Chapter 34

51.1K 1.8K 139
                                    

Janine's POV


Nagising na lang akong bigla sa loob ng aming clinic. Ang sakit ng aking ulo, hindi ko alam kung bakit.


"Bata, huwag ka munang gumalaw. Mahina pa ang iyong katawan. Heto oh, kumain ka muna." Pahayag ni Ate Nurse na nagbabantay sa akin.


Nanlaki bigla ang mga mata ko nang makakita ako ng chicken. Ang tagal ko nang hindi nakakakain nito kaya naglalaway ako sa amoy pala nito.


"Salamat po sa pagkain Ate Nurse." Giit ko nang iabot niya ito sa akin.


"Walang anuman. Ate Carie na lang." Turan niya sabay ngiti sa akin.


"Okay po, Ate Carie." Pahayag ko sabay kagat sa manok.


"Halatang gutom na gutom ka. Sige lang, kumain ka. May aasikasuhin lang ako." Aniya sabay labas. Ngumiti na lang ako sa kaniya kasi hiyang-hiya ako sa inasal ko.


Makalipas ang ilang oras, tumayo na ako sa kinahihigaan ko. Maayos naman na ang aking pakiramdam kaya napagdesisyunan kong pumasok na sa aking klase. Wala si Ate Carie kaya hindi tuloy ako nakapagpasalamat. Magkikita pa naman kami kaya maibibigay ko rin sa kaniya ang aking pasasalamat.


Nasa kalagitnaan palang ako ng paglalakad nang makita ko bigla si Clouie na may katawagan sa cellphone niya. Napakuyom bigla ako ng kamao at pilit kong pinipigilan ang aking galit kahit na gigil na gigil na ako.


Nasa tapat ako ngayon ng kinatitirikan ng ating watawat. Naiinis ako dahil hinahayaan kong apihin na lang nila ako. Dapat gayahin ko si Ate Arianne, palaban kaya hindi siya tinatapak-tapakan.


Sa paghakbang ko, isang tinig ang bumulong sa aking tainga.


"Inapi-api ka ng Clouie na iyan 'di ba? Halos araw-araw ka nilang binubully. Ngayong mag-isa lang siya, ito na ang pagkakataon mo para gumanti." Turan nito. Sa bawat katagang kaniyang sinasambit, ngipin ko'y nagngangalit. Tila ba gigil na gigil na ako at gusto ko na siyang dambahin.


"Huwag kang magpapabulag sa iyong galit. Hayaan mo na lang na ang Diyos ang magparusa sa kaniya." Bulong naman ng isang tinig sa kaliwa kong tainga.


Gusto kong makinig sa mabuti kaso biglang nagdilim ang paningin ko't sinugod ko na lang bigla si Clouie.


"Ahh! Aray!" Sigaw niya habang sinasabunutan ko siya.


"Pagbabayaran mo ang lahat ng kasalanan niyo sa akin!" Giit ko habang nanggigigil sa kaniya.


Gusto ko nang itigil 'to kaso parang may kumokontrol sa katawan ko. "Akin ka!" Bulong ng isang tinig na tila ba lumukob bigla sa aking pagkatao kaya tuluyan nang nagdilim ang paningin ko.


Clouie's POV


Humiwalay muna ako sa mga kaibigan ko kasi tumatawag si Boyfie. Kahit bata pa ako, habulin na ako ng mga lalaki dito sa school. Iba talaga kapag maganda.


"Yes baby. I love you!" Bungad ko rito.


Kinikilig naman ako sa mga matatamis na salitang binibitiwan niya sa kabilang linya kaya hindi ko maiwasang hindi humagikgik.


Nagulat na lang akong bigla nang may humablot sa buhok ko't pinagsasabunutan ako. Napapasigaw na lang ako sa sakit dahil parang mapupunit ang aking anit sa sobrang lakas ng kaniyang paghila.


"Tumigil ka na Janine! Nasasaktan ako!" Giit ko. Pilit ko siyang nilalaban kaso hawak ko yung cellphone ko kaya hirap akong magpumiglas.


Kumuha muna ako ng tiyempo para maibulsa ko ang cellphone. "Naiinis na ako!" Sigaw ko at bigla ko siyang tinulak ng malakas at napadapa naman siya sa sahig.


"Diyan! Diyan ka nababagay! How dare you para saktan ako?" Patutsada ko habang nagtataray sa kaniya. Nakasubasob siya sa sahig kaya nakatalikod siya sa akin.


"Magbabayad ka!" Sambit niya nang dahan-dahan.


Napako ako sa aking kinatatayuan dahil sa kaniyang tinuran. Takot na takot ako dahil kakaiba yung boses niya. Parang boses ng diyablo na hinugot pa sa kaila-ilaliman ng lupa.


Nang siya'y humarap sa akin, napaupo na lang akong bigla sa sahig at nalaglag ang pampaganda ko sa lupa, sumabog ito't kumalat nang mabitawan ko.


Dahan-dahan siyang lumalapit sa akin. Nanlilisik ang kaniyang mga mata at ito'y pulang-pula. Wala akong ibang magawa kundi ang manginig sa takot.


"Lumayo ka sa akin! Huwag kang lalapit!" Sigaw ko.


"Lahat ng bagay ay may katapusan. Ikaw ang uunahin ko!" Aniya at bigla siyang tumalon patungo sa harap ko.


"Ahhh!" Sigaw ko dulot ng takot.


Sinasakal niya ako na para bang tinakasan na siya ng bait. Halos hindi na ako makahinga.


Habang nagpupumiglas ako, nakapa ko ang aking eyeliner kaya naman hindi na ako nagdalawang isip pang itusok ito sa kaniya.


"Ahh!" Sigaw niya nang ibaon ko yung eyeliner sa braso niya. Napatigil siya sa pagsakal sa akin kaya naman medyo nakahinga na ako ng maluwag.


"Hindi mo ako matatakasan!" Giit niya at biglang nanlaki ang kaniyang mga mata.


Sa sobrang takot ko, naisaksak kong bigla ang eyeliner na hawak ko sa kaniyang kanang mata. Matagumpay naman ako at bumaon ito rito. Napahinto lang siyang bigla na para bang walang reaksiyon. Para bang bangkay na nanigas lang at walang pakiramdam.


Tumigil na siya sa pagdedeliryo at tila ba hindi kumikilos sa kaniyang kinatatayuan. Nagulat akong bigla nang lumuha ang kaliwang mata niya ng dugo.



The Return of ABaKaDa (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon