Chapter 71

40.3K 1.4K 248
                                    

Jerico's POV


Na-iimagine ko palang ang sarili ko na nakabitin ay para bang kay sagwa. Baka mamatay lang ako ng dilat at nakalawit ang dila. Ayoko naman ng gano'n.


Heto na e, nakatungtong na ako sa upuan at nakalagay na ang tali sa aking leeg. Isa na lang ang kulang, ang pagtalon ko para maging swakto ang pagpapatiwakal ko.


Tama ba itong desisyon ko? Paano na ang mga magulang ko sa probinsiya? Ang mga kapatid ko? Ako lang ang maaasahan nila.


"Ano nga ba ang rason mo kung bakit ka narito ngayon? Ang makapagtapos ng pag-aaral para makaahon sa kahirapan 'di ba? Jerico, hindi pa magugunaw ang mundo at mabubuhay ka kahit walang babae sa buhay mo!" giit ng isang tinig sa aking kaliwang tainga.


Oo nga, tama siya. Nandito ako para mag-aral hindi para maghanap ng kasintahan. Bata pa naman ako, seventeen at marami pa akong pagdaraanan sa buhay. Hindi ko kailangang wakasan ang buhay ko dahil lamang sa lintik na pag-ibig na iyan.


"Nasasaktan ka ngayon! Hahayaan mo na lamang ba na patuloy ka pang masaktan? 'Yong tipong gabi-gabi ay maaalala mo siya, ang sakit na idinulot niya sa iyo, kung paano ka niya iniwan at pinili ang iba na mas mahal niya, 'yong panahong ginagamit ka niya para sumaya siya. Kaya mo bang pagnilay-nilayan iyan a?" giit naman ng tinig sa kanan kong tainga.


"Durog na durog na ang puso mo at tila ba isang libong patalim na ang nakatarak diyan sa puso mo. Tumalon ka na para mawala na ang sakit!" dugtong pa nito.


Napapikit na lamang ako habang nakatingala sa kisame. Masyado na akong nagugulumihanan. Ayoko na, nakakapagod na.


"Ang mga magulang mo ay pilit na iginagapang kayo para lang may pangkain kayo sa araw-araw. Hindi mo ba naiisip ang mga sakripisyong ginawa nila para sa iyo? Para sa inyo? Nang dahil sa pag-ibig, susuko ka na't wawakasan mo na ang buhay mo? Jerico, hindi mo pa napapagdaanan ang lahat ng bagay rito sa mundo at maraming pagsubok pa ang kakaharapin mo," bulong naman ng tinig sa kaliwa kong tainga.


"Hindi sagot ang pagpapatiwakal. Maraming tao ang nag-aagaw buhay at nais pang madugtungan pa ang kanilang pananatili sa mundo para makapiling pa ang mga taong mahal nila sa buhay tapos heto ka, sasayangin mo lang ang buhay mo! Huwag kang tanga, Jerico! Gumising ka sa katotohanan!" giit muli ng isang tinig sa aking kaliwang tainga.


Dahil sa mga sinabi niya, para bang nagising ang diwa ko. Ang dami kong napagtanto. Marahil tama siya.


Hindi ko napansin na dumadaloy na pala ang mga munting luha sa aking mukha. Nanginginig ang aking mga kamay habang nakahawak sa may taling nakapalupot sa aking leeg.


Ilang saglit pa, biglang bumukas ang bukana sa aking silid at iniluwa nito ang babaeng kinabaliwan ko.


"Jerico, please! Huwag!" aniya sabay takbo papalapit sa kinaroroonan ko.


Napangiti ako nang bigla niyang yakapin ang aking mga binti.


"Huwag mong ituloy please! Nagmamakaawa ako."


"At bakit ko naman hindi itutuloy 'to? Wala nang silbi kung mabubuhay pa ako sa mundong ito kung ang taong mahal ko'y hindi ako kayang mahalin," turan ko habang sa isip-isip ko'y napapangisi ako.


Tinanggal ko na ang taling nakabalunbon sa aking leeg. Nakasubsob siya sa aking binti kaya hindi niya nakikita na wala na ang balak magpatiwakal. At isa pa, tanggap ko nang kailangan ko ng mag-move-on kahit na mahirap. Kailangan kong kayanin.


"Jerico, please. Patawarin mo ako kung hindi ko masuklian ang pagmamahal na inilaan mo sa akin. Kahit na ganoon, magkaibigan pa rin naman tayo. Alam kong hindi ko dapat matamasa ang pagmamahal mo, mayroon pang higit na magmamahal sa iyo."


Mas lalong gumaan ang pakiramdam ko kasi talaga namang wala na akong pag-asa para makapasok sa buhay niya bilang kaniyang kasintahan. Okay na rin siguro na hanggang magkaibigan lang kami.


Sadyang mayroon nga talagang taong dapat na mahalin at mayroong hanggang kaibigan na lang.


Yumukod ako para hagurin ang kaniyang likod.


"Tahan na, wala na akong balak magpakamatay," ani ko habang nakangiti sa kaniya.


"Sigurado ka?" tanong niya na para bang batang nanghihingi ng kendi.


Tumango ako bilang sagot.


"Salamat!" pahayag niya sabay yakap sa akin nang mahigpit.


---


Matapos ang makabagbag damdaming tagpong iyon, nagpunta kami ni Jerico sa kanilang sala at doon kami nag-usap.


Nagkaayos na kami at napagkasunduan naming dalawa na hanggang kaibigan na lang talaga.


"Pasensiya ka na at walang pagkain dito ngayon. Wala sina Tito at Tita e. Ano ba ang gusto mong kainin? Bibili muna ako," segunda niya.


"Huwag ka nang mag-abala, uuwi na rin ako dahil gabi na rin. Tiyak na hinahanap na ako ni Lola. Okay na sa akin kahit tubig lang."


"O sige, punta muna akong kusina."


Pagkaalis ni Jerico, bigla namang nagliwanag ang libro sa loob ng aking bag kaya kaagad ko itong kinuha.


Mabuhay! Ika'y nagtagumpay. Nakapagligtas ka ng isang buhay!


Nakakatuwa dahil naagapan ko ang pagpapatiwakal niya kaso nakakalungkot pa rin dahil patay na ang taong mahal ko.


Muling lumipat sa susunod na pahina ang aklat.


Alphabeto: Ta 

Mensahe: Magdesisyon nang maigi para hindi magsisi sa huli

Kamatayang dapat ipataw: Tali


Sana, matapos na ang paghihirap kong ito.


"Morixette, heto na 'yong--- ano iyan?" bungad ni Jerico habang nakaturo sa librong tangan-tangan ko.


Nagulat akong bigla dahil nakita niya ang libro. Ano ang gagawin ko?

The Return of ABaKaDa (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon