Kabanata 19

23K 1.5K 381
                                    

"NGAYON, sabihin ninyo sa akin kung sino ang inyong pinuno?" Sapagkat maganda ang araw ng Gobernador-Heneral ay napagpasyahan nitong bigyan nang maayos na mauupuan sina Anastacio at Hidalgo. Naroroon pa rin sa katawan ng dalawang bihag ang mga sariwang latay maging ang ibang mga sugat na nanunuyo habang nakagapos ang mga kamay.

Kasalukuyang kaharap ng Gobernador-Heneral ang dalawang bihag habang nakapagitan at may sapat na agwat ang mesang yari sa kahoy. Ang mga guwardiya sibil naman sa buong paligid ay nagbabantay at nagmamasid sa kaganapan sa loob ng piitan. Tapos na ang limang araw na palugit na ibinigay ng Gobernador-Heneral sa dalawang bihag. Kaya muling binalikan ng Gobernador-Heneral ang dalawang bihag upang usisain sa ilang mga katanungang ibig nitong mabigyan ng katugunan.

"S-Si Rafael, Gobernador-Heneral. Subalit matagal na kaming walang anumang komunikasyon sa kanilang pangkat." Tugon ni Hidalgo sa Gobernador-Heneral sa kabila ng hapdi sa katawan.

"Maraming nagmamay-ari ng pangalang Rafael. Maaari ba ninyong tukuyin kung sino itong Rafael na inyong pinuno? Maaaring sagisag-pangalan lamang ang inyong binabanggit sa akin."

"Rafael Antonio de Lara y Ruiz ang buong pangalan ng dati naming pinuno." Si Anastacio ang tumugon para kay Hidalgo.

Hindi naman nagulat ang Gobernador-Heneral sa pangalang binanggit ni Anastacio sapagkat hindi naman lubos na kilala ng binata ang Rafael na iyon. Ang mahalaga ay batid na ng Gobernador-Heneral ang buong pangalan ng pinuno ng kilusan.

"Siya ba ang nag-utos sa inyo upang ako ay ipapaslang?"

"Ang totoo niyan, Gobernador-Heneral─"

"Matagal nang napag-usapan ng aming pangkat na paslangin ang itatalagang Gobernador-Heneral upang mabatid ng lahat lalo na ng mga naghaharing prayle sa bansang ito kung sino ang nararapat na katakutan."

Paklang natawa ang Gobernador-Heneral mula sa nabatid na pahayag. "Kay lakas naman ng kanyang loob na gawin ang kalapastanganang iyon sa akin. Ngayong hindi nagtagumpay ang inyong binabalak at humihinga pa rin ako, ipakikita ko sa kanya kung sino ang dapat na kinatatakutan. Siyanga pala, bakit hindi na kayo kabilang sa kanilang pangkat?"

"Sapagkat inagaw lamang ni Rafael ang pamumuno sa akin." Tugon agad sa kanya ni Anastacio. "Ako ang nagtatag sa aming pangkat subalit si Rafael ang higit na pinili ng nakararami. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin matanggap na itinakwil nila ako sa sarili kong pangkat nang minsan hindi ako sumang-ayon sa kanilang mga balak. Iyon nga ay ang paslangin ka. Sinabi ko sa kanila na kung sakali mang magtagumpay ang aming balak ay ito na ang una at huling misyon na aking gagawin bago kami ng aking pinsan na tuluyang tumiwalag sa pangkat. Ngunit kami ay nabigo at ang mga paa namin ngayon ay nalalagay sa hukay ng kamatayan."

"Mayroon akong ibibigay na panukala sa inyong dalawa." Batid ng Gobernador-Heneral na hindi matatanggihan ng dalawang bihag ang magiging alok. "Nauunawaan ko ang inyong nadaramang galit at poot laban sa inyong pinuno. Ibig kong iurong ang hatol ninyong bitay at ihanay kayo sa mga tapat kong guwardiya sibil upang makapagsimula kayong muli ng iyong pinsan. Kung ibibigay ninyo sa akin ang inyong buong katapatan sa aking pamamahala."

Nagbabantulot man ang dalawang bihag ay pinili pa rin ng isa sa kanila ang magsalita.

"A-Ano naman ang magiging kapalit niyon, Gobernador-Heneral?" Usisang tanong ni Hidalgo.

"Maliit na bagay lamang ang kapalit. Ibig kong sabihin ninyo sa akin kung saan ko maaaring matagpuan ang pook na pinagkukublihan ng pangkat ni Rafael?"

"Hindi namin magagawang tugunin ang katanungang iyan, Gobernador-Heneral. Palipat-lipat ng pook ang pangkat ni Rafael at ngayon ay hindi namin batid kung na saan sila ngayon." Pag-imporma ni Anastacio sa Gobernador-Heneral.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now