likod na kung susuriin ay tila puwersahang hinila iyon kaya tuluyang nawasak.

May mga pasa rin sa katawan ang babae at nagtamo ito ng limang tama ng bala sa likod. Ang pagitan naman ng hita ng babae ay may agos ng dugo. Nanunuyo na ang mga dugong nakakapit sa katawan ng babae. Mukhang kagabi pa marahil naroroon sa damuhan ang babae. Dahil gabi at madilim na ang buong paligid ay walang nakapansing tao na mayroon na palang katawang tinapon sa bahaging iyon.

Nasapo ng palad ni Choleng ang kanyang bibig habang pinagmamasdan ang kanyang nakikita. Si Rafael ang naglakas-loob na kumilos sa kanila upang lapitan ang nakahandusay na babae. Lumuhod si Rafael saka maingat nitong inangat nang bahagya gamit ang kaliwang braso ang katawan ng babae habang ang kanang kamay nito ay hinawi ang mga hibla ng buhok na tumatabing sa mukha nito.

Kumpirmado! Si Lolita nga! Nagdurugo rin ang kaliwang sentido ni Lolita na tila tumama sa matigas na bagay at nagdurugo rin ang labi nito na senyales na pinagbuhatan ng kamay. Mayamaya ay kumilos si Joaquin sa mula sa puwesto nito upang lapitan si Rafael at hawakan ang kanang palapulsuhan ni Lolita upang alamin ang estado niyon.

Nag-angat ng ulo si Joaquin at bumaling kay Rafael. "Mahina ang tibok ng kanyang pulso. Kinakailangan na siyang madala sa pagamutan."

"Sarado pa ang pagamutan ni Ador nang ganitong oras." Narinig nilang komento ni Aling Celia. "Ang mabuti pa ay doon na muna ninyo ihatid sa ating kubo ang Binibini upang masimulan nang malinis ang mga nanuyong dugo sa kanyang katawan. Kami na ang bahalang kumausap nina Serafin at Rosario kay Ador upang ipaalam itong naganap."


SA SILID nina Choleng dinala ni Rafael ang walang malay na si Lolita. Habang hinihintay nila ang pagdating nina Aling Celia ay inasikaso muna nina Choleng at Clarita si Lolita upang linisin ang mga nanuyong dugo sa balat nito. Si Rafael naman ay nanatili sa loob ng silid nina Choleng habang pinagmamasdan ang ginagawang pag-aasikaso kay Lolita. Walang ibang emosyon na makikita sa mukha ni Rafael kundi ang matinding pag-aalala para kay Lolita.

Hindi naman nagtagal ay dumating na rin sina Aling Celia, Mang Serafin, at Aling Rosario kasama ang manggagamot na si Mang Ador dala ang mga kagamitan nito sa panggagamot. Pansamantalang lumabas muna sina Rafael sa silid at naiwan sa loob sina Mang Ador at Aling Rosario upang simulang gamutin si Lolita.

Sa munting sala ng kubo naghintay sina Choleng, Joaquin, Rafael, at Lucas maging sina Mang Serafin at Aling Celia habang nasa kabilang kubo naman ang iba pa nilang kasamahan at doon kumakain ng agahan. Mula naman sa kusina ay lumabas sina Clarita at Ludivila na may dalang tig-dalawang tasa ng mainit na kape.

Si Clarita ang nag-abot ng tasa ng kape kina Choleng at Joaquin. Nilapitan naman ni Ludivila sina Rafael at Lucas na parehong tinanggihan ng dalawa. Kaya sina Aling Celia at Mang Serafin na lang ang inalok ni Ludivila ng kape na agad namang tinanggap ng mag-asawa.

Hanggang sa mga oras na iyon ay palaisipan pa rin sa kanila kung sino ang taong gumawa niyon kay Lolita. Walang ibang naramdaman si Choleng sa mga sandaling iyon kundi habagpara kay Lolita. Kahit hindi nila kapalagayan ang loob ng isa't isa ay hindi deserve ni Lolita ang nangyari.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now