Kabanata 22

26K 1.5K 428
                                    

"NAGAWA na namin ang iyong ipinag-uutos, Gobernador-Heneral." Iyon kaagad ang bungad na balitang natanggap ng binata mula sa guwardiya sibil na nagbabantay sa piitan ni Clarita nang makapasok sa loob ng karsel kasama si Alferez Almanza at Tenyente de la Cuesta.

"Mahusay, guwardiya. Ihatid mo ako patungo sa kanyang piitan." Utos ng Gobernador-Heneral.

"Masusunod! Dito po tayo dumaan."

Nagpatiuna ang guwardiya sibil bago sumunod ang Gobernador-Heneral at Alferez. Hindi kaagad nakasunod ang binata kanina matapos nitong ipadakip sa mga guwardiya sibil Clarita nang makatanggap dumatal si Tenyente de la Cuesta na may dalang liham. Nagmula ang liham na iyon sa pangkat ng kanyang kaaway at ang Tenyente ang nakatanggap ng liham na iyon. Mula sa nabasang liham ay hawak ng pangkat ng rebelde si Maria.

Ibabalik lamang ng pangkat ang Binibini kung diringgin ng Gobernador-Heneral ang kahilingan na palayain ang mga taong walang kasalanan sa batas maging ang mga napagbintangan lamang. Naisin mang pilasin ang liham ay hindi rin nagawa ng Gobernador-Heneral sapagkat hindi nito kayang isawalang bahala ang lahat lalo na ang Binibini. Hindi ibig ng binata na mapahamak ang dalaga sa mga kamay ng kanyang kaaway. Lalong hindi maaaring basta na lamang masawi si Maria!

Mapakikinabangan pa ng binata ang Binibini. Marami pang maitutulong ang Binibini upang mapanatili ang katungkulan ng binata sa Las Islas Filipinas. Hinding-hindi nito hahayaan na matulad sa ibang mga nagdaang gobernador-heneral na mabilis ding pinalitan. Huminto ang Goberndor-Heneral maging ang Alferez at Tenyente sa tapat ng rehas ng piitan kung saan doon nakabilanggo si Clarita.

Mula sa loob ay nakatanikala ang mga kamay ni Clarita maging ang mga paa nito na tila ba isang hayop at rinig na rinig sa buong pasilyo ang malakas na alingawngaw ng haginit ng latigong lumalatay sa katawan ng tagapagsilbi maging ang malakas nitong paghiyaw sa labis na sakit at hapdi. Marungis na rin ang suot na baro't saya ni Clarita at punong-puno na rin iyon ng mantsa ng dugo mula sa sugat na tinamaan ng dalawang bala.

"Magbigay-galang sa ating Gobernador-Heneral!" Wika ng guwardiya sibil nang tuluyan nitong buksan ang rehas ng piitan.

Huminto sa ginagawang paghagupit ang dalawang guwardiya sibil at mabilis ding nakilala ang pagdating ng Gobernador-Heneral.

"Iwan ninyo muna kami." Utos ng Gobernador-Heneral sa mga guwardiya sibil nang pumasok sa loob ng piitan. Sumunod naman ang dalawang guwardiya sibil at lumabas. Nagpaiwan naman sa labas ng piitan ang Alferez at Tenyente upang magsilbing bantay.

Lumapit ang Gobernador-Heneral kay Clarita na walang anumang bakas ng emosyong mababanaag sa mukha. Wala ring mababakas na habag sa mukha ng binata sapagkat kapatid si Clarita ng lalaking naging dahilan kung bakit muntik na itong malagay sa bingit ng kapahamakan maging si Maria. Isang mabigat na kasalanan ang nagawa ng kapatid ni Clarita na kailan man ay hindi magagawang pawiin ng anumang pakiusap ang nadaramang pagkamuhi ng Gobernador-Heneral.

"Nakatanggap ako ng liham mula sa iyong kapatid, Clarita. Bihag nila si Maria simula pa kahapon nang siya ay mawala. Kaya huwag ka nang magmaang-maangan na wala kang nababatid sa mga kaganapang ito kung bakit sa buong pag-aakala ko ay tunay ngang tinakasan ako ni Maria. Batid kong ikaw ang nasa likod ng lahat kung bakit siya ngayon ay bihag ng aking kaaway." Walang palikaw-likaw na pahayag ng Gobernador-Heneral sa tagapagsilbi.

Hindi tumugon si Clarita o nagbigay ng anumang komento naging pahayag ng binata at nanatiling tikom ang bibig.

"Hindi na kataka-taka kung bakit hindi napuna ng aking mga guwardiya sibil na si Maria ay nawawala sa kanyang silid. Batid kong sinamantala mo ang pagkakataon na utusan kang humingi ng makatutulong sa kusina at sinadya mong hingian ng tulong ang tatlong guwardiya sibil. Ispiya ka ng iyong kapatid kaya may kakayahan kang matiyagan ang bawat galaw ng mga tao sa loob ng Hacienda Rueda. Subalit hindi ako isang mangmang upang hindi ko mapagtanto ang lahat-lahat."

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now