Prologue

215K 4.8K 1.5K
                                    

Hindi sila matahimik, pilit nila akong binabagabag. Hindi sila titigil hangga't hindi nila nakakamit ang hustisyang ninanais nila.

Simula noong namatay si Ate kasama ang mga kaibigan niya, para bang laging may nakasunod sa akin. Nagmamatyag at pilit na binabantayan ang bawat galaw ko.

Naguguluhan ako dahil nakakakita na ako ngayon ng mga kaluluwang ligaw. Noon, naririnig ko lang sila pero ngayon, ginagambala na nila ako.

Isang kaluluwang itim ang madalas na tumatabi sa akin tuwing gabi kapag ako'y matutulog. Oo natatakot ako, lahat ng balahibo ko sa katawan ay nagsisitayuan dulot ng kaba, takot at sindak.

Pero kahit na ganoon, may kaluluwang puti naman ang nararamdaman kong laging yumayakap sa akin sa tuwing natatakot ako. Nagiging komportable naman ang aking pakiramdam nang dahil doon.

Namimiss ko na si Ate. Kung nasaan man siya ngayon, tiyak na masaya na siya. Alam kong nasa tabi ko lang siya at ginagabayan niya ako.

"Morixette? Umiiyak ka ba?" Bungad ng kaibigan kong si Divine habang may bitbit-bitbit na libro.

Nandito ako ngayon sa may canteen dahil hindi na ako nakapag-agahan pa kanina.

Pinunasan ko ang mga luhang walang patid sa pagtulo. "Asus, napuwing lang ako." Palusot ko.

Ibinaba niya ang kaniyang gamit sa may lamesa at tumabi sa akin. Nagulat ako dahil niyakap niya ako ng mahigpit.

"Hindi masamang umiyak. Kung hindi mo na talaga kayang pigilan ang sakit, ilabas mo. Isigaw mo, iiyak mo." Aniya.

"Kilala kita, ayaw mong may nakakakitang mahina ka. Kaya noong burol ng ate mo, hindi ka umiiyak. Pero nang puntahan kita minsan sa kwarto mo, nakita ko kung gaano kasakit para sayo ang nangyari sa kaniya. Iiyak mo lang." Dugtong pa niya.

Hindi ko na napigilan pa ang aking emosyon at tuluyan na ngang sumabog ang matagal ko ng kinikimkim sa aking dibdib. Rumagasa ang mga nagbabadyang luha na kanina pa nais kumawala.

"Bakit ba kasi ganoon? Pinatay siya nang walang kaamor-amor? Napakasama talaga nung killer! Wala siyang puso! Pati inosenteng tao ay dinamay niya!" Pahayag ko habang yakap-yakap pa rin ang aking kaibigan at humahagulgol sa sobrang poot dahil sa sinapit ng aking kapatid.

"Hindi lang iyon eh! Binaboy pa niya! Hindi siya nakuntento! Asal hayop siya! Masunog sana ang kaluluwa niya sa impiyerno!" Giit ko dulot ng galit.

"Sige, ilabas mo lang. Nandito lang ako para sayo." Turan ng aking kaibigan habang hinahagod ang aking likuran.

"Haha, ang drama niyo! Pwe!" Bungad ni Denise habang nakapamewang sa aming harapan at nakataas pa ang kanan niyang kilay.

Siya ang kinabubwesitan ng lahat dito sa aming school. Akala mo kung sinong reyna, napakamaldita niya! Ang sarap tuhugin ng kaniyang mga mata.

"Wala kaming panahon para sayangin ang aming mga laway sa isang tulad mo. Kaya kung maaari lang, umalis ka na sa aming harapan." Pahayag ko.

"Aba, ang tapang-tapang mo na! Porke't boyfriend mo na si Charlie eh ganiyan ka na makaasta." Aniya at tinaray-tarayan pa ako.

"Walang kinalaman si Charlie dito kaya huwag mo siyang idamay!" Panggigigil ko. Kung wala lang kami sa school, baka kanina ko pa naibunton sa kaniya ang lahat ng galit at hinanakit na ikinubli ko sa aking puso.

"Huh, desperada ka talaga. Pati basura ko, pinupulot mo! Haha! Poor Morixette." Pang-uuyam niya habang humahalakhak sa pagtawa.

Dadambahin ko na sana siya pero pinigilan ako ni Divine. Graduating na nga pala kami kaya hindi na kami dapat magkarecord pa sa school na ito. Kailangan malinis record namin kapag tumungtong na kami sa kolehiyo.

"Pasalamat ka at nakapagpigil pa ako ngayon. Sa susunod, hindi na kita palalampasin." Anas ko. Hinila na ako ni Divine patungo sa aming silid-aralan para makaiwas kami sa gulo.

Pagkarating sa aming silid, bumungad sa amin ang dalawang kurimaw.

"What's up yow? How's you're vacation?" Masiglang bungad ni Jerwel. Hindi niya alam ang kinahinatnan ng Ate ko dahil sa America siya nagbakasyon, sosyal.

"Teka, bakit nakasambakol ang mga itsura niyo? Nakasalubong niyo ba si Ma'am Tapia? Haha!" Biro ni Thirdy na nakasandal sa may pintuan at nagtawanan silang dalawa.

"Tumigil nga kayong dalawa! Nakasalubong namin sa canteen si Denise kaya bad vibes kami ngayon." Birada ni Divine.

"Yung babaeng iyon? Haha! Kaya pala mukha kayong pinagsakluban ng langit at lupa." Hirit ni Jerwel.

"Pumasok na tayo sa loob, natatanaw ko na ang bungangera nating guro." Singit ni Thirdy kaya aligaga kaming pumasok sa loob.

Aral dito, aral doon. Unang araw palang namin pero nagturo na yung mga guro namin. Hindi ko maintindihan yung mga lesson kasi lumilipad ang isip ko. Wala ang atensyon ko sa pag-aaral.

Nang makauwi ako sa bahay, nadatnan ko si Mommy na pinagmamasdan ang litrato ni Ate. Hanggang ngayon, hindi pa rin siya makamove on sa biglaang pagkamatay ni Ate.

Nagmano lang ako sa kaniya at dumiretso na ako kaagad sa kwarto ko. Si Daddy, busy sa pagtatrabaho. Alam ko namang masakit din para sa kaniya dahil anak niya ang nawala. Pero kailangan niya pa ring kumayod para maitaguyod niya kami.

Bago ko buksan ang pinto ng aking silid, idinako ko muna ang aking tingin sa kwarto ni Ate.

"I miss you Ate." Sambit ko. Ilang sandali pa'y pumasok na ako sa aking silid.

Pagkabukas ko ng ilaw, napagitla ako. Para bang nanigas ako sa aking kinatatayuan at malamig ang pawis na lumalabas sa aking katawan. Isang babaeng nakaitim ang nakaupo sa ibabaw ng aking kama ngayon. Nakakatakot ang kaniyang mata dahil nanlilisik ito na pawang puno ito ng galit at hinanakit.

Tinangka kong pihitin ang seradura ng pinto ngunit ayaw nitong mapihit. Nangangatal at nanginginig ako sa takot nang dahil sa kaniya.

Parang kailan lang, tinatabihan niya ako sa pagtulog pero ngayon, nagpapakita na siya sa akin. Biglang umihip nang pagkalakas-lakas ang hangin dito sa loob ng aking silid kaya biglang nagsibukasan ang mga nakasarado kong bintana.

"Gusto mo bang mabuhay ang kapatid mo?" Bungad niya at bigla siyang tumayo. Nakakasindak ang kaniyang boses. Isang boses na pagkatinis-tinis na para bang mula pa sa kaila-ilaliman ng lupa.

Nauyot akong bigla dulot ng takot kaya napasaldak akong bigla sa sahig. Siya naman, bigla siyang lumutang sa ere. May hawak siyang isang bagay pero hindi ko ito maaninaw.

"Sino ka ba? Anong kailangan mo sa akin?" Tanong ko. Nanginig bigla ang aking mga tuhod dahil nasa harapan ko na siya ngayon.

"Wala akong kailangan sayo. Ikaw ang may kailangan sa akin." Aniya at iniabot sa akin ang librong hawak niya.

Tiningnan ko ito bago kuhanin. "The Return of ABaKaDa? Anong gagawin ko rito?" Tanong ko sa aking isipan.

"Bubuhayin ang patay ngunit kapalit nito'y buhay." Pahayag niya at bigla na lang siyang naglaho.

Gumaan na ang aking pakiramdam kaya nakakahinga na ako ng maayos. Dali-dali kong tinungo ang kama para siyasatin ang librong ibinigay nung black lady.

Hindi ko pa rin maintindihan kung bakit ganun ang kaniyang tinuran. Paano bubuhayin ng libro ang patay na? Nagpapatawa ba siya? Dulot ng kuryosidad, dali-dali ko itong binuksan.

"Huwag mong bubuksan ang aklat!" Sigaw ng babaeng nakaputi na nakatayo malapit sa bintana.

Huli na ang lahat dahil nabuksan ko na ito. Bigla itong nagliwanag. Nakakasilaw, wala akong makita.

"Ahh!" Sigaw ko dahil mayroong kakaibang enerhiya ang pumapasok sa aking katawan ngayon. Nangisay-ngisay ako habang nakaupo sa ibabaw ng kama. Pakiramdam ko, tumitirik ang aking mga mata.

"Ate Roxette.." sambit ko dahil parang nakikita ko siya, para bang niyayaya niya na ako hanggang sa tuluyan na akong mawalan ng ulirat.

The Return of ABaKaDa (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon