Kabanata 39

20.2K 1K 356
                                    

NABULABOG ang tahimik na paligid ni Choleng sa sunod-sunod na katok ng kung sinumang Poncio Pilato mula sa labas ng kanilang silid. Tipong hindi makapaghintay na mapagbuksan at tila walang balak ang taong iyon na lubayan ang pobreng pinto.

Hindi na lamang niya iyon pinansin. Tumagilid siya ng kanyang higa sabay takip ng unan sa kanyang tenga para hindi na niya marinig pa ang pag-iingay ng katok ng taong iyon. Ngunit wala yata sa bokabularyo nito ang mga salitang katahimikan at kapayapaan. Kaya wala siyang nagawa kundi ang tuluyang alisin ang unang tumatakip sa tenga niya, bumangon sa higaan at tinungo ang buwiset nilang pinto upang pagbuksan ito.

"Ano ba? May balak ka bang gibain ang pinto ng kwarto namin? Ang aga-aga nambubulahaw ka na agad. Magpatulog ka naman utang-na-loob—"

"Si Clarita?"

Kahit nahaharangan ang mukha ni Choleng ng kanyang buhaghag na buhok ay mabilis niyang nakilala kung sino ang nagmamay-ari ng boses na 'yon.

Hinipan muna niya ang mga hibla ng buhok na tumatabing sa kanyang mukha at doon niya nakumpirmang si Lucas pala ang kanyang kaharap. Muling sumigla ang kanyang umaga nang masilayan niya ito. Si Lucas lang talaga ang nagpapaganda sa kanya.

"Lucas? A-Ano'ng ginagawa mo rito?" Dali-dali niyang hinila papasok sa loob ng kanilang silid si Lucas at sinara ang pinto.

Wala ng pakialam si Choleng kung mukha siyang bruha sa paningin ni Lucas. Ang mahalaga ay maitago niya ito. Mahirap na, baka mamaya makarating na naman ang chismis kay Lolita.

"Bakit ka naririto?" Takang tanong niya rito.

"Na saan si Clarita? Nais ko siyang makausap."

Ay. Sayang.

Ang akala pa naman niya ay siya ang sadya ni Lucas. Si Clarita pala. Pero bakit nito hinahanap ang kaibigan niya? Saka bakit ganoon na lamang ito kasabik na makita si Clarita?

"Wala siya rito. Maaga siyang umalis para magsimba. Sasamahan ko sana siya ngayon kaso inaantok pa 'ko kanina at ang paalam niya pa sa 'kin ay dederetso siya sa bahay ni Rafael para ipaghanda ang kuya niya ng agahan—"

"Ituro mo sa akin kung saan nakatira si Tenyente Ruiz."

"Teka, sandali lang Lucas!" Awat agad niya rito nang bigla siya nitong hilahin para maglakad. "Ano ba'ng meron? Bakit parang nagmamadali ka?" Nalilitong tanong niya rito.

"Tama ka nga sa iyong mga ipinahayag noon sa akin. Ipinagtapat na rin sa akin kagabi ni Don Praxedes ang buong katotohanan kung sino ako, kung ano ang buhay ko noon bago nila ako kupkupin at mamuhay bilang isang Rueda."

Hindi niya inasahan ang mga narinig niya mula rito at hindi na siya nagtaka pa kung bakit Don Praxedes na ang tawag nito sa kinikilala nitong ama.

Sunod niyang naramdaman ay ang mahigpit nitong paghawak sa magkabila niyang balikat at nakikiusap na tinitigan siya nito sa kanyang mga mata.

"Sabihin mo sa akin kung na saan ang aking mga kapatid. Nais ko silang makita at makausap. Marami akong nais sabihin sa aking mga kapatid. Pakiusap Maria." Pakiusap nito sa kanya na para bang ikamamatay nito kapag hindi nito nakita ang mga kapatid nito.

Nahabag naman ang kanyang puso rito at sunod-sunod siyang tumango rito.

"Okay. Kumalma ka lang. Sasamahan kita kung saan nakatira si Rafael."


SA ISANG hindi kagandahan at munting silid-paupahan dinala ni Choleng si Lucas. Iyon ang bahay na kasalukuyang tinitirahan ni Rafael.

"D-Dito nakatira si Kuya Rafael?" Bakas sa tinig nito ang hindi maitagong habag na nararamdaman para sa kapatid nito.

Iyon ang unang beses na narinig ni Choleng na tinawag ni Lucas na kuya si Rafael. Napakaaga pa masyado pero anumang oras ay parang gusto na niyang maluha dahil hindi niya akalaing kay sarap palang pakinggan mula rito na tinatawag na nitong kuya si Rafael.

El Gobernador General De Mi CorazónМесто, где живут истории. Откройте их для себя