Chapter 30

55.5K 2K 190
                                    

Pagkapasok ko sa loob ng CR, isinara ko kaagad ang pinto at ni-lock ito para walang ibang magbalak na pumasok.


Dali-dali akong tumungo sa sink at ipinatong doon ang bag ko. Isa paglabas ko ng ABaKaDa, isang mensahe na naman ang ipinarating nito.


"Ika'y maging maagap. Huwag aandap-daap. Buhay ay mahalaga, pagsikapang mapagtagumpayan ang sakuna."


Kinabahan ako nang mabasa ko ito. Mapapasabak na naman ako nito sa laban ng buhay. Wala akong kasiguraduhan kung mapagtatagumpayan ko ang hamon ngayon at mailigtas yung taong nasa binggit ng kamatayan. Kailangan kong gawin ang lahat, hindi ako dapat magpasindak sa takot at kaba.


Sa pagliliwanag muli ng libro, lumipat itong muli sa susunod na pahina.


Ang lahat ng bagay ay magkaugnay,

Bawat bagay ay may buhay.

Kapag ito'y lumupaypay,

Wasak ang hangaring dalisay.


Punong matayog,

Mga niyog na nahuhulog.

Sumasabay sa hangin kapag umiindayog,

Nagbibigay tuwa nang ika'y mabusog.


Dagat na malinis,

Umaalon sa pagkahagibis.

Mga lamang-dagat na may iba't ibang anyo't hugis,

Masilayan pa kaya kung mundo'y malilihis?


Hanging kahali-halina,

Pumupukaw ng loob sa mga bakasyonista.

Paano kung ito'y marumi na?

Matuwa pa kaya sila?


Munting hiling na kay hirap tuparin,

Sa susunod na henerasyon tayo'y sisisihin.

Mga bagay na nais din nilang kam'tin,

Ngayo'y pinagkait natin.


May ideya na ako kung sino ang pinapatungkulan ng libro. Ngayon ko lang din napagtanto, sinisira nga nating mga tao ang mga kayamanang ipinagkaloob sa atin.


Sa pagsara ko ng libro, kasabay nito ang pag-ihip ng malakas na hangin sa loob ng CR na kinaroroonan ko. Sarado ang mga bintana kaya mas lalo akong nabahala.


Nakaramdam na naman ako ng panlalamig. Napaurong tuloy akong bigla at napasandal sa pader dahil sa nangyayari. Nagulat ako nang biglang magsibukasan ang pinto ng bawat cubicle sa loob nito. Tanging dulo lamang na nasa sulok ang siyang nakasara. Nakaramdam ako ng pangamba habang nanginginig ang aking tuhod sa sobrang takot.


May malakas akong presensiyang nararamdaman na sadyang kahambal-hambal. Gusto kong matakot sa sobrang sindak pero kailangan kong magpakatatag.


Hindi ko alam kung bakit may nag-uutos sa isipan ko na lumapit sa nakasarang cubicle. Hindi ko malalaman ang sagot sa aking tanong kung hindi ko ito sisipatin.


Dahan-dahan akong naglakad papunta rito. Napapalunok na lang ako ng laway sa sobrang nerbiyos. Nang ito'y tuluyan ko nang marating, biglang namatay ang ilaw kaya nagpanic ako.


"Ahh!" Sigaw ko dahil ang dilim dito sa sulok. Nakasara pa ang mga bintana kaya walang liwanag na pumapasok dito.


Napatigagal akong bigla nang sumulpot sa harapan ko si Helga na galit na galit habang tumitirik ang kaniyang mapupulang mata.


"Sinuwerte ka lang! Akin ang kaniyang kaluluwa! Akin!" Giit niya sabay sakal sa akin habang nakasandig ako sa pader.


Hindi ako makahinga. Pakiramdam ko pa, umaangat na ang mga paa ko sa lupa. Naduduwal ako na para bang lalawit na ang aking dila.


"Oo, nagtagumpay ka! Pero sinisigurado ko, nasa akin pa rin ang huling halakhak! Haha!" Aniya at bigla pang idiniin ang pagkakasakal sa akin. Pakiramdam ko, titirik na ang aking mga mata at lalagutan na ako nang hininga.


"Kayo na po ang bahala sa akin." Turan ko sa aking isipan.


Kamukat-mukat ko, bigla na lang akong bumagsak sa sahig habang naghahabol ng hininga. Gumagapang ako sa sahig patungo sa may pinto. Mabuti na lang, biglang bumukas ang ilaw kaya nabuhayan ako ng loob.


Pagkatayo ko, napadako ang aking tingin sa may salamin at mayroong pigura ng isang babae ang nakatayo sa likuran ko kaya hinarap ko itong bigla.


Nawala bigla ang kaba sa aking dibdib nang malaman kong si Ethel lang pala iyon.


"Naaawa ako sa susunod na biktima. Gawin mo ang lahat para mailigtas siya." Bungad ni Ethel habang alalang-alala.


"Ako rin. Nagtitiwala ako sa Diyos, alam kong mapagtatagumpayan kong muli ito." Turan ko. Tanging ngiti ang naitumbas niya sa akin.


"Tandaan mo, ako'y kaagapay mo." Aniya at bigla na siyang naglaho muli.


Salamat kay Ethel dahil nabuhayan muli ako nang loob. Nakangiti kong kinuha ang bag ko pero nagliliwanag na naman ang libro kaya binuksan ko ito.


Nanay, Tatay,

Gusto kong tinapay.

Ngunit tayo'y kapos sa buhay,

Kaya wala akong magawa kundi sumikhay.


"Siya'y nanganganib na, masaklolohan mo kaya siya?"

The Return of ABaKaDa (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon