Kabanata 38

17.8K 1.1K 382
                                    

MALALIM na ang gabi ay hindi pa rin dinadalaw ng antok si Lucas. Ni hindi nga niya pinagbuksan ng pinto si Iñigo nang subukan nitong katukin ang kanyang silid. May mahalaga siguro itong sasabihin sa kanya dahil sunod-sunod ang pagkatok nito. Subalit hindi niya iyon pinansin. Naulinigan na lamang niya ang tinig ng kanyang ina at sinabihan si Iñigo na maaga siyang nagpapahinga. Hindi na siya tumutol pa sa narinig niyang sinabi ng kanyang ina dahil wala rin siyang oras upang makipag-usap sa kahit kanino. Kahit kay Iñigo. Nagpapasalamat siya dahil nauunawaan ng kanyang ina ang kasalukuyang estado ng kanyang damdamin.

Magdamag niyang inisip ang mga sinabi sa kanya noon ni Maria nang huli nilang pagtalunan ang tungkol sa kaso noon nina Rafael. Kung bakit ganoon na lamang ito kadeterminadong palayain niya sina Rafael. Subalit hindi niya pinakinggan ang pakiusap nito noon sa kanya. Kaya pala labis-labis din ang galit sa kanya noon ni Maria sa sinapit ni Clarita sa kanya ay dahil...

Nahagip ng isang kamay ni Lucas mula sa mababaw na kabinet na malapit sa kanyang kama ang babasaging plorera at malakas na ibinato iyon kung saan. Lumikha iyon nang malakas na ingay nang tumama ang plorera sa pader ng kanyang silid. Wala siyang pakialam kung makabulahaw man siya ng mga taong natutulog ng disoras na ng gabi.

Bigat na bigat ang kanyang kalooban sa tuwing nagbabalik sa kanyang alaala ang mga pagkakasalang nagawa niya sa kanyang mga kapatid. Tila naninikip ang kanyang dibdib sa tuwing isa-isang bumabalik sa kanyang gunita ang mga pinagdaanan noon ni Clarita sa piitan na halos lunurin niya sa tubig at ang pagkakabaril niya kay Rafael na humantong sa pagnanais niyang bitayin ang inaakala niyang kaaway.

"Ikaw pinakawalang kwentang Gobernador-Heneral na nakilala ko. Wala kang ibang alam kundi ang manduhan ang mga tao sa paligid mo. Ni hindi mo iniisip kung paano mapapabuti ang kalagayan ng mga mamamayang naninirahan dito. Mas karapat-dapat pa si Rafael diyan sa posisyon mo. Alam mo kung bakit? May malasakit kasi siya sa kapwa niya at alam niya kung ano ang nakakabuti sa kanila. Hindi gaya mo na walang puso!"

Tama ang mga sinumbat sa kanya noon ni Maria. Wala siyang silbi at walang puso dahil kapwa mga kauri niya ay nagawa niyang paslangin.

"Akala mo ba hindi ko malalaman ang ginawa mo kay Clarita? Hindi makatao ang ginawa mo sa kanya! Ano ba'ng utak meron ka, Lucas? Bakit kinailangan mo pang saktan ang kaibigan ko? Kulang na lang mabaldado siya sa ginawa mo!"

Napakalaki ng kanyang nagawang kasalanan kay Clarita. Hindi niya alam kung paano niya haharapin si Clarita. Walang kapatawaran ang kanyang ginawa rito.

"Maraming salamat, Gobernador-Heneral, at pinatatawad na rin kita sa iyong mga nagawa."

At ang higit na dumurog sa kanyang puso ay ang winika sa kanya ni Rafael na kung gaano ito taos-pusong nagpapasalamat at ang hindi nito mapagdamot na pagpapatawad sa kanya.

Iisang paraan lamang ang tangi niyang naiisip upang magbayad ng kanyang mga nagawang kasalanan sa mga taong kanyang inagrabaydo at pinagkakautangan. Kinuha ni Lucas ang kanyang baril sa ilalim ng kanyang unan. Pinagmasdan muna niya ang kanyang baril. Iyon din ang baril na kanyang ginamit upang kumitil ng mga inosenteng buhay. Iyon din ang baril na nakapanakit kay Rafael. Pagkatapos ay itinapat niya ang dulo ng baril sa kanyang kanang sentido.

Kung buhay ang kanyang kinuha, kinakailangan din niyang ibayad ang sarili niyag buhay. Sa ganoong paraan, manahimik na ang usig ng kanyang konsensya. Pumikit siya at handa na niyang kalabitin ang gatilyo niyon nang makarinig siya ng tinig.

"Diyos ko Lucas!"

Ang tinig ng ina ang kanyang narinig.

Sa bilis ng pangyayari ay nagawa nitong maagaw sa kanyang kamay ang hawak niyang baril.

El Gobernador General De Mi CorazónWhere stories live. Discover now