Chapter 53

48.7K 1.7K 334
                                    

Morixette's POV


Hindi ko kayang pagmasdan ang aking sinisinta na may kaniig at nagpapakasarap sa ibabaw ng kama. Ang sakit! Para bang hinagibis ako nang isang daang latigo dito sa puso ko. Gusto kong sumigaw sa galit at pagbuhulin silang dalawa dahil sa kababuyang ginagawa nila.


Hindi ako makapaniwala na papatulan ni Charlie ang kakatihan ni Denise. Wala silang pinagkaiba! Pinandidirihan ko silang dalawa! Masunog nawa sila sa kadagat-dagatang apoy!


Oo, lalaki lang siya na maaaring matukso ngunit hindi niya ba naisip kung ano ang mararamdaman ko kapag nalaman ko ang pinaggagagawa nila? Syet lang!


Hindi ko na kaya pang pagmasdan ang ginagawa nilang kababuyan kaya minabuti kong umalis na lang. Ang sikip sa dibdib, para bang dinidikdik ako ng pison. Ganito pala ang feeling kapag ika'y nasaktan, dama mo hanggang sa iyong kaibuturan.


Dahan-dahan akong bumababa sa kanilang hagdan na kala mo'y may sagala. Ayaw tumigil sa pagragasa ang mga luhang nakikisimpatiya sa aking nadarama. Tanging paghikbi lamang ang aking ginagawa sapagkat ayokong may makarinig ni isa sa kanila ang pagdadalamhati ko.


Akala ko, siya na ang magpapalasap sa akin ng tunay na ligaya. Na siya na ang magpapatunay sa akin na mayroong forever. Na siya na ang icing sa cupcake ko. Na siya na ang tutupad sa lahat ng ipinangako niya sa akin. Na siya na ang makakasama ko habambuhay. Pero hindi pala.


Napakasakit. Hindi ko kayang tanggapin na para akong laruan lamang. Pinaglalaruan nga lang ba nila ako? Simula't sapul ay ito na talaga ang plano nila? Ang saktan ang isang tulad ko? Pero bakit? Wala naman akong kasalanan sa kanila. I'm just Morixette na walang maipagmamalaki.


Naupo muna ako saglit sa may sala dahil ang bigat talaga sa pakiramdam. Yung puso ko, parang walang sawang sinasaksak ng kutsilyo. Napatakip na lamang ako sa aking mukha habang patuloy sa paghikbi.


Maya-maya pa'y nakaramdam ako ng isang mainit na yakap. Banayad ito sa pakiramdam, tila ba nakakagaan ng loob.


Sa pagtungo ko ng aking ulo, isang babaeng nakaputi ang nakayakap sa akin. Ramdam ko ang pagsisisi sa kaniyang puso. At ang pagragasa ng kaniyang luhang pumapatak sa aking balikat.


"Sorry for what I have done," aniya at patuloy pa ring nakayakap sa akin.


Mas lalong dumaloy ang mga taksil kong luha sa aking mukha nang marinig ko ang katagang iyon. Mas lalo akong naiiyak dahil hindi ako makapaniwala na humihingi siya ng kapatawaran sa akin ngayon.


"Alagaan mo ang kapatid ko. Huwag kang magsasawang mahalin siya sapagkat mahal na mahal ka niya," dugtong pa niya.


"Ate Rochaes," ang tanging naisambit ng aking labi.


Hindi ko alam kung totoo ang sinasabi niya na mahal na mahal daw ako ni Charlie gayong nahuli ko silang magkasiping ni Denise, ngayon lang.


Bago tuluyang nawala ang kaluluwa ni Ate Rochaes, kita ko ang ngiti na namumutawi sa kaniyang labi. Sana maging masaya siya sa kung saan man siya mapunta.


"Ma'am, tissue po." alok sa akin ng isa nilang kasambahay.


"Hindi na po, salamat na lang." Tugon ko at tuluyan ko na ngang nilisan ang bahay na iyon.


Wala ako sa aking sarili habang nakasakay sa loob ng jeep. Lumulutang ang isipan ko. Kung anu-ano ang aking naiisip.


"Nay, kawawa naman si Ate sa gilid. Umiiyak siya. Pinalo ba siya ng nanay niya?" sambit ng bata sa 'di kalayuan habang nakakandong sa kaniyang ina.


Bumalik tuloy ako sa katinuan nang marinig ko ang tinuran ng bata. Hindi ko namalayang tumutulo na pala ang luha ko kaya dali-dali kong pinunasan ang aking mukha gamit ang aking dalawang kamay.


"Hindi sa ganoon anak, baka may problema lang siya kaya siya umiiyak." Paliwanag nung nanay ng bata sabay ngiti sa akin.


Tanging ngiti lang din ang iginanti ko rito.


Napaisip tuloy akong bigla na buti pa ang mga bata, tanging paglalaro lang ang problema nila o 'di kaya kapag hindi sila bati ng kanilang kalaro kaya sila umiiyak. Pero kapag malaki ka na, puso na ang pinaglalaruan sa iyo kaya sobrang sakit lang.


Pagkarating ko sa labas ng subdivision namin, hindi na ako sumakay pa ng traysikel o pedicab papasok. Minabuti ko nang lakarin ito kahit gabi na. Safe naman kasi rito sa lugar namin kaya wala kang dapat na ipag-alala.


Lakad lang ako nang lakad habang patuloy sa pagsariwa sa panlalapastangan sa akin nina Charlie at Denise. Kung may lakas ng loob lang sana ako kanina, baka nakalbo ko na silang dalawa. Pero hindi e, mahina ako. Mahinang-mahina ang kalooban ko.


"Morixette..."


Nadinig kong may tumawag sa akin. Kilala ko ang boses na iyon, kilalang-kilala. Hindi na ako nagdalawang-isip pa na lingunin siya.


Paglingon ko, nakita ko siya sa aking likuran habang nakasakay sa kaniyang bisikleta.


"Jerico..."


Hindi ko na napigilan pang muli ang aking mga luha nang bigla na naman silang tumulo nang 'di sinasadya. Sumikip na naman ang aking dibdib at mistulang ang hirap huminga.


Dali-dali siyang bumaba sa kaniyang bisikleta at tinungo ang kinaroroonan ko. Isang mahigpit na yakap ang ipinagkaloob niya sa akin.


"Tahan na, nandito na ko."

The Return of ABaKaDa (Published)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon