Kabanata 56

14.8K 760 780
                                    

SAMPUNG guwardiya sibil ang nasawi sa naganap na kaguluhan kaya kaagad ang mga iyon na inihatid sa morge. Inutusan naman ni Lucas sina Karyo at Santiago na samahan sa pinakamalapit na pagamutan si Segundo maging ang iba pang mga guwardiya sibil na nagtamo nang malalalim na sugat upang mabilis na maasikaso at malapatan kaagad ng paunang-lunas. Si Ignacio naman ay inutusan upang pangasiwaan ang pagpapauwi sa mga babaeng alipin.

Ang mga natirang guwardiya sibil na mga galos at mabababaw na sugat lamang ang tinamo ay naiwan naman sa look na iyon. Lahat sila ay tinipon ni Alferez Almanza at hile-hilerang nakapila. Samantala, nasa unahan naman ng mga nakahilerang guwardiya sibil sa bandang gitna si Koronel Llerena at kasalukuyang pinauulanan ng sermon ni Lucas.

"Naiwan mo ba sa tahanan ang iyong utak Koronel Llerena? Kay taas ng iyong katungkulan. Tinitingala ka ng lahat. Ginagalang. Ngunit sa halip na ikaw ang tumayong mabuting halimbawa at mangunang apulahin ang gulo kanina, ano ang iyong ginawa? Nakisali at dumagdag ka pa!" Galit na bulyaw ni Lucas na Koronel na nakatayo nang tuwid ngunit hindi magawang makatingin nang tuwiran sa Gobernador-Heneral.

"Paumanhin, Gobernador-Heneral. Nagawa ko lamang ang bagay na iyon sapagkat anak na rin ang aking turing kay Heneral Rueda at mahalaga siya sa akin. Ayaw ko siyang mapahamak kaya kinailangan ko siyang protektahan." Paliwanag nito na hindi tinanggap ng Gobernador-Heneral.

"Hindi lamang ito ang unang pagkakataong ginawa mo ang ganitong bagay, Koronel." Mabilis na tugon agad ni Lucas nang mayroong tagpong nagunita ang isip. "Naiulat sa akin ni Joaquin na tinangka mo siyang pigilan noong nagkagulo rin sina Heneral Rueda at Heneral Ruiz sa merkado. Pinalagpas ko lamang ang tungkol doon sapagkat mayroon akong mga bagay na dapat pagtuunan ko ng aking pansin. Subalit inulit mo pa rin ang ginawa mo noon ngayon!"

"Ang duwelo ay isang duwelo. Hindi iyon maaaring panghimasukan nino man. Alam kong alam mo ang tungkol sa ganoon-"

Mahigpit na hinagip ng kanang kamay ni Lucas ang bahagi ng uniporme ng Koronel sa leeg.

"Kung tungkol naman sa walang katuturang bagay ang pinag-uugatan ng hindi pagkakaunawaan ay wala ring saysay ang iyong katuwiran! Inilagay ka sa katungkulang iyan sapagkat mayroon kang kakayahang supilin ang mga nagaganap na kaguluhan hindi tumunganga o makisali sa mali!"

Marahas na binitawan ni Lucas ang uniporme nito.

"Sa ginawa mo sampu ang nasawi nang dahil sa iyong kapabayaan!"

"Paumanhin-"

"Wala nang magagawa ang iyong paghingi ng paumanhin. Naganap na ang mga naganap. Mayroon nang nasawi at bilang kaparusahan ay anim na buwan kang suspendido sa iyong trabaho. Kalahati sa iyong sasahurin ay mapupunta sa mga pamilya ng sampung nasawi. Makukuha mo lamang ang kalahati ng iyong sasahurin sa oras na matapos ang iyong suspensiyon at isusuko mo ngayon din ang iyong mga armas."

Binalingan ni Lucas ang katabing si Alferez Almanza.

"Simulan mo nang bawiin ang mga armas ni Koronel Llerena."

"Masusunod."

Labag man sa kalooban ng Koronel ang naging kaparusahan ay kinailangan pa rin nitong tanggapin ang pasya ng Gobernador-Heneral at ibigay sa Alferez ang mga armas nito.

Habang binabawian ng armas si Koronel Llerena ay ang mga guwardiya sibil naman ang binalingan ni Lucas.

"Kayong lahat ay dalawang buwan namang suspendido. Makatatanggap pa rin kayo ng sahod subalit lalahok muna kayong lahat sa paglilinis, pagsasaayos at pagkukumpuni ng mga winasak ninyo rito sa look ganoon din sa iba pang mga pook sa Maynila. Nagkakaintindihan ba tayo mga guwardiya sibil?" Malakas na wika ni Lucas sa lahat.

El Gobernador General De Mi CorazónTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon