Kabanata 34

21K 1.2K 916
                                    

Si Haring Tamaraw at Si Daga

Ang Tamaraw ay isang uri ng mga hayop sa ating kagubatan. Siya ay malaki, mabilis at malakas. Iginagalang siya ng lahat ng kanyang nasasakupan. Minsan, nilibot ni Haring Tamaraw ang kagubatan. Dumating siyang pagod na pagod. Kaagad siyang nakatulog sa ilalim ng punong Narra. Dumating si Daga. Tuwang-tuwa siyang naglalaro sa may puno ng Narra. Sinaway siya ng mga ibon na nakadapo sa mga sanga ng puno. Ipinaalam nilang natutulog si Haring Tamaraw. Dali-daling tumakbong paalis si Daga. Hindi sinasadyang natapakan ni Daga ang paa ni Haring Tamaraw. Kumilos si Haring Tamaraw at naipit ang paa ni Daga. Umirit si Daga.

Nagising si Haring Tamaraw. Galit na galit siya. Hinuli niya si Daga at bilang parusa, kakainin sana niya ito. Nagmakaawa si Daga kay Haring Tamaraw. Nangakong hindi na siya uulit at sinabi pang baka siya'y makatulong kay Haring Tamaraw pagdating ng panahon. Pinakawalan at pinatawad ni Haring Tamaraw si Daga. Nagpasalamat naman si Daga.

Isang araw, naghahanap si Haring Tamaraw ng makakain sa kagubatan. Sa kanyang paglalakad ay natapakan niya ang isang patibong na hawla na panghuli ng malalaking hayop sa kagubatan. Napasok at nakulong sa hawla si Haring Tamaraw. Walang magawang tulong ang mga hayop. Nagkagulo sila at hindi malaman kung ano ang gagawin sa kanilang hari.

Walang anu-ano dumating si Daga na galing sa paghahanap ng pagkain. Nginatngat kaagad niya ang mga tali sa hawla. At nakalusot si Haring Tamaraw sa pagkakaligtas ni Daga sa kanya. Nagpasalamat si Haring Tamaraw kay Daga. Mula noon, naging mabuting magkaibigan si Haring Tamaraw at si Daga.


"MAHUSAY mga bata! Ang bilis ninyong matuto agad. Parang kailan lang nabubulol pa kayo sa pagbabasa pero ngayon, natapos niyo na ang kuwento nina Haring Tamaraw at Daga. Dahil diyan bibigyan ko kayo ng biko!"

Tuwang-tuwang nagpalakpakan ang mga mag-aaral ni Choleng na nasa gulang na pito hanggang sampung taong gulang.

"Mahusay po kasing magturo ang aming Maestra." Nakangiting wika ni Isko.

"Hindi lamang mahusay magturo kundi napakaganda rin niyang guro."

"Naku Igme, pagpalain ka nawa ng Panginoon." Tiningnan ni Choleng ang buong klase. "Tama 'yan. Dapat hindi niyo ikinakahiyang sabihin sa lahat ang katotohanang meron kayong napakagandang Maestra," at isa iyon sa mga nagustuhan niya sa mga mag-aaral niya. Napaka-honest.

Sa katunayan, isang linggo na si Choleng na nagtuturo sa paaralan na pinangangasiwaan nina Padre Crustacio at Padre Agripino. Matatagpuan ang paaralan sa loob din ng komunidad ng Calle Ezpleta malapit lamang sa tinutuluyan niyang paupahang-silid na pagmamay-ari ni Señora Agueda, ang nakababatang kapatid ni Alferez Almanza. Ilang kabahayan lamang ang lalakarin mula sa paupahang-silid na tinitirahan niya bago marating ang paaralan na iyon.

Magmula nang umalis siya sa hacienda ay kinabukasan niyon, ipinatupad agad ni Lucas ang kautusang nagbibigay ng pahintulot na maaari nang pumasok at makapag-aral sa lahat ng paaralan ang mga batang indio. Maraming mga magulang mula sa mahihirap na pamilya ang natuwa sa magandang balita na makakapag-aral na sa wakas ang kanilang mga anak at madadagdagan pang lalo ang kaalaman ng mga ito bukod sa mga basic na natutunan mula sa loob ng tahanan.

Si Lucas din mismo ang kumausap sa punong tagapamahala ng paaralan na kunin siya bilang bagong guro. Noong una ay malaki ang pagtutol ni Padre Crustacio dahil nag-aalinlangan daw ito sa kanyang kakayahan lalo na at babae raw siya. Isa pa, wala rin daw siyang maipakita ni isang dokumento ng kanyang pagkakakilanlan at katibayan na nakapagtapos nga siya sa kursong pagtuturo. Pinakiusapan pa rin ni Lucas si Padre Crustacio na tanggapin siya dahil malaki ang tiwala ng Gobernador-Heneral sa kakayahan niya. Sa huli ay napapayag ni Lucas ang prayle kaya nakakapagturo na siya sa mga bata.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now