Chapter 63

49.6K 1.6K 223
                                    

Charlie's POV


Akala ko talaga, wala nang pag-asa. Gusto ko na ngang sumuko dahil mukhang hindi siya darating. Hindi ko na nga alam kung ano na ang gagawin ko noong mga oras na iyon. Ramdam ko ang pakikisama sa akin ng panahon, malamig. Mukhang makikisabay ito sa pagdadalamhati ko.


Sa pagkamatay ni Ate, parang durog na durog na ako. Sumabay pa ang hindi pagpansin sa akin ni Morixette, double kill. Daig ko pa ang nilamog na saging na hindi maibenta sa palengke sa sobrang panlulupaypay.


Hindi kinaya ng damdamin ko ang mga pangyayari. Hindi porke't lalaki ako, wala na akong karapatang umiyak. May emosyon din naman kami, nahihirapan at nasasaktan.


Ang hindi ko lang maintindihan ay kung bakit niya ako nilalayuan. Sa mga pinagdadaanan kong sitwasyon, dapat nga siya ang kaagapay ko't umiintindi sa akin. Kung may problema man, sana sinabi niya sa akin para ayusin namin.


Magkaibang-magkaiba nga talaga si Denise at Morixette. Dalawang babaeng may magkaibang pananaw sa buhay.


Si Denise, noong naging kami, siya 'yong babaeng bokal. 'Yong tipong sasabihin niya sa akin kung ano ang gusto't ayaw niya. Sa tuwing magkakaroon kami ng hindi pagkakaintindihan, sinasabi niya kung ano ang mali naming dalawa kaya naaayos naman namin ito kaagad. Ma-kwento, halos lahat ng bagay ay ipinapaalam sa akin. Open book kumbaga.


Si Morixette, siya 'yong tipo ng babae na mahirap basahin. Hindi siya ma-kwento, hindi demanding, na-aappreciate ang mga simpleng bagay na nagagawa ko sa kaniya, mababaw lang ang kaligayahan, hindi showy, secretive.


Siguro nga marami pa akong hindi alam patungkol kay Morixette. Pero bilang boyfriend niya, dapat open man lang siya sa akin. Ano pa ang silbi ko kung hindi ko siya matutulungan kung may problema siya o sa aming dalawa. Mahirap siyang kalingain pero mahal ko pa rin.


Sa pagpatak ng ulan, talagang napangiwi na lamang ako. Mukhang wala na talagang pag-asa. Mas gugustuhin ko pang magbabad sa ulan at magkasakit na lang para hindi na ako mahirapan.


Hindi ko alam kung anong gagawin ko nang marinig ko ang boses niya. Nagrigudon ang kaibuturan ko nang makita ko siya sa aking harapan. Sa sobrang tuwa ko, niyakap ko siya.


"Papalakas na ang ulan, sumilong muna tayo," bulong niya habang magkayakap pa rin kami.


Walang mapagsidlan ang aking tuwa dahil sa kaharap ko na siya ngayon. Kinuha ko ang kaniyang kanang kamay at dahan-dahan ko siyang hinila patungo sa may silungan malapit sa malaking puno.


"Masaya ako't dumating ka, baby!" masigla kong sambit nang makasilong na kami.


Hindi ko alam kung natutuwa ba siya o hindi dahil nakita niya ako. Walang emosyon ang kaniyang mukha, patay ang kaniyang presensiya.


"Pumunta ako rito para sabihin sa iyong umuwi ka na," aniya. Malamlam ang kaniyang tingin.


Parang sinaksak ng kutsilyo ang puso ko dahil sa aking narinig. Hindi lamang isang beses, kundi paulit-ulit. Para bang pinapamukha niya sa akin na naaawa lang siya sa akin kaya niya ako sinipot.

The Return of ABaKaDa (Published)Where stories live. Discover now