Kabanata 41

20.8K 1K 551
                                    

"MARAMING salamat, Gobernador-Heneral, sa iyong pagdalaw dito sa Santa Ana. Hindi talaga namin inasahan na kayo ay paririto kaya hindi namin napaghandaan ang inyong pagdating." Nakangiti ngunit nahihiyang wika ni Tatang Poncio─ang pinuno ng mga magsasaka sa malawak na bukirin na sakop ng bayan ng Santa Ana.

"Hindi na ninyo kailangan pang paghandaan ang aking pagdating Tatang Poncio. Gagastos lamang kayo nang malaki. Mas mainam kung itatabi na lamang ninyo ang inyong mga salapi upang mayroon kayong mahuhugot sa oras ng inyong pangangailangan." Magalang na tugon naman ni Lucas habang nakikipagkamay ito kay Tatang Poncio at sa iba pang mga magsasaka na nagtipon-tipon sa loob ng kubo ni Ka Ruperto.

Samantala, nakaupo lamang sa isang sulok si Choleng habang pinagmamasdan si Lucas maging ang mga magsasaka na nagkakatipon-tipon sa isang panglabindalawahang lamesa na gawa sa kawayan. Nakaupo sa magkabilang dulo ng lamesa sina Lucas at Tatang Poncio na nagpapalitan ng pag-uusap habang tahimik namang nakikinig ang ibang mga magsasaka.

Bandang ala una ng hapon ay narating nina Choleng at Lucas ang Santa Ana. Naging mainit naman ang pagtanggap ng mga magsasaka sa Gobernador-Heneral. Daig pa ni Lucas kanina ang isang artista dahil mula sa loob ng mga kabahayan ay naglabasan ang mga dalaga at ginang para makiusyoso para masilayan ang binata. Kulang na nga lang ay mamigay ng autograph si Lucas dahil agaw-pansin talaga ang hitsura nito. Iyon ang unang pagkakataon ng mga tagaroon na makita sa personal ang Gobernador-Heneral sapagkat malimit lamang makita ang binata ng mga ordinaryong tao. Kaya hangang-hanga ang mga taga-Santa Ana nang masilayan si Lucas.

Ayon sa kinuwento sa kanya ni Lucas habang nasa biyahe sila ay nakatanggap daw ito ng liham mula kay Tatang Poncio. Hinihiling daw ng mga magsasaka sa Gobernador-Heneral na kung maaari sana ay mabigyan ang mga ito ng karapatan sa lupang sakahan at kita sa inaani ng mga ito. Magmula kasi nang sakupin ng mga Kastila ang Las Islas Filipinas, dala-dala na ng mga mananakop ang konsepto ng lupaing pag-aari. Na lahat ng mga lupain sa bansa ay idineklarang pagmamay-ari na ng Espanya kung kaya't nagresulta iyon sa pagkawala ng karapatan ng mga Pilipino sa katutubong lupa.

Dahil walang pag-aaring lupain ang mga magsasaka kung kaya't inaabuso ng mga nasa matataas na posisyon ang mga magsasaka. Gaya na lamang ng Compras y Vandalas. Isa iyong sistemang sapilitang pagbebenta o pagsuko ng mga agrikulturang ani, produkto, o kalakal ng mga magsasaka sa pamahalaang Kastila sa mababang halaga at muling ibebenta ng mga encomiendero na may malaking tubo. Nang dahil sa sistemang ito ay nababarat at nalulugi ang mga magsasaka o iba pang manggagawang Pilipino.

"Sa katunayan, wala naman akong nakikitang suliranin sa inyong mungkahing nais mangyari Tatang Poncio at ibig ko ring ipagkaloob ang inyong munting kahilingang iyon alang-ala sa inyong mga pamilya. Huwag kayong mag-alala, sa lalong madaling panahon ay aasikasuhin ko ang tungkol dito. Sa ngayon, pumarito ako upang mag-abot sa inyo ng tulong upang makabili kayo ng karagdagang kagamitan na maaari ninyong magamit sa inyong pagsasaka at abono upang mapangalagaan nang mabuti ang mga pananim at lupa..."

Marami pang binanggit si Lucas sa pakikipagpulong nito kina Tatang Poncio pero hindi na iyon nasundan ni Choleng ang iba pang pinag-uusapan dahil tahimik na siyang lumabas mula sa loob ng kubo. Ayaw niya kasing makaabala sa pagpupulong. Saka gusto rin niyang makita ang malawak na sakahan sa pook na iyon. Para tuloy siyang nasa probinsya nang salubungin siya nang banayad at maligamgam na ihip ng hangin. Napakasarap sa pakiramdam. Tahimik, payapa, at merong peace of mind. Ganoong klase ng pakiramdam ang hinahanap niya.

Nang matapos ang kanyang klase ay naabutan siya ni Lucas sa loob ng silid-aralan na nagliligpit ng mga gamit. Nag-alala pa nga siya na baka nasundan na naman ito ni Lolita, pero ang sabi nito ay pinakiusapan daw nito si Rafael na pansamantalang ang kapatid muna ang makakasama ng bruhang 'yon sa pamamasyal. Medyo nahirapan pa raw si Lucas na pakiusapan ang kapatid nito dahil unang-una, hindi raw gusto ni Rafael ang kamalditahan ni Lolita. Mukhang na-sample-an din siguro si Rafael ng katarayan ni Lolita kaya ganoon ang pagtutol nito kay Lucas. Pero sa huli ay nagawa rin naman ni Lucas na makuha ang pagpayag nito. Kaya kasa-kasama siya nito patungong Santa Ana.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now