Kabanata 61

12.4K 628 396
                                    

SA LOOB ng isang linggo na kasa-kasama nina Choleng at Clarita sa katabing silid ang pamilya Emerencia ay nasaksihan nilang magkaibigan ang malungkot na sinapit ng mag-anak. Ang dating ginagalang at tinitingala na si Don Francisco ay namamasukan na lamang ngayong tagalinis o pobreng janitor sa Unibersidad de Santo Tomas at dakilang utusan ng mga guro at pari. Si Donya Chiquita naman ay wala pa ring pinagbago ang pag-uugali. Matapobre, mayabang, maarte, choosy, feeling Donya pa rin, at sakit sa ulo ni Don Francisco.

Hindi rin nagkukusang humanap ng paraan para makatulong sa asawa nito. Ginawa nang sideline ni Donya Chiquita ang araw-araw nitong pagpaparinig sa mga tao. Kaya palagi ring laman ng away sa kalsada si Donya Chiquita kapag inaasar at pinagtatawanan ng mga dumaraang mga indio o mga dati nitong nakakahalubilong mayayaman. Palagi ring bukambibig ng Donya na babalik din isang araw ang dati nitong mariwasang pamumuhay at pagsisisihan daw iyon ng mga taong kumukutya sa pamilya ng Donya.

Samantala, naging katuwang o assistant naman si Lolita ni Tatang Lucio sa tindahan nitong mga prutas sa merkado. Mabuti na lang mabait si Tatang Lucio at naiintindihan ng matanda ang kasalukuyang pinagdaraanan ni Lolita. Sa katunayan, si Tatang Lucio pa ang nahihiya para kay Lolita dahil hindi sanay ang matanda na inuutus-utusan nito ang dating binibini. Kaya mga magagaang gawain lang ang binibigay ng matanda kay Lolita gaya halimbawa ng pagbabalot ng mga nabiling prutas ng mga suki ng tindahan pati na rin ang simpleng pagsusukli.

Mahina at makalilimutin na rin sa numero si Tatang Lucio at kung minsan ay nadadaya pa sa panunukli ng mga magugulang na guwardiya sibil at ibang suki. Dahil matalas ang isip ni Lolita sa mga numero at hinasa pa iyon sa pag-aaral kaya napag-isipan ng matanda na sa dalaga na lang ibinigay ang gawaing pagsusukli. Kaya magmula nang maging assistant ni Tatang Lucio ang dalaga ay wala nang nagtangka pang gulangan ang matanda dahil sa mataray na mga tingin at tumataas na kilay pa lang ni Lolita ay wala ng mga suki ang nakakapalag.

Minsan uling sinubukan ni Choleng na kausapin si Lolita kaso palagi lang siya nitong iniiwasan. Halatang ayaw na ni Lolita na pag-usapan pa ang tungkol sa nakaraang napag-usapan nila. Kung talagang ayaw makipagtulungan sa kanila si Lolita, okay lang sa kanya. Hindi naman sumama ang loob ni Choleng kung ayaw man ni Lolita na tumulong sa kanila ni Clarita dahil naiintindihan naman niya ang kasalukuyang sitwasyon nito. Pamilya ang unang priority ni Lolita. Kaya wala siyang karapatan para panghimasukan ang desisyon nito sa buhay.

"Saan ba tayo pupunta Clarita? Puro mga tsekwa na ang nakikita ko rito." Tukoy ni Choleng sa mga Chinese vendors na abala para kumuha ng pansin ng mga suki habang nakasunod siya kanyang kaibigang nauuna sa kanya sa paglalakad.

"Nakatanggap ako ng isang liham galing kay Ludivila kahapon. Pinaaabot daw iyon ni Joaquin para sa atin at ibig niyang makipagkita tayo sa kanya rito sa Binondo." Pag-imporma sa kanya ni Clarita habang ang pansin nito ay nasa daang nilalakaran nila. "Halika, lumiko tayo sa gawing iyon."

Kaagad namang sinunod ni Choleng ang sinabi ni Clarita at lumiko sila ng daan sa gawing kanan. Ilang lakaran pa ang kanilang binuno bago sila huminto sa tapat ng isang nakabukas na Medieval wooden door na hugis paarko ang tuktok at nakadikit sa ibabaw niyon ang isang karatula na may nakasulat na Taberna de Gaudencio. Isa iyong pook kung saan doon nagkakatipon-tipon ang mga ordinaryong tao para uminom ng mga nakalalasing na uri ng alak. Naglalako rin ang pook na iyon ng mga makakain para sa mga suki. At nagsisilbi ring maliit na panuluyan o inn sa mga manlalakbay mula sa malalayong pook na maaari nilang upahan nang ilang gabi sa murang halaga.

Ingay kaagad ng mga tao ang sumalubong kina Choleng ay Clarita nang pasukin nila ang loob ng taberna. Magulo, makalat, at amoy-alak ang buong paligid. Karamihan din sa mga suki ng tabernang iyon ay mga kalalakihang naglalasing habang ang iba naman ay abala sa pakikipaglaro gaya ng bunong-braso. May mangilan-ngilan ding kababaihan ang makikita roon na tagahatid ng mga alak at pagkain ng mga suki. Pero meron ding mga bilang na kababaihan ang nag-aalok ng libreng aliw sa mga lalaki. Sila ang mga tinatawag na mga babaeng mabababa ang lipad.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now