Chapter 69

45.4K 1.4K 623
                                    

Hindi ko gusto ang aura na bumabalot kay Charlie. Nakakakilabot, nakakapanghilakbot. Hindi siya 'yong Charlie na kilala ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot sa pang-uuyam niya sa akin, sa amin. Nakakaurat kaya naman napatigagal na lamang ako sa aking kinakatayuan.


Batid naman sa mukha ni Jerico at inis at panggagalaiti dahil sa pantutuya sa amin ni Charlie. Alam kong kanina pa siya nagtitimpi kaya naman pinipigilan ko siya. Sa totoo lang, hindi ko alam kung ano ba ang aking dapat na gawin lalo pa ngayong nagkaharap silang dalawa.


Ang lakas ng tensiyong namamagitan sa kanila. Tila ba tatamaan ka ng kidlat kapag pumagitna ka.


Nang magsimula silang magkarambola, hindi ko alam ang gagawin. Naiiyak ako. Hindi ko alam kung sino ba ang dapat na kampihan. Alam kong pareho lang silang masasaktan pero mayroong higit na masasaktan kapag ako na ang nagsalita. Siguro, kapag pinapili nila ako'y hindi ko kakayanin. Pareho silang mahalaga sa akin.


Kanina, nang marinig kong sinabi ni Jerico na boyfriend ko siya, kitang-kita ko sa mata ni Charlie ang paninibugho. Hindi ko alam kung bakit masaya ako gayong alam kong mahal pa rin ako ni Charlie. Mahal ko pa rin naman siya, ayoko lang madaliin ang lahat kaya umiiwas ako sa kaniya. Makikipagbalikan naman ako sa kaniya kapag handa na ko. Sa ngayon kasi, medyo nag-aalangan pa ko.


Alam ko namang may gusto rin sa akin si Jerico, hindi ko naman isinasara ang puso ko para sa kaniya. Maski nga ako naguguluhan dahil sa mga effort na ginagawa niya para sa akin. Sa tuwing kasama ko siya, masaya ako't hindi nakakaramdam ng lungkot. Masaya ako dahil crush ko lang siya noon pero magkaibigan na kami ngayon. Basta mahalaga rin siya sa akin.


"Charlie, tama na! Tumigil ka na! Ayoko na sa iyo! Hindi na kita mahal kaya layuan mo na 'ko!"


Maski ako nagulat nang sambitin ko ang mga katagang iyan. Dahil sa sinabi ko, bigla na lamang yumuko si Charlie at biglang natahimik. Naramdaman ko ang sakit na kaniyang tinatamasa dahil sa aking nasabi. Ako rin ay nasasaktan, kung pwede lang sana na bawiin ko ang mga sinabi ko ay ginawa ko na kaso may pumipigil mula sa kaibuturan ko.


"Salamat sa lahat, Morixette. Mamimiss kita. I love you..."


Para bang pinana nang pinana ang puso ko nang marinig ko ang huling katagang iniwan niya sa akin bago siya maglakad palayo. Ang sakit, sobrang sakit! Parang ako na rin mismo ang pumatay sa aking sarili dahil sa ginawa ko. Balak ko siyang habulin para sabihing hindi totoo ang lahat ng sinabi ko kanina. Na mahal na mahal ko pa rin siya hanggang ngayon. Kaso, sa paghakbang ng isa kong paa ay bigla akong pinigilan ni Jerico.


"Tama na, Morixette. Huwag mo na siyang sundan. Nandito naman ako e," turan ni Jerico sabay kabig sa aking braso at niyakap ako nang mahigpit.


Ramdam ko ang bilis ng pagtibok ng puso niya. Ang lungkot na namumutawi rin sa kaniya. At ang silakbo ng kaniyang damdamin kaya naramdaman ko ang luhang pumapatak sa aking balikat.


"Nasaktan mo na siya 'di ba? Ako na lang, please. Ako na lang ang mahalin mo..."


Hindi ko alam kung ano ang itutugon ko sa kaniya. Basta, pareho lamang kaming umiiyak sa bisig na bawat isa.


The Return of ABaKaDa (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon