Chapter 27 *Limitasyon*

1.3K 60 1
                                    


"Kahanga hanga."
Iyon ang nasabi ni Emerald nang makita niya ang mga kasamahan na nakangiti habang nagtatanim.

Dalawang araw na ang nakalipas mula nang masunog ang kanilang region at masasabing isa iyong malaking dagok subalit sa nakikita niya tila wala iyong epekto sa mga kasamahan.

Sa tabi ni Emerald ay nakatayo si Baron dala ang isang sibat. Narinig nito ang sinabi ni Emerald kaya napangiti ito bago nagsabi ng opinyon.

"Hindi na sila nagrereklamo dahil sanay na sila sa pagtatanim. Isa pa sanay na rin kami sa hirap kaya balewala lang ito. Makikita mo mabilis makakabangon ang buong squad."

"Sana nga," mahinang sabi ni Emerald.

"Pero siyempre kailangan din nating makipagsabayan. Gawin din natin ng mabuti ang trabaho natin."

"Sige!" sagot ni Emerald.

Pumunta sila ni Baron sa lugar kung saan sila madalas mangaso. Kahit labis itong napinsala umaasa pa rin sila na makakahuli rito ng hayop, subalit wala.
Pangalawang araw na nila ito na walang nahuhuli.

"Asar... wala ba talagang kahit isang hayop na maliligaw rito!" inis na si Baron. Hindi man lang niya magamit ang kanyang sibat.

Ganoon din ang nararamdaman ni Emerald hanggang sa may mapansin siyang ibon sa itaas ng nasunog na puno.

"Ibon!"

Tuwang tuwa siya. Naglaho lamang ang saya niya nang malamang hindi ibon kundi dahon lamang iyon.

Ang ibig bang sabihin nito wala na silang mahuhuli?

Hindi. Hindi siya maaaring mag-isip ng ganoon. Siyempre may mahuhuli sila. Siguradong may makikita rin silang hayop, kailangan lang nilang maging matiyaga.

"Hoy, Emerald!"

Bigla siyang tinawag ni Baron.

Napatingin agad siya rito.
Nakita niya na itinusok nito sa lupa ang sibat. Kasabay noon ang pagtungo nito.

"Baron, anong problema?" tanong ni Emerald.

"Wala naman... may naalala lang ako."

"Ano, may naalala ka?"

"Oo!" sagot ni Baron bago ito tumunghay. "Naalala ko ang isang bagay na matagal ko nang gustong gawin..." sabi nito.

Napakunot ng noo si Emerald. "Ano yon, Baron?"

"Hindi ko gusto na narito ka... pero nais ko pa rin pasalamatan ang pagkakataon na makita ka rito, dahil sa wakas puwede ko na itong sabihin... Emerald, patawad."

"Ah..." Namilog ang mga mata ng dalaga. Di niya kasi inasahan iyon.

"Sinasabi ko na nakulong ako nang dahil sayo pero ang totoo kaya ako napunta rito ay dahil sa krimen na ginawa ko. Wala kang kasalanan. Wala kayong kasalanan. Ako ang may kasalanan sa inyo kaya gusto kong humingi ng tawad. Sana magawa mo kong patawarin," ani Baron bago ito yumuko.

Napangiti si Emerald. "Matagal na iyon, Baron... Isa pa hindi naman ikaw ang pumatay kay Esther kaya balewala na iyon. Pinapatawad na kita."

"Emerald..." Napatingin na si Baron kay Emerald. "S-Salamat...Salamat, lady Emerald."

"Lady? Emerald na lang."

"Sige... Emerald. Sa wakas nakahingi na ako ng tawad sayo. Sana kay Nikela rin..."

"Nikela?"

"Pero mukhang mahirap na iyong gawin dahil masyado na siyang mataas. Kaya di bale na lang..."

Prisoners in VenusWhere stories live. Discover now