Chapter 54

48.6K 1.7K 162
                                    

Hindi ko mapigilang hindi humagulgol ngayon pa't nasa bisig ako ni Jerico. Naaawa ako sa sarili ko dahil ang tanga-tanga ko. Ganoon na lang ba talaga lagi? Kahit na matalino ka, nagiging tanga ka sa ngalan ng pag-ibig? Kailangan pa bang masaktan ka bago ka magising sa katotohanan? Kung gayon, sana pala, hindi na lang nauso ang pagmamahal.


"Si Charlie ba ang dahilan ng pag-iyak mo ngayon?"


Hindi ako makasagot sa tanong niya kasi sa tuwing naririnig ko ang pangalan ng manloloko kong boyfriend, sumisikip ang dibdib ko. Sobrang sakit, lalo pa't sariwa sa aking alaala ang pagpapakasarap nilang dalawa ni Denise.


"Tarantando talaga ang lalaking iyon," aniya habang hinahagod ang aking likod.


"Gusto ko nang umuwi," turan ko.


Hindi ko alam kung kaya ko pa bang harapin ang dalawang lapastangan na iyon. Tanging pagtaghoy lang ang kaya kong gawin kapag naiisip ko silang dalawa. Wala e, mahina talaga ako. Ang hirap palang makibaka lalo na kapag feelings ang nakataya.


"Ihahatid na kita. Sa ngayon, kumalma ka muna. Gusto mo bang makita ka sa inyo na ganiyan ang iyong itsura?"


Umiling ako.


"Good," mahina niyang sambit.


Hinaplos niya ang buhok ko para tumigil ako sa paghikbi. Mabuti na lang, nakita ko siya. Kung hindi, baka nagmumukmok na ako kaagad sa amin.


"May joke ako, sana magustuhan mo," dugtong niya.


"Sige ba, sana naman, nakakatawa iyan."


Habang pinupunasan ko ang mukha ko, kinuha naman niya ang bisikleta niya at naglakad na kaming dalawa.


"Ano ang tawag sa sakit ng baboy?" tanong niya habang patuloy kami sa paglalakad.


"Ano?" tugon ko matapos mahimasmasan.


Dahan-dahan lang kaming maglakad habang akay-akay niya ang bisikleta niya.


"Ade PIGsa," aniya habang inuurat ako.


"Loko ka!" Giit ko sabay hampas sa kaniyang braso. Napangiti akong bigla kahit korni iyon.


Hindi ko alam na may tinatago rin pala itong kakulitan sa katawan. Kahit nag-uuratan kaming dalawa ngayon, gumaan kahit papaano ang bigat sa dibdib ko. Dahil sa ginagawa niya, hindi ko na masyadong naaalala yung nangyari kanina.


"Ayiiee, ngumiti na siya." pambubuska niya sa akin.


Dinilaan ko lang siya bilang tugon. Sa simpleng joke, napangiti niya agad ako. Iba pala talaga ang dating kapag kasama mo ang iyong crush. Masasabi kong magkahalong saya at lungkot na ang nararamdaman ko ngayon. Medyo namutawi na sa akin ang tumawa kaysa pagkabahala.


"Ano naman ang tawag sa panlunas sa sakit ng baboy?" segunda niya.


Napaisip akong bigla, "Ano nga ba?" tugon ko.


"Ade OINKment! Haha!" Hirit niya.


Aaminin ko, natawa talaga ako sa banat niya. Thanks to him, gumaan ang pakiramdam ko.


"Ang korni mo pala, haha!" Panunuya ko.


"Gusto mo naman. Ayan nga oh, sayang-saya ka. Hindi na nawala ang ngiti mo." pang-uurat naman niya.


Napayuko tuloy akong bigla dahil sa tinuran niya. Nahiya tuloy ako.


"Mas bagay sa 'yo ang nakangiti kaya huwag kang sisimangot," pahayag niya sabay kurot sa aking pisngi.


Hindi na ako nagsalita matapos niyang pakawalan ang mga katagang iyon. Hindi ko alam kung bakit ako biglang nahiya sa kaniya.


"Huwag mo nang isipin kung ano man ang iniisip mo ngayon. Magpahinga ka na, sigurado akong pagod na pagod ka na." Bungad niya matapos naming marating ang tapat ng bahay namin.


"Salamat, Jerico..."


Hindi ko na natapos pa ang sasabihin ko dahil nagulat ako sa paghalik niya sa aking pisngi. Napatigagal ako sa aking kinatatayuan at para bang natuod na ko.


"Good night!" Aniya at pinaandar ang kaniyang bisikleta.


Hindi ako makatugon sa sinambit niya sapagkat nag-iinit ang pisngi ko. Tapos, para akong kinakabahan na ewan. Hay naku, kahit pa man itong nararamdaman ko, nagpapasalamat ako sa kaniya dahil gumaan ang pakiramdam ko; at sa ilang saglit lang ay napasaya niya ako.


"Ginabi ka yata ng uwi, saan ka galing?"


Natauhan akong bigla at bumalik na sa katinuan nang marinig ko iyon.


"Wala ka nang pakialam doon, Jaycee."


Nakaupo ngayon si Jaycee sa labas ng aming pintuan. Hindi ko napansin ang presensiya niya, hala! Baka nakita niya at hindi dapat na makita!


Dali-dali akong pumasok at ni-lock ang gate.


"Pumasok ka na sa loob, maagang umuwi sina Tito at Tita kaya bilisan mo na."


Si Mama at Papa, maagang umuwi? Yes!


"Ay sige..."


"Nakita ko 'yon..."


Nanlaki ang mata ko dahil sa sinabi ni Jaycee. Patay ako nito kapag sinumbong niya ako sa parents ko.


"Pero huwag kang mag-alala pinsan, hindi kita isusumbong."


Laking tuwa ko nang sabihin niya iyon. Gusto kong magtatalon sa tuwa.


"Thanks Jaycee!" Pahayag ko at pumasok na sa loob.

The Return of ABaKaDa (Published)Where stories live. Discover now