Kabanata 35

21.8K 1.3K 510
                                    

KASALUKUYANG nauuna sa pakikipagkarera sa kabayo si Koronel Llerena kay Iñigo. Nakasalubong ng binata ang Koronel sa paglilibot-libot sa labas ng Calle Ezpleta upang ipasyal ang kaniyang kayumangging kabayo na si Asturia. Hindi kilala ng binata ang Koronel dahil iyon ang unang pagkakataon na makita ang matanda.

Mula sa naging salaysay ng Koronel, dati na itong naglingkod kay Espartero bago raw ito inilipat sa Sugbu (Cebu) upang makadagdag sa puwersang militar kung sakali mang may rebolusyong maganap. Hanggang sa napagpasyahan ng Koronel na lumuwas sa Maynila nang makarating sa matanda ang balitang nasukol ng hukbo ng Gobernador-Heneral ang mga rebelde sa Laguna.

Muling pinatulin ni Iñigo ang takbo ni Asturia. Hindi siya ang klase ng taong magpapatalo sa laban. Isa iyon sa mga aral na natutuhan niya sa kanyang ama. Na isang malaking kahihiyan ang magahis o maging mahina sa laban. Kaya isa sa mga hinahangaan niya sa militarya ang kanyang kapatid. Marami na kasi itong naipanalong mga laban sa digmaan at ang kapatid niya ang nagsilbing ehemplo sa kanyang buhay.

Subalit may mga pagkakataon na nakakaramdam siya ng kalungkutan sa kanyang sarili dahil kahit na sabihin niyang pumapangalawa na siya sa ranggo na sunod lamang sa kanyang kapatid ay mahina pa rin ang tingin ng kanyang ama sa kanya. Labis din siyang nabahala noong isang linggo para sa kanyang kapatid dahil iyon ang unang pagkakataong tinawag na mahina at basura ito ng kanilang ama kaya galit siya sa mga rebelde na naging dahilan kung bakit nagkakalabuan ngayon ang kanyang ama't kapatid.

"Ang buong akala ko ay mananatili ka na lamang doon sa dulo. Nagkamali pala ako ng aking akala." Natatawang puna ng Koronel sa kanya nang makahabol si Asturia sa kabayo nito.

"Hindi mo dapat minamaliit ang aking kakayahan Koronel. Kahit na sabihin pa nating mas matanda at maraming taon na ang iyong karanasan sa militarya, kayang-kaya kong higitan ang iyong kakayahan." Seryosong tugon niya rito.

Pantay na sila ngayon ng bilis ng kanilang itinatakbo kaya nakakausap na nila ang isa't isa.

Natawa ang Koronel sa kanyang sinabi. "Tila hindi maganda ang iyong araw, Heneral. Kanina lamang ay masayang-masaya ka subalit ngayon ay mayroong nagbago sa iyo. Hindi ako sanay na kasing seryoso mo na ngayon ang Gobernador-Heneral kahit na kanina lamang tayo nagkakilala."

"May bigla lamang sumagi sa aking isip na nakapagsama sa aking araw."

"Maaari ko bang malaman kung ano itong gumugulo sa iyong isip?" Usisa nito sa kanya.

"Tungkol ito sa mga rebeldeng tinulungan ng aking kapatid upang makaligtas sa kamatayan. Malaki ang aking galit laban sa kanila dahil sinisira nila ang aming pamilya lalo na ang maayos na relasyon ng aking ama't kapatid."

"Pareho pala tayo ng ating nararamdaman. Hanggang ngayon ay galit pa rin ako sa kanila. Sila ang dahilan kung bakit maagang namayapa ang dati kong kaibigan na isang tenyente na pinalitan ni Rafael." May halong kapaklaang wika nito nang banggitin nito ang pangalang iyon.

Agad kumunot ang noo ni Iñigo sa narinig. Parang narinig na niyang binanggit iyon sa kanya ni Choleng noong nasa merkado sila.

"Rafael? Sino naman ang taong iyon?"

Kahit pangalan pa lamang ang binanggit ng Koronel ay nakaramdam na siya ng iritasyon sa lalaking binanggit nito.

Mayamaya ay nagtaka si Iñigo nang biglang bumagal ang pagpapatakbo ng Koronel sa kabayo nito. Nalagpasan tuloy niya ito sa tulin ng takbo ng kanyang kabayo. Subalit agad din niyang pinahinto sa pagtakbo si Asturia at pumihit pabalik kung saan kasalukuyang nakahimpil ngayon ang Koronel na may kung sinong tinatanaw sa kabilang kalsada.

"Mayroon ba ng suliranin, Koronel?" Takang tanong ni Iñigo rito.

"Ang lalaking nakatayo sa labas ng himpilang gusaling iyon ay si Rafael Antonio de Lara y Ruiz. Siya ang Tenyente na aking tinutukoy na pumalit sa aking kaibigan." Pakilala nito sa kanya na hindi binabali ang tingin sa kabilang kalsada.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now