Chapter 33 *Paglampas sa Hangganan [Part 2]*

1.2K 70 2
                                    

Hindi makapaniwala si Emerald. Talaga nga bang malilipat na siya sa First Region?

"Ang swerte mo, Emerald."

"Sa wakas iiwan mo na rin ang lugar na ito. Wag ka sanang makakalimot."  

Habang naririnig niya ang mga pagbati ng mga kasamahan ay saka lamang siya nakumbinsi na hindi nga ito panaginip. Totoong malilipat na siya. Ito ang bagay na matagal na niyang gusto---ang bagay na pareho nilang inasam ni Jo.

"Ate Emerald!" Bigla siyang niyakap ni Sierra. Kasabay noon ang pagpatak ng mga luha nito. "Hindi ko alam kung bakit ako umiiyak. Siguro dahil ayokong umalis ka pero masaya talaga ko na malilipat ka na... bibisitahin mo pa rin kami ha?" hikbi ni Sierra.

Ngumiti lamang si Emerald.  

Sa lahat ng naroon, si Baron lamang ang tila hindi natutuwa. Nanggagalit ang mga ngipin nito.

"Baron!" Hinawakan ito ni Mary sa balikat.

Napatingin si Baron kay Mary. Sa puntong iyon, kahit di magsalita ang kanilang pinuno ay tila nabasa na ni Baron ang nais nitong sabihin. Tumungo si Baron.

Doon lamang ibinaba ni Mary ang kanyang kamay. Pagkatapos ay nilingon nito si Emerald. "Halika, sumunod ka sa akin sa opisina!"  

Sabay na tumungo ang dalawa sa opisina ni Mary. Pagkasarang-pagkasara ni Emerald sa pinto ay agad nang inilahad ni Mary ang kanan nitong kamay. "Oras na para ibalik mo sa akin ang bandana," sabi nito.

Biglang natigilan si Emerald. Naalala niya iyong araw na isinuko niya ang kulay asul na bandana. Hindi niya akalain na muulit itong muli. Ayaw ng isip niya na tanggalin ang kanyang bandana subalit tila may sariling kagustuhan ang kanyang katawan. Gumalaw ang kanyang kamay para tanggalin ito at iabot kay Mary.

Ipinatong iyon ni Mary sa kanyang lamesa. Lumakad si Mary sa mga lagayan ng aklat at doon ay kumuha ng kulay gintong bandana. "Ngayon ko lang naranasan magbigay ng kulay gintong bandana. Ganito pala ang pakiramdam," sabi ni Mary. Matamlay ang mga mata nito na biglang sumaya pagkaharap kay Emerald. "Para sayo ito," sabi nito. Hindi kinuha ni Emerald ang bandana. "Anong problema?" tanong ni Mary. Dito na niya napansin ang pagkabalisa ni Emerald. "Emerald, hindi ka ba masaya? Malilipat ka na sa First Region."

Masaya?  Napatungo si Emerald.  "Ang totoo... ang hirap maging masaya," aniya.

Napakunot ng noo si Mary. "Bakit?" tanong nito.

 "Totoong pangarap ko na mapalipat sa First Region, pero hindi sa ganitong paraan. Ang gusto ko ay ang mapalipat doon dahil malakas ako," sabi ni Emerald.

Hindi nakatugon si Mary. Lumingon siya sa kanyang lamesa at mula roon ay kinuha ang kulay pulang bandana na kabibigay lang ni Emerald. "Emerald,  alam mo ba na may gumamit na dati ng bandanang ito?"

"Ha?"

Napatingin si Emerald kay Mary.

"Mahirap lang ang Seventh Region kaya nagtitipid kami sa mga bandana. Kaya nga  ginagamit namin uli ang mga bandanang naiwan ng mga namatay naming kasamahan."

"Bakit mo sinasabi sa akin yan?" nagtatakang tanong ni Emerald. Ano nga namang kinalaman ng paglipat niya sa First Region sa bandanang iyon?

"Sinasabi ko ito dahil si Nikela ang dating may-ari ng bandanang ito," bunyag ni Mary.  

"S-Si Nikela?" Namilog ang mga mata ni Emerald.

"Ah, teka... Sa palagay ko hindi tamang Nikela ang gamitin kong pangalan. Siguro mas tama kung sasabihin ko na Double Zero.  Saksi ang bandanang ito kung gaano siya kalakas... pero kahit malakas siya meron pa rin siyang kahinaan.. Iyon ay ang pagiging uhaw niya sa dugo. Hindi niya kayang pigilan ang sarili niya na huwag kumitil ng buhay. Para sa akin Iyon ang kanyang limitasyon... dahil kapag nagpatuloy siya sa ganoong gawain posibleng maubos ang lightyears niya at ikamatay niya iyon. Pero... nagawa ni Double Zero na lampasan ang limatasyon na iyon.  Iyon ay sa pamamagitan ng kapangyarihang natanggap niya mula kay Echezen." Tumingin nang diretso si Mary kay Emerald. "Emerald, sa palagay mo... sa paanong paraan nagawa ni Double Zero na lampasan ang limitasyon niya?"

Prisoners in VenusWhere stories live. Discover now