Chapter 5 *Ang Sundo ni Emerald*

1.8K 81 4
                                    


"Ikaw na ba ang sundo ko?" ulit na tanong ni Emerald.

Ngumiti ang lalaki. "Siguro," sabi nito.

"Siguro?" Nagsalubong ang kilay ni Emerald.

"Nagugutom na ko. Halika, kumain muna tayo," biglang sabi ng lalaki bago nito hinawakan ang kamay ng dalaga.

"Ah, teka lang!" awat pa ni Emerald ngunit wala na siyang nagawa. Masyadong malakas ang pagkahawak sa kanya ng lalaki. Pero bakit pa ba siya mag-aalala? Ito ang sundo niya.

"Anong pangalan mo?" tanong ng lalaki habang naglalakad sila.

Parang nag-alangan pa sumagot si Emerald, pero dahil sinabi na naman ng lalaki ang pangalan nito, sinabi na rin niya ang sa kanya. "Ako si Emerald."

"Emerald?" Napasulyap sa kanya si Nikela. "Parang Emerald City?"

"O-Oo. Doon kinuha ang pangalan ko."

"Bakit, tagadoon ka ba?" isa pa nitong tanong.

Tumango na lang si Emerald.

Ngumiti naman si Nikela.

Pagkalipas ng halos isang oras, nakalampas na sila sa desyerto at narating nila ang kabayanan.

"M-May pamilihan?" Gulat na gulat si Emerald sa nakita niya. Hindi siya makapaniwala na pagkatapos ng desyerto ay may mga kabahayan na pala at mga pamilihan. May ganito pala sa loob ng Venus? Parang katulad din ito ng pamilihan sa amin, naisip ni Emerald.

"Teritoryo ito ng Fifth Squad. Maraming masarap na pagkain dito," sabi ni Nikela.

Hindi nakapagsalita si Emerald subalit napatingin siya nang diretso sa binata.

"Oh, bakit mo ko tinitingnan?" May pang-aasar na tanong ni Nikela. "May dumi ba ako sa mukha?" tanong pa nito sabay kindat.

"Wala!" mabilis na sagot ni Emerald. "Yung kamay mo lang kasi..." sabi niya bago niya isinenyas ang kamay niya na kanina pa hawak ng lalaki.

"Ohhh..." Namilog ang mga mata ni Nikela. Hawak niya pa pala ang kamay ng dalaga. "Ang init kasi ng kamay mo," sabi nito bago tumawa.

Doon na hinatak palayo ni Emerald ang kamay niya. Hindi niya kasi nagustuhan ang biro ng lalaki. Sa ginawa niya, napansin niya iyong numero sa bracelet nito. "Teka... " Agad niyang hinawakan ang kamay ni Nikela.

"Oh, bakit mo hinahawakan ang kamay ko?" si Nikela.

Hindi na pinansin ni Emerald ang tanong ng lalaki. Nag-focus kasi siya sa pagtingin sa bracelet nito. "N-Number one?"

"Ano namang masama kung number one yan?" sabi ni Nikela sabay hatak palayo ng kamay niya. Ginawa niya iyong ginawa ni Emerald kanina.

"Sa Fourth Squad ako!" bunyag ni Emerald sabay pakita sa numero na nasa bracelet niya. Number Four.

"Oh... sa Fourth Squad ka pala?" tanging sagot ni Nikela.

Doon na napaatras si Emerald. "Hindi tayo parehas ng squad. Ibig sabihin hindi ikaw ang sundo ko!"

"Hindi nga!" diretso ni Nikela.

Doon na inihanda ni Emerald ang kanyang espada. "Bakit mo ko dinala rito?"

"Dinala? Sumama ka kaya sa akin," sabi ni Nikela .

Biglang natigilan si Emerald. Napaisip kasi siya. Oo nga, tama ang lalaki. Agad siyang sumama rito nang di tinitiyak kung ito nga talaga ang sundo niya. Sa madaling salita siya ang may kasalanan.

Prisoners in VenusNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ