Kabanata 68

15.8K 811 1.4K
                                    

WALANG namutawing salita mula kay Choleng matapos marinig ang ipinagtapat sa kanya ni Lolita. Lutang at hindi pumapasok sa isip ni Choleng na ang ama ni Lolita ang pumaslang kay Don Praxedes. Sa pagkakakilala niya sa ama ni Lolita ay isa itong mabuti at maunawaing tao. Kaya ganoon na lamang ang gulat ni Choleng matapos niyang malaman na si Don Francisco pala ang nasa likod kung bakit nagkakagulo-gulo ngayon ang mga anak ni Don Praxedes. Tila hinihiwa rin ng punyal ang puso ni Choleng sapagkat si Iñigo ang sumalo ng kasalanang hindi nito ginawa at nadamay sa galit ni Rafael si Donya Cruzita!

"Ibig sabihin ay si Don Francisco ang kapatid nina Don Rejinaldo at Don Praxedes? At siya rin ang nasawing binata noon sa digmaan na dapat magmamana ng mga kayamanan ni Don El Cid?" Sambit ni Choleng habang pinipilit ng kanyang isip na iproseso ang samu't saring pangyayari na inisang bagsakan sa kanyang mukha.

"Nagkakamali ka Choleng. Hindi anak ni Don El Cid ang aking ama. Siya ay anak ni Donya Blanca kay Mendanio na isang hardinero ng kanilang hacienda."

Kung ganoon ay anak pala ni Donya Blanca sa ibang lalaki si Don Francisco at pinagtaksilan si Don El Cid! Muli namang ipinagpatuloy ni Lolita ang iba pa nitong sinasabi.

"Hindi batid ni Don El Cid na siya ay pinagtataksilan ni Donya Blanca. Nang magbunga ang kanilang kataksilan ni Mendanio, pinili ng Donya na ilihim ang tungkol sa ama ng kanyang dinadala. Humaharap din noon sa suliranin ang mga magulang ni Donya Blanca matapos malaman ng gobyerno sa Italya na ang kanyang ama ay kabilang sa mga gumagawa ng katiwalaan at nanganganib na mawala ang kanilang mga ari-arian. Kailangan nila ang salapi ng kanyang kabiyak upang sila ay masagip sa napipintong karalitaan. Kaya sa oras na mabatid ni Don El Cid ang ginawang kataksilan ni Donya Blanca ay itatakwil siya nito bilang kabiyak. Mawawala sa kanya ang mariwasang pamumuhay at siya ay pupulutin sa lusak. Ngunit ibig ni Mendanio na makuha ang karapatan nito bilang ama sa kanyang anak na noon ay isa nang binata na hindi pinahintulutan ng Donya sapagkat pareho silang malalagay sa alanganin. Ngunit mapilit si Mendanio sa kanyang ipinaglalaban kaya naisip niyang isiwalat ang buong katotohanan kay Don El Cid. Pinalayas sa hacienda si Donya Blanca kasama ang kanyang kalaguyo maging ang aking ama na noon ay matagal nang suwail at nakagagalitan ni Don El Cid."

Napilitan palang magpakasal ni Donya Blanca kay Don El Cid para sa kayamanang taglay ng pamilya Rueda. Tanging salapi lamang ang mahalaga sa donya at natatakot itong mawala ang karangyaang tinatamasa maging ang luhong nakukuha nito mula sa salapi ng kabiyak. Kaya naisip ng Donya na ilihim ang ginawang kataksilan kung sino ang ama ng ipinagdadalang-tao nito at lasunin ang isip ni Don El Cid upang mapaniwala na ang kabiyak ang ama ni Don Francisco.

"Gumuho ang mundo ng aking ama sapagkat hindi niya matanggap na siya ay nawalan ng karapatan bilang tagapagmana ni Don El Cid sa isang kisapmata nang dahil siya ay anak ng kanyang ina sa ibang lalaki. Iyon ang dahilan kung bakit ganoon na lamang ang kanyang pagkamuhi sa kanyang kapatid na si Don Rejinaldo na matagal na niyang kakumpitensiya sa paningin ni Don El Cid. Kaya tiyak nang si Don Rejinaldo ang magmamana sa lahat ng ari-arian ng pamilya Rueda sapagkat siya lamang ang nag-iisang anak ni Don El Cid kay Donya Blanca. Kaya inutusan ng aking ama si Koronel Llerena noong nakaraang taon na ipadala kay Don Rejinaldo ang kanyang handog na naglalaman ng mga botelya ng isang nakalalasong halaman. Sa ganoong paraan ay magawa ng aking ama na kumbinsihin ang aking tiyuhin na ipasa sa kanyang pangalan ang habilin ni Don El Cid kapalit ang panlunas na magpapabuti sa kalagayan ng kanyang kapatid. Ngunit nagmatigas ang aking tiyuhin mula sa liham na kanyang ipinadala noon sa aking ama at sinabing gagawin niya ang lahat upang hanapin ang kinaroroonan ng unang anak ni Don El Cid hanggang sa nalalabi nitong buhay. Kaya nang mabatid ng aking ama ang balita mula kay Señor Eguia na si Don Praxedes ang matagal nang pinahahanap ni Don Rejinaldo na tagapagmana ni Don El Cid ay doon nagsimulang magkalamat ang kanilang pagkakaibigan. Si ama rin ang nasa likod ng pagkasawi ng pamilya ni Ludivila."

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now